Ria

9 2 1
                                    

Init. Pati ulo ko umiinit. Ang sarap manapak.

"Inay, matagal pa ba tayo?" napantig ang tenga ko sa aking narinig at nilingon ko ang batang tumawag sa akin ng inay.

Tumigil kami sa paglalakad.

Kumibot ang aking labi sa inis, nakakailan na itong bata na ito sa akin.

"Yulian, isa mo pang tawag ng inay sa akin at igagapos na kita sa puno at iiwan dito," bumelat lamang ang lintek at naunang naglakad sa akin nang nagbabadya akong pikutin ang kanyang tainga.

Rumolyo na lamang ang aking mata sa kanya. Napakainit na nga ng panahon at dumagdag pa itong paslit na ito sa pagka-init ng aking ulo.

Patungo kami sa Alawan, isang maliit na bayan na malapit sa mahabang ilog na nagdudugtong sa bansa ng Prianka at Cietel.

Sa ilang daang bansa, ang Prianka at Cietel ang pinakakilala at pinakamakapangyarihang bansa sa buong Vitre, ang kinikilalang mundo, at ang tawag naman sa buong kalawakan ay Koskia na pinalolooban ng Vitre.

Kilala sila sa pinangangalagaan nilang lawa na tinawag nilang Nala na ipinangalan sa kinikilala nilang diyos ng mga bituin. Ang lawa ay napakalinaw at napakalinis at tuwing gabi ito ay tila nagiging isang salamin dahil makikita mo ang iyong repleksyon na tila ba ay tinitignan mo ang iyong sarili sa salamin. Ito ay napakaganda.

Ang aming paglalakbay ni Yulian paroon ay hindi upang tunghayan ang ganda ng lawa kundi ay kumuha ng tubig nito na maaring gumamot ng isang karamdaman. Ang epekto ng hiwaga ng tubig ng Nala ay gumagana lamang tuwing ika-13 sa ikapitong buwan. Isang beses lang ito sa isang taon.

"Ate Tia, ate! Nakikita ko na ang bungad ng bayan!" Sigaw ng tumatakbong si Yulian patungo sa bungad ng bayan.

"Huwag kang sumigaw dahil ikaw lamang ay isang bisita, respeto, Ian, respeto," aking saad sa kanya at huminto siya sa pagtakbo at tumungo pabalik sa akin na kumakamot ng kanyang batok.

"Hehe, hindi na po mauulit," kumapit siya sa aking bisig at sabay kaming tumungo sa bayan.

Dahil sa maliit ang bayan, sila ay strikto sa mga taong pumapasok doon. Mahirap ang pag-protekta ng kanilang bayan sapagkat kakaunti lamang ang bihasa sa pakikipaglaban at karamihan sa populasyon ng bayan ay kababaihan.

"Magandang araw, binibini at ginoo. Ano ang inyong sadya sa aming bayan?" napatingin ako kay Ian dahil sa sinabi ng bantay na ginoo.

Taas noong tumuwid si Yulian at halatang naibigan niya ang sinabi ng lalaki.

Napaismid ako sa kanyang reaksyon. Ibinaling ko muli ang aking tingin sa lalaking bumungad sa amin.

"Nais naming tumungo sa lawa ng Nala," maikling sabi ko sa kanya at tila ay hindi niya ito nagustuhan.

"Pasensya na, binibini, at hindi kayo maaring tumuloy sapagkat ang bilin sa amin ng pinuno ay huwag magpapunta sa lawa ng mga taong hindi taga rito," paliwanag niya.

Napangiti ako sa kaniyang sinabi.

"Ariadne Cretianne," maikli kong tugon na ikinakunot ng kanyang noo.

"Hindi ko kailangan ang iyong pangalan, binibini, maari ay umalis na kayo, pasensya na," ani nito.

"Pakisabi sa inyong pinuno ang aking pangalan, ngayon mismo, salamat, at maaring pakibilisan dahil may hinahabol kaming oras," litanya ko sa kanya.

"Ano ang kailangan mo sa aming pinuno?" saad niya muli. Wala ba itong katapusan? Umiinit na naman ang aking ulo. Nauubos na ang aking pasensya.

"Maari po bang sundin niyo na lang ang sinabi ng aking Ate at tayo'y matapos na? Ang dami mong tanong," singit ni Yulian dahil ay maari na naramdaman niya na paubos na ang aking pasensya.

The Dawning of CosmosTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon