Higit Sa Hindi Ko Alam

60 4 9
                                    


Aking sinisinta,


Alam kong masama pa rin ang loob mo sa akin. Alam kong maaaring nasaktan kita noong nakaraang gabi. Patawarin mo sana ako sa hindi pagsagot sa iyong katanungan, sa kadahilanang hindi ko pa malaman kung paano mailalarawan sa salita ang wastong sagot para sa iyong tanong.


May mga bagay kasi sa mundong mahirap ipaliwanag. Maraming misteryo na hindi nagagawang matuklasan, gaano man ito katagal saliksikin. Alam mong matagal na kitang iniibig. At alam kong ganoon ka rin sa akin. Ngunit sa maraming taon na tayo ay magkasama, ni minsan ay hindi ko naisip na maaaring dumating ang panahong itatanong mo kung bakit kita minamahal. Kaya naman hindi ako handa, dahil hindi ko ito inaasahan.


Mahal kita. Mahal kita dahil ito ang aking nadarama. Dahil pinakilala ka sa akin ng mundo. Ibinigay ka sa akin ng tadhana. Pangalan mo ang nasa puso ko, maging ang isipan ko ay punong-puno ng mga ngiti mo. Nalulunod ako sa mga tingin mo. Lubos akong nagagalak sa katotohanang hindi nagbabago ang nararamdaman ko para sa iyo magkasama man tayo o magkalayo.


Mahal kita dahil wala akong pagpipilian. Hindi ko hiniling na mahalin ka. Hindi ko kailangang mahalin ka, pero ito ako at minamahal ka. Wala akong mapiling iba dahil ikaw lang, ikaw lang ang tanging nakikita ko na nararapat sa aking pagmamahal.


Mahal kita dahil kaya ko ng gawin ang mga di ko inakalang kaya ko. Mahal kita dahil buong katawan, buong pagkatao ko, ikaw lang ang kilala, ikaw ang hinahanap, at ikaw ang nakikita. Mahal kita dahil mayroong hindi maintindihang pakiramdam kapag kasama kita. Na mahirap ipaliwanag, ngunit masarap sa pakiramdam. Marami akong hindi maunawaan sa mundo ngunit tuwing nakikita kita, alam kong, hindi ko na kailangan malaman ang mga katanungan sa aking isipan dahil ikaw na ang siyang sagot sa mga ito.


Hindi mapakali ang kaluluwa ko, madalas ka nitong hinahanap, na para bang hindi siya kumpleto pag wala ang sayo. Para bang ipinanganak ako na hindi para sa iba. Kundi sayo lamang.


Sa lahat ng mga pinagdaanan natin, minahal, minamahal at mamahalin kita. May mga bagay akong nagagawa noon na tila hindi ko na kaya kung wala ka ngayon. May mga pagkakataon na pinanghihinaan ako ng loob ngunit makita lang kita, lalakas na ako at makakaya ko na.


Naghintay ako. Hinintay ang pagkakataon para makilala ang isang katulad mo. Naghintay ng mahabang panahon bago ko nakita ang taong alam kong matagal na ring hinahanap ang para sa kanya.


Alam kong kagaya ko'y natatakot ka rin. Natatakot ka sa pag-ibig dahil wala naman itong kasiguraduhan. Wala sa ating nakakaalam kung paano magmahal ng tama. Ngunit mamahalin kita sa paraang alam at kaya ko. Sa paraang walang katulad at walang makapapantay.


Tandaan mo mahal ko, ang kagandahan ay nasa panlasa ng taong sumusuri. At ito ay hindi sukatan ng pagmamahal. Kaya't wag na wag mong iisipin na maaari akong magmahal ng iba nang dahil sa kaanyuan. Isa ng magandang obra ang aking sinisinta, bakit pa ba ako hahanap ng iba?


Akala ko noon ay sapat na ang 'hindi ko alam' bilang sagot sa tanong kung bakit mo minamahal ang isang tao. Dahil sinasabi nilang kung hindi mo alam kung bakit ka nagmamahal, hindi ka rin makahahanap ng dahilan para tigilan ang pagmamahal na ito. Pero hindi rin palang masama ang sagutin ang parehong katanungan sa paraang alam mo at nang nararamdaman mo. Dahil nagiging dahilan ang mga sagot mong di nabibilang para mas lalo mo pang mahalin ang isang tao.


Nawa'y patawarin mo na ako, mahal ko. Sana ay naintindihan mo na ang nadarama ko para sayo.


Mahal na mahal kita. Higit sa hindi ko alam. Ikaw lang at wala nang iba.


Higit Sa Hindi Ko AlamTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon