CHAPTER 24

893 21 0
                                    

NAGTATAWANAN ang mag-ama nang bumalik si Ykhezia sa puwesto nila kanina. Kaagad namang bumaling sa kaniya ang dalawa nang mapansin siya. Inalalayan siya ni Magnus paupo.

"Ayos ka lang?" puno ng pag-aalala ang mata ng lalaki. Peke naman siyang ngumiti dahil hindi niya maitago ang pagkahilo.

"Pasensiya na, medyo sumama kasi ang pakiramdam ko." Naramdaman ni Ykhezia ang paghawak ni Seah sa kamay niya. Nakakunot ang noo nito at saka sinapo ang kaniyang noo.

"Mommy, okay ka lang po ba?"

"Yes, baby." Nakangiti niyang sagot. "Ubusin mo na ang pagkain mo, tapos uuwi na tayo. Medyo napagod lang si mommy, okay lang ba?" Sunod-sunod ang naging pagtango nito. "Yes po, medyo ngalay na rin po ako, e." bibo nitong saad.

Nagkatinginan sila ni Magnus bago nagngitian. Hindi na rin niya nagawang galawin halos ang ice cream dahil wala siya sa mood. Kanina lamang ay maayos ang pakiramdam niya pero nang dahil sa pabangong 'yon, nagbago ang kaniyang pang-amoy.

Sa loob ng sasakyan tahimik silang tatlo. Nakatulog na rin sa tabi niya si Seah at si Magnus naman ang nag-abala sa pagmamaneho.

"Umidlip ka muna." Utos ni Magnus. Tumango lamang siya at saka pinilit ang sarili na makaidlip. Nagising lamang siya nang tapikin ng lalaki. Kaagad niyang inalis ang seatbelt at nauna nang bumaba hindi na naghintay na pagbuksan pa. Binuhat niya si Seah na nagising na rin naman kaagad.

"Ohh? Nandito na ang pamilya. Ako na bahala sa bata." boluntaryo ni Kai na pinagbuksan sila ng pinto. Susunod na sana siya sa dalawa nang hawakan ni Magnus ang pulsuhan niya dahilan upang matigilan siya. "Thank you for today, Kazie."

Pinigil ni Ykhezia ang sarili na harapin ito dahil ayaw niyang makita ni Magnus na nakangiti siya. Marami pa siyang dapat na gawin para bumalik sila sa dati at isa lang ang na-realize
niya—hindi lahat ng bagay ay puwedeng balikan kung paano ito naiwan.

"Welcome, pahinga lang ako."

Binitawan din naman siya kaagad ni Magnus kaya sumunod siya sa kwarto. Naninibago pa siya dahil hindi naman ganito ang kinamulatan niya. Ang bahay na tinitirhan nila Magnus ay kasing laki lamang ng kaniyang kwarto.

HABANG nagtitimpla ng kape si Magnus, sumandal naman sa may lababo ang pinsan niyang si Kai. Malalim siyang bumuntong-hininga dahil doon.

"Hindi ka pa rin ba nakokonsensiya? Gusto mo pa rin ba siyang gamitin para sa paghihigante sa mga magulang niya?"

Humigpit ang pagkakahawak niya sa tasa. "Kasalanan nila kung bakit nagkakaganito ako." Makahulugan niyang sagot dito bago sumimsim ng kape. "Ayon na nga, e. Kasalanan nila at labas doon si Ykhezia."

Tiim bagang niyang nilingon ang pinsan. "Alam mo kung ano ang ginawa ng pamilya niya sa akin. At hindi ko sila mapapatawad dahil doon. Alam mo kung gaano ako nasaktan, simula pagkabata ko, bitbit ko ang sakit na 'yon." Natahimik si Kai nang dahil doon.

"Kinamumuhian ko sila."

"Kaya kamumuhian mo rin si Ykhezia?"

"Yes. She cheated on me, makikipagtanan pa siya no'n at binalak niyang iwan ako." Humakbang siya papalapit kay Kai.

"Now, tell me kung wala akong karapatan na magalit sa taong 'yon?" Totoong minahal niya ang babae sa kabila ng katotohanang alam niya. Sobrang bigat para sa kaniyang makasama ang taong naging dahilan ng paghihirap niya. Pero mas mabigat ang lokohin at tangkaing iwan ng taong pinagkatiwalaan at pinaglaban mo sa lahat.

"Hindi naman kita pinipigilang magalit sa kaniya. Pero sana alamin mo kung ano ang nangyari sa kaniya at alamin mo rin kung bakit niya nagawa ang gabing iyon na takasan ka kahit alam niyang ikakasal na kayo sa sunod na linggo." Bumalik ang lahat ng sakit, alaala at galit sa puso ni Magnus. Tama si Kai, after the proposol, Ykhezia changed. Sobrang bilis ng pangyayari dahil nagising na lamang siya isang araw na hindi na siya binibigyan ng oras ni Ykhezia at palagi ito naalis nang hindi sinasabi sa kaniya kung saan siya pupunta.

"At sana..."

"Ano?"

"alang-alang sa anak ninyo, mapatawad mo pa rin siya kahit papaano."

***

Hindi man naging madali kay Ykhezia na maging ina kay Seah habang ginagawa ang mga trabaho kasabay ang personal niyang buhay, aminado naman siyang ito ang pinakamasayang parte ng buhay niya.

Nagpapaalam siya anak na papasok sa opisina—trabaho niya at doon niya sinasamantala ang pagkakataon na asikasuhin ang mga personal na bagay.

"Ma'am, a-attend ka ba sa meeting with Mr. Rich?" tanong ni Warren na bigla na lamang sumulpot mula sa kung saan. Tinaasan naman niya ito ng kilay. "Yes, saglit lang naman 'yon, 'di ba? May kailangan kasi akong puntahan ngayon at kailangan ko ring umuwi nang maaga para sa anak ko—sa anak ni Magnus." Napatikhim siya. Tumango-tango naman ito sa kaniya at hindi pinansina ng kaniyang sinabi.

"Kumusta pala ang pinapagawa ko sa inyo ni Philip?"

"Ma'am, si Philip na po ang kakausap sa inyo tungkol doon."

"Okay, thank you. And please, kapag nakita ninyo si Xavi pakisabi na wala ako." Patuloy na ang pag-iwas niya rito katulad noon. Bumalik na rin ang dating trato niya sa lalaki at hindi na ito muling pinakitaan ng motibo.

Patayo na siya nang biglang mag-ring ang cellphone niya. Awtomatiko namang sumilay ang ngiti sa kaniyang labi nang makita ang pangalan ni Magnus sa screen.

Pansin niya na bumabalik na rin ang sweetness sa kaniya ng lalaki, at bumabalik ang dating Magnus na minahal at pinaglaban niya.

Alam niyang matagal pa, pero umaasa siyang tuluyan silang magkaayos sa kabila ng nangyari na hindi na niya maalala pa mula nang magising siya sa pagka-coma.

"Yes, my love?" pang-aasar niya sa lalaki.

Rinig naman niya ang mahinang tawa nito. "Anong oras ka uuwi?" Bahagya siyang nabigla sa tanong nito.

"B-bakit?" Mabilis niyang kinuha ang tumbler at uminom ng tubig. Nakakahiya naman kasi kay Magnus kung malalaman nitong ganoon kalaki ang epekto nito sa kaniya.

"Let's have a date..."

Uminit ang lalamunan niya nang mabulunan. Ilang ulit naman siyang tinanong ni Magnus kung anong nangyari at kung ayos lamang ba siya.

"Hey... you okay? What happened?" patuloy pa rin ito sa pagtatanong. Nasapo na lamang niya ang kaniyang dibdib.

"O-oo, a-ayos lang ako. D-date ba kamo?" hindi pa rin siya makapaniwala."

"Pfft... don't tell me?"

"Hoy! Hindi, ah!" depensa niya wala pa man itong sinasabi.

"Okay okay, yeah. Date tayo. Alam mo naman na last two months pa ang huling date natin, 'di ba?" Naguguluhan man siya sa inaakto nito, hindi na rin siya nag-inarte pa.

"Sure, my love. Agahan ko, bye! Mwah!" Lakas loob niyang sabi sabay patay ng tawag at kagat ang labi na nagpaikot-ikot habang nagtatatalon.

Sana lang walang nakarinig ng kalandian ko...

"Oh my goshhhh!" tili pa rin niya bago muling pinigil ang kaniyang sarili. 

𝒀𝒐𝒖𝒓𝒔 𝑭𝒐𝒓 1 𝑩𝒊𝒍𝒍𝒊𝒐𝒏 | 𝑺𝒆𝒓𝒊𝒆𝒔 #2✔Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon