KABANATA 1

5 1 0
                                    


KABANATA 1


"Julie, bilisan mo na riyan at parating na si Lola!"

Nang marinig ko ang sigaw ni kuya Lou ay agad akong nagmadali sa paglinis ng aming sala, dahil kapag naabutan ako ni Lola ay tiyak na pagagalitan na naman ako nito.

"Kuya, okay na ba 'to?"

Tanong ko sa kan'ya habang pinapakita ang pagkakalinis ko sa aming sala. 'Di pa man niya ako nasasagot ay narinig ko na ang sigaw ni Lola.

"Nasaan na ang paborito kong apo?"

Agad namang tumakbo sa kaniya si kuya Mello, ang pangalawa sa aming magkakapatid, at kinuha ang mga dala-dalang gamit ni Lola. Sinalubong na rin namin siya ni kuya at tumulong sa pagbuhat ng mga pinamalengke niya.

"July, tapos mo na ba ang mga gawaing bahay?" bungad sa akin ni lola.

"Opo La." napabuntong hininga na lamang ako at dumiretso na sa loob ng bahay.

Bakit nga ba hindi pa ako nasasanay sa ganitong trato sa akin ni Lola. Simula nang maghiwalay ang mga magulang ko ay dito kami dinala ni mama sa Aragon dahil mas maaalagaan daw kami nang maayos ng kaniyang ina, habang siya ay magta-trabaho sa Maynila.

Simula nang lumipat kami rito ay laging masungit sa akin si lola. Akala ko nung una magkakasundo kami dahil ako ang bunso at nag-iisang babae sa mga apo niya. Pero mas naging malapit sa kaniya si Kuya Mello at ayos lang din naman sa akin iyon.

"Oh bat tulala ka na naman diyan?"

Naistorbo ang pag-iisip ko nang tabihan ako ni Kuya Lou, ang panganay sa aming tatlo.

"Hindi ka pa nasanay kay lola, alam mo namang masungit na talaga yun dati pa." napangiti na lamang ako sa sinabi niya.

Napansin niya na naman ang tumatakbo sa isipan ko. Dati pa ay siya na ang laging kumakausap sa akin kapag may problema ako. Kaya naman alam niya agad kapag nagsisinungaling ako.

"Okay lang yun kuya, ano ka ba sanay na sanay na ako sakanya. " nginitian ko na lamang siya at nagpatuloy na sa pagliligpit ng mga pinamalengke ni lola.

"JULY! Halika nga muna rito at may ipag-uutos ako sayo." Naputol ang usapan namin ni kuya nang muli na naman akong tawagin ni lola. Pumanhik ako sa aming sala at nakita ko siyang nagbibilang ng pera; siguro ay nagpada na si mama.

 "Ibigay mo itong dalawang daan doon kay mareng Daia at iyan na kamo iyong bayad ko doon sa utang natin na bigas." Mabuti naman at makakapagbayad na kami, at hindi na ako kukulitin ni Aling Daia tungkol sa utang namin sakanya.

"Sige po 'La."

Nagmadali akong pumunta sa bahay nina Aling Daia pero bago pa man ako makalabas ng bahay ay may humarang sa daraanan ko.

"Hep hep hep! Nagmamadali yata tayo ah" Napabuntong hininga na lamang ako at napangiti nang makita kung sino iyon. "Tumabi ka nga riyan! Kapag nakita ka ni lola, mag-iinit na naman ang dugo nun sayo, at pati ako'y madadamay!" 

Tinalikuran ko siya at nagpatuloy na lamang sa paglalakad papunta kina Aling Daia. "Alam mo Julie, sanay na ako sa ugali ng lola mo, ikaw na lang yata ang hindi." Nakasunod pa pala siya sa likod ko. Hinarap ko siya at tinignan nang masama.

"Ikaw ang pinakauna kong naging kaibigan simula nang lumipat kami dito sa Aragon, kaya isa ka sa inaasahan kong makakaintindi kung saan ako nanggagaling, Dricko.

Tinalikuran ko na lamang siyang muli, at nagpatuloy na sa paglalakad. Tumahimik siya, at sinabayan ako.

Alam kong tinamaan siya sa binitawan ko kanina, hindi ko rin naman masisisi si Dricko kung ganoon ang tingin niya; hindi na ako masanay-sanay kay lola. Pero kasalanan ko bang   gano'n ang nararamdaman ko? Masama na bang masaktan kapag ipinaparamdam sa akin ng itinuturing kong pangalawang nanay na hindi niya ako gusto? Siguro dapat nga masanay na lamang ako. Balang-araw siguro, masasanay din ako.

"Oh Julie! 'Wag mong sabihin na mangungutang na naman kayo! Aba naman oh, akala ko ba'y Manilenyo na iyong nanay mo? Bakit yata wala namang inasenso 'yang buhay niyo!" Hindi ko alam kung bakit sa mga ganitong pasaring ni Aling Daia ay sanay na ako, pero sa mumunting salita ni lola ay naapektuhan agad ako.

"Hindi ho utang ang pakay ko, Aling Daia. Ito ho't magbabayad na kami ng inutang namin nung nakaraan. Salamat ho ulit" Inabot ko sakanya ang pera at umalis na. Naririnig ko pa rin siyang kung may ano-anong binubulong ngunit hinayaan ko na lamang.

"Oh, baka pati 'yon ay dinamdam mo rin ah, si Aling Daia 'yon Julie ha, paalala ko lang." Nandito pa rin pala itong asungot na 'to.

"Ano ba? Ikaw ba'y wala na namang magawa sa buhay mo't ako na naman ang pinupuntirya niyang bibig mo!" Nakapamewang kong bulyaw sakanya, pero sa halip na mainis siya sa sinabi ko ay ngumisi pa ang loko. Kasiyahan niya yata talaga ang inisin ako.

Bago umuwi ay dumaan muna kami ni Dricko sa Balyo; isa iyong maliit na kubo na pinagtulungan naming buuin sa gitna ng kakahuyan dito sa Aragon. Para iyong treehouse kung tawagin sa Ingles. Naging lugar na namin ito simula pa nang maging matalik kaming magkaibigan; takbuhan, iyon ang turing namin sa lugar na ito.

Ang loob ng Balyo ay dinisenyuhan namin ng mga preskong bulaklak, at dahon mula sa mga baging. Pinalibot namin ang mga baging sa bawat dingding ng kubo, kaya nagmistula rin itong gubat. Naroon din ang mga gamit namin simula noong naging magkaibigan kami, tulad ng tirador niya na muntik nang bumulag sa akin noon. Nakalagay ang mga iyon sa lata ng biskwit na pinadala noon sakanya ng tatay niyang nasa Maynila rin.

Umupo kami sa silyang pinaghirapan niyang gawin mula sa mga retaso na napulot niyan kung saan. May sapin naman ito ng mga katsa ng hindi na ginagamit sa bahay, pero hindi rin alam ni lola na nandito na ang mga iyon. Mayayari na naman ako kung sakaling makita niya ang mga ito.

Tahimik lamang kami at tila ba may kanya-kanyang iniisip. Minsan ang mga ganitong pagkakataon ang pinakagusto ko. Tahimik, walang alingawngaw ng boses ni lola.   Kasama ang isang taong tanging nakakaalam ng mga sugat na pilit kong tinatago sa lahat. Sa lugar na ito, kasama si Dricko, ang tinuturing kong tahanan. Malayo sa sakit, at higit sa lahat, malayo sa lalaking iyon.

"Julie, gising na!"

Boses ni Dricko ang narinig ko kaya naman bigla akong nagising, pero saglit pa akong nagtaka dahil wala ako sa Balyo. Maingay na busina ng samu't saring sasakyan ang bumungad sa antok ko pang diwa.  

Ah, Maynila. 




- mensahe mula sa may akda- 

Kumusta kayo? Matagal mula noong huli kong sulat tungkol sa kwento na 'to. Pasens'ya na at ngayon lang ulit nagkaroon ng oras. Pero susubukan kong ipagpatuloy ito maya't maya. Salamat sa pagbabasa. Muli, nariyang ang mga titik at salita upang samahan ka. Sana'y makita kitang muli hanggang sa susunod na kabanata. :3



Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Sep 06, 2022 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Life Between ThornsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon