2: Panauhin

PAULINA

  Pagpasok ko ng aming tahanan, sinalubong ako ng aking nakatatandang kapatid, si Ate Lucresia.

   "Ano ang dahilan ng napakaganda mong ngiti, Paulina? Mayroon ka na naman bang nabiling panibagong palamuti o alahas kaya ika'y nagkakaganyan?" natatawang tanong ni Ate Lucresia.

   "Sasabihin ko na lamang sa iyo mamayang gabi bago matulog, Ate Cresia. Nasaan nga pala si Ina?"

   "Abala si Ina sa kusina, ano ba ang iyong bitbit? Ilapag mo muna iyan upang ika'y makapagpahinga." sabi ni Ate at tinulungan akong ilagay ang mga tela sa upuan ng aming sala.

   "Nasaan naman si Ama? Hindi ko siya nakita noong ako'y nagising."

   "Si Ama ay may pinuntahan, mayroon kasi siyang kaibigan na dumating galing Espanya na dati'y naninirahan sa Maynila. Ang totoo niyan, balak imbitahin ni Ama ang pamilya ng kanyang kaibigan upang sila'y mananghalian at maghapunan sa ating tahanan." sagot ni Ate Cresia. Napatango naman ako. Ang aming ama para sa akin ang pinaka-abalang tao sa mundo. Ngunit kahit siya'y abala, hindi niya pa rin kami nalilimutang bigyan ng pansin. Kaya si ama ang isa sa pinakamamahal kong lalaki sa mundo.

   "Magandang umaga sa aking magagandang kapatid." rinig naming saad ni Kuya Selino.

   "Magandang umaga, Kuya." bati namin ni Ate Cresia.

   "Anong mayroon, Selino? Tila ika'y nagiging malambing sa ating mga kapatid. Naihipan ka ba ng mabuting hangin habang ika'y namamalagi sa Maynila ng tatlong araw?" pang-aasar naman ni Kuya Vicente.

   Apat kaming magkakapatid sa pamilya. Si Kuya Vicente ay dalawampu't isang taong gulang. Si Kuya Selino naman ay ang sumunod, dalawampung taong gulang. Si Ate Lucresia ay labing-siyam na taon at ako naman ay labing-pito. Ang aking ama ay si Don Tolentino Del Mundo, ang pinakamayaman sa aming bayan kaya ang pamilya namin ay tinitingala ng karamihan. Ang aming ina naman ay si Doña Lisandra Fajardo - Del Mundo. Nagmula rin si Ina sa mayamang pamilya ng mga Fajardo sa lungsod ng Laguna. Nagkakilala sila ng aking ama sa Maynila noong si Ama'y nagsasanay maging sundalo at si ina nama'y isang bisitang napadalaw lamang sa kampo nila dahil anak si ina ni Don Romulo Fajardo na noo'y gobernadorcillo ng nasabing bayan. Ipinagkasundo sila ng dalawang pamilya noong labing pitong gulang si Ina at labing siyam naman si Ama. Pagkalipas ng tatlong buwan, sila'y ikinasal sa Maynila at pagkaraan ng limang buwan ay nabiyayaan na sila ng mga anak at iyon ay naging kami. Namalagi sila sa Maynila sa loob ng isang taon at napagdesisyunan na manirahan sa lungsod ng Villaroces kung saan na kami lumaki.

   "Ako'y naglalambing lamang dahil maganda ang aking gising, Kuya Vicente. At saka matagal na akong mabait, hindi mo lamang iyon pansin dahil abala ka sa pag-aaral ng medisina." iiling-iling na sagot ni Kuya Selino. Napakibit-balikat naman si Kuya Vicente at nagtungo sa pintuan ng aming tahanan.

  "Magandang umaga mga anak!" masayang bati ni ina at isa-isa kaming hinalikan. Kahit si Kuya Vicente na lalabas lamang sana ay hinila ni Ina upang humalik sa pisngi nito. Napailing naman si Kuya Vicente at natawa na lang. Natawa naman kami nina Kuya Selino at Ate Lucresia. Sa lahat kasi ay paboritong hinahalikan ni ina si Kuya dahil madalas itong mag-inarte.

   "Ina, nabili ko na ang magagandang telang ito. Tayo ba'y mananahi na?" tanong ko.

   "Patungkol dyan, kayo muna ng iyong Ate Lucresia ang manahi at magpalit ng mga kurtina. Abala ako sa pagluluto dahil darating ang panauhin ng inyong mga ama. Kaya Selino at Vicente, sana'y masaluhan ninyo kami hanggang gabi."

   "Magtutungo ako mamayang hapon sa ospital sa bayan, Ina. Ngunit babalik ako bago mag-hapunan." nakangiting saad ni Kuya Vicente. Tinanguan naman siya ni Ina.

   "Ako nama'y dito lamang upang kayo naman ay aking makasama. Ako'y nananabik na makasama kayo dahil napakaraming gawain sa Maynila."

   "Oh siya! Lucresia, Paulina, ang aking iniutos. Kailangan bago mag-alas dose ng tanghali ay nakahanda na tayo." bilin ni Ina at saka iniwan na kami sa sala.

   Nag-umpisa naman na kaming magtrabaho ni Ate Cresia sa mga tela. Habang sila Kuya Vicente at Kuya Selino ay umakyat na sa taas upang maghanda para sa pagdating ng mga panauhin.

  "Sa tingin mo ba'y may anak na lalaki ang kaibigan ni Ama?" tanong ni Ate Cresia.

   "Posible iyon, Ate. Dahil kailangan ng mga kalalakihan ng anak na lalaki upang ipasa ang pangalan ng kanilang pamilya." sagot ko. Napatango-tango naman si Ate.

   "Paano kung iyon ay guwapo? At kasing-edad mo? Naku!" pang-aasar ni Ate Cresia.

   "Bahala na, Ate. Tayo'y kumilos na."

   Natapos na namin ng aking Ate Cresia ang mga tinahi naming kurtina. Isinabit na namin ito at saka na rin kami naglinis sa aming sala. Pagkatapos ay tinulungan na namin si Ina na maghanda sa hapag-kainan dahil parating na ang mga panauhin ni Ama.

   "Cresia, Paulina, nakahanda na ba kayong dalawa? Maayos na ba ang inyong kasuotan?" tanong ni Ina paglabas galing kusina. Naka-pusod na ang kanyang buhok at suot ang isang magandang baro't saya na bagay na bagay sa kutis ni ina.

   "Opo, Ina. Napakaganda po ninyo." pagpuri ni Cresia at humalik kay ina.

   "Paulina, tawagin mo na ang iyong mga Kuya upang makapag-tanghalian na sila kasabay ng mga panauhin." utos sa akin ni ina. Tumango naman ako at umakyat sa ikalawang palapag upang katukin ang dalawa kong Kuya.

   "Sige na, Paulina. Susunod na lamang kami ng iyong Kuya Selino sa baba. Malapit na kaming matapos sa pag-aayos." sigaw ni Kuya Vicente mula sa silid niya. Wala na akong nagawa kundi ang bumaba dahil parating na sina Ama.

   "Ina, susunod na lamang po sila."

   "Donya Lisandra, nariyan na po ang dalawang kalesa lulan si Don Tolentino at Don Herman kasama po ang pamilya nito." sabi ng isa naming kasambahay.

   "Paulina, Lucresia, samahan ninyo akong salubungin ang inyong ama at ang pamilya ni Don Herman." sabi ni ina at inakay kami sa pintuan.

   "Magandang tanghali sa aking mag-iina." bati ni ama at humalik sa aming tatlo.

   "Magandang tanghali po, ama." bati namin ni Ate at nagmano kay Ama.

   "Aking ipinakikilala sa inyo ang aking matalik na kaibigan. Si Don Herman Ledesma. At ang kanyang asawang si Donya Rosalia."

   "Magandang tanghali, Don Herman at Donya Rosalia. Masaya akong muli kayong makita. Maligayang pagdating sa aming bayan." bati ni Ina at yumuko ng kaunti.

   "Gayon rin ako, Donya Lisandra. Bueno, ito na ba ang iyong mga dalaga? Napakaganda ninyong dalawa." baling sa amin ni Don Herman. Nginitian naman namin ito ni ate.

   "Siyang tunay, Don. Ito si Lucresia, ang aking pangatlo at ang aming bunsong si Paulina." pagpapakilala ni Ina sa amin at ngumiti ito.

   "Herman, sa loob na tayo mag-usap. Malayo ang ating naging biyahe at nakatitiyak akong kayo'y gutom na." natatawang sabi ni ama at inakay si Don Herman papasok sa loob. Sumama naman si Ina at ate at nakasabay ko sa paglalakad si Donya Rosalia at ang kanyang tatlong anak na hindi ko masyadong masilayan ang mukha.

   "Paulina, napakagandang dalaga. Tunay na mabait at napakahinhin. Naikikwento ka sa amin noon ng iyong ama at hindi nga ito nagkamali sa pagkabanggit sa iyo." saad ni Donya Rosalia habang hawak ang aking kamay.

   "Maraming salamat po sa inyong papuri."

   "Ito ang aking mga anak. Sina Roberto, Felicia at... si Silvestre."

   Napatingin ako sa kanilang tatlo at laking gulat ko nang mayroon akong mamukhaan.

   Si Silvestre...

  Ang lalaki sa silid-aklatan.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Oct 09, 2022 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Right Where You Left MeWhere stories live. Discover now