1: Pagtatagpo

PAULINA

   Sakay ng isang kalesa, aking pinagmamasdan ang napakagandang bayan ng Villaroces. Ang bayan ay punung-puno na ng buhay kahit pa ika-anim pa lamang ng umaga ngayon.

   Inutusan ako ng aking ina na bumili ng mga tela sa pamilihan. Mananahi kami ng mga panibagong kurtina upang maging mas maaliwalas ang bahay. Narinig daw kasi ni ina na mayroong bagong dating na mga tela mula pa sa Espanya kaya ako ang naatasan na bumili ng mga iyon.

   "Binibining Paulina, narito na po tayo sa pamilihan." rinig kong saad ng aming kutsero na si Mang Lito. Pinagbuksan niya ako ng pintuan ng kalesa at saka ako lumundag pababa.

   "Maraming salamat, Mang Lito. Hintayin mo na lamang ako, mabilis lamang akong mamimili." bilin ko sa matanda. Tumango naman siya at saka pinaandar na ang kalesa upang iparada.

   Pagpasok ko ng pamilihan, ako'y nginitian ng mga tindera. Kilala na ako sa pamilihan dahil madalas akong isama ni ina rito. At isa pa, kabilang ako sa pinakamayaman at maimpluwensiyang pamilya—ang mga Del Mundo.

   Sa aking paglalakad, narating ko na ang bilihan ng mga tela na magagandang klase ang ibinibenta. Nasa bandang dulo ito kaya mahirap hanapin at makipag-siksikan.

   "Binibining Paulina! Naparito ka?" tanong ni Aling Miranda. Ang may-ari ng tindahan.

   "Magandang umaga, Aling Miranda. Narito ako upang tumingin ng mga tela, naulinigan kasi ng aking ina na may mga bagong dating na tela galing Espanya. Nais niyang manahi kami ng mga kurtina kaya ako'y kanyang inatasan para mamili rito."

   "Naku! Marami-rami ang napadala, Binibini. Tayo na sa loob, naroon ang mga magaganda at malalambot na klase ng tela magmula pa sa Espanya." aya sa akin ni Aling Miranda saka naman kami pumasok sa loob ng tindahan.

   "Magandang umaga, Binibining Paulina." bati ng babaeng anak ni Aling Miranda na si Elisa.

   "Magandang umaga rin, Elisa. Kumusta ka? Kailan ka pa nakauwi dito sa lungsod ng Villaroces?

  "Noong nakaraang linggo lamang, Binibini. Sa araw ng sabado na kasi ang kaarawan ng aking bunsong kapatid kaya nagpaalam muna ako sa kumbento sa Sta. Rita upang magbakasyon ng isang linggo." sagot ni Elisa. Napatango naman ako at nginitian na ang dalaga.

  "Binibining Paulina, narito na ang inyong hinahanap. Ito ang pinakamagandang klase ng tela na mayroon ako na dumating galing Espanya. Ipriniserba ko ito kung sakaling kunin mo man, at tama nga ang hinala ko!" natutuwang sabi ni Aling Miranda. Nginitian ko naman siya. Napaka-masiyahin talaga ng aling ito.

  "Napakalambot nga nito at magmumukhang presko kung ito ang gagawin naming kurtina. Akin itong kukunin. Magkano ang mga ito?"

   "Limampung mga barya ko lamang iyan ibebenta, Binibining Paulina." sagot ni Aling Miranda.

   Tumango ako at ibinigay sa kanya ang bayad. Agad naman niyang binalot ang mga ito saka na ako nagpaalam.

   Paglabas ko ng tindahan, ako'y nakakita ng isang silid-aklatan sa harap ng tindahan na aking pinanggalingan. Naglakad ako ng kaunti upang makarating roon.

   Pagbukas ko ng pintuan ng aklatan, ako'y nakabangga ng isang ginoo. Tumapon ang kanyang dala-dalang mga libro.

  "Paumanhin!" iyon na lamang ang aking nasabi dahil sa gulat. Agad akong yumukod upang tulungan siya sa pagpulot ng mga nahulog na libro.

   "Hindi na, Binibini. Ayos lamang, ika'y tumayo na." rinig kong sambit niya.

   Napakaganda ng kanyang tinig.

   "Binibini, marurumihan ang iyong saya. Ako na ang bahala rito." sabi pa niya. Tinigilan ko ang aking ginagawang pagpulot upang siya'y harapin.

   Pag-angat ko ng aking ulo, tumambad ang...

   Napakaguwapo niyang mukha...

   Agad naman akong nag-iwas ng tingin, hindi ko maari iyong titigan ng matagal.

   "P-Paumanhin, hindi kita napansing papalabas. Nais ko lamang sumilip sa loob dahil ngayon ko lamang nasilayan ang lugar na ito. N-Ngunit ako'y aalis na, marahil ay hinihintay na ako ng aking kalesa." saad ko at naglakad na palayo.

   Nang makalayo, muli ko siyang nilingon.

   Siya'y nakatanaw pa rin sa akin. Kahit siya'y malayo, kanya pa rin akong nakikita.

   Ano ba itong nararamdaman ko? Ngayon ko lamang ito naramdaman magmula nang masilayan ko ang kanyang mukha. May kakaibang pakiramdam sa akin noong ang mga mata namin ay sandaling nagtagpo.

   "Ako'y nagagalak na makilala ka ngayon, Ginoo..."

Right Where You Left MeWhere stories live. Discover now