Pagwawakas

9 0 0
                                    


Nagising ako sa hospital bed sa General Hospital. Ako si Maynard, bente-sinko anyos, isang writer na nagwagi ng Young Author's Prize sa kanyang unang nobela. Kasama sa premyo ang artist residency sa Baguio na sponsored ni G. Gallano. Naka-upo siya sa tabi ng aking kama.

"Mabuti't nagising ka na." Palapit na sa eighty years old ang aking padron, "Sayang ang talento mo kung ganoon ka lang mamatay." Tinignan ko siya mula ulo hangga't paa. Siya ba ang mamang naka-leather jacket at sumbrero. Siya ba ang psycho na tinukoy ng Samahan ng mga Tegi?

Imposible. Hindi ko nakikita sa mahina niyang pangangatawan ang lakas na kayang magpatumba ng tulad ni Alex.

Panaginip lang ba lahat ng nangyari sa akin sa campfire? Imposible, napakatotoo ng lahat. Ng sandwich, ng beer, ng hinaing ng mga yumao. Sa tatlong kuwentong nadinig ko ay nasuong ako buhay at pagkamatay ng aking tatlong kaibigan.

Matapos ang isang linggo ay dinala ako sa villa ni G. Gallano. Isang modern structure na nakapaloob sa isang subdivision. Sa biyahe'y may napansin akong labi ng nasunog na bungalow. Naalala ko ang bahay ni Jes. Pinakong pasara ang mga bintana't pinto at pinaliyab. Ito ba ang kanyang huling hantungan? Lumipad sa harap ng kotse ang punit na piraso ng nasunog na kartolina.

Sa mismong bahay ay sinalubong kami ng mga trabahador ng Gallano Estate, mga maid at butler na naka-uniporme. Kahit sino sa mga lalaki roon puwedeng maging psychopath. Pinatalas ko ang aking mga mata subalit nakakubli ng mahabang manggas ng suit ang mga braso ng mga lalaking bumati sa amin.

Tinulungan ako ng isang lalaking nagpakilala bilang Leon, "Ako na po bahala sa inyo." Bilang ka-rerekease ko lang ay naka-wheelchair pa ako noon kahit kaya nang maglakad kahit papaano. Kinarta ako ni Leon patungo sa aking kuwarto. Naka-suit and tie siya tulad ng ibang lalaki, subalit may sadyang katangkaran at malaki ang katawan kung ikumpara sa ibang mga kasambahay. Ang lalaki bang nagtangka sa aking buhay ang nag-aabot sa akin ng tulong ngayon? Yumuko ako at nagpasalamat sa mainit napagtanggap at itinulak papasok sa malaking bahay

Hindi ako mapakali sa aking magarang kuwarto. Nag-uumapaw man ang kabutihan ni G. Gallano ay nasa hawla pa rin ako ng leyon. Pun intended. Isa ba sa mga serbidor niya ang psychopath? Si Leon ba? O si G. Gallano ba mismo na nagpapanggap lang na mahina. Tulad ni Tony, pakiramdam ko nasa bus akong pahulog sa bangin, walang takas sa siguradong kamatayan.

Sa gabi ay kinumbidahan ako ng aking padron na kumain ng hapunan magkasama. Dulo sa dulo kami naka-upo at pinagigitnaan ng piyesta. Kain lang daw ako, sabi niya, habang umiinom ng tsaa. Nabawasan na raw siya ng gana kumain sa kanyang katandaan. Ako naman walang ganang kumain sa takot na may lason ang mga nakahain.

"Leon, bakit hindi mo ipaghiwa ng Bulalo Steak ang bisita natin?"

Naglabas ng malaking carving knife ang serbidor na nakatayo sa gilid. Sumakit ang mga hiwa ko sa tiyan sa imahe ng kutsilyong naglalagari ng steak. Ganito ba namatay si Alex, habang linalagari ang kanyang kalalakihan? Kumakabog ang puso ko sa kaba habang nagsasalita si G. Gallano.

"Matagal nang nagtratrabaho para sa akin itong si Leon. Maasahan mo siya."

Naglagay si Leon ng ilang slice ng steak sa aking pinggan at sinamahan pa ng bone marrow.

"Gusto ko humingi ng tawad sa dinaanan mo. Inimbitahan kita sa aking pamamahay matapos ay mangyayari sa'yo iyon. Kung di lamang sa mabilis na aksyon ni Leon ay siguradong patay ka na."

Yumuko si Leon nang nakangiti.

Sa mabuting asal ay napasagot ako, "Kasalanan ko naman po siguro... Dapat hindi ako nag-ehersisyo sa kalagitnaan ng gabi."

"Nonesense! Safe dapat ang Gallano Estates! Ito ang tinatrabaho ko, isang artist community kung saan makakatrabaho nang mapayapa ang mga henyo ng susunod na henerasyon. Maynard, kayo ang nagdadala ng bandila ng ating bayan!" Naubo si G.Gallano sa biglang bugso ng emosyon. Kumuha si Leon ng gamot mula sa cabinet at pinainom ito sa matanda niyang amo. "Patawad, Maynard. Kami ang nagkulang."

Samahan ng mga TegiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon