HULING HALINGHING: KASAL

84 3 0
                                    

Huling Halinghing: Kasal

PARANG HINATULAN NG ISANG MABAGSIK NA SUMPA ang buong lalawigan ng Nueva Ecija nang salantain ito nang halos maglilimang buwang tagtuyot. Nangagyuko ang mga uhay sa pananim. Nangabitak ang dating matabang lupa. Nangarilang ang buong palayan. Nangamatay ang maraming hayop at halaman. Nangagkasakit ang maraming bata.

Lumaganap ang iba't ibang uri ng sakit at epidemyang kumitil ng maraming buhay. Nangagsara ang ilang negosyong pang-agrikultura sa Gapan at San Isidro. Nangatigil ang ilang makina ng mga pabrika sa Jaen at San Leonardo.

Binawi ng ilang negosyante't imbestor ang pakikipagkalakalan sa Gapan at Lungsod ng Cabanatauan. Isa nang disyerto ang Tungkong Bato. Ito ang nilalaman ng ulo ng balitang nakasaad sa Ang Nueva Ecijano, pahayagang lokal ng lalawigan, dala ng isang kasama namin sa kilusan, isang hapong siya'y bumaba sa kabayanan.

Kung bakit at paano ako napahinuhod ni Hermano Huseng na mamundok at sumapi sa kanilang kilusan ay bunga ng aking lihim na pagtatangi sa kanya. Pagsaping ang naging bunga'y ang mapangahas na pagtatapat ko kina Tatang at Inang ng aking tunay na pagkatao at iniingatang lihim.

Pagtakwil ang ipinabaon sa akin nina Tatang nang lisanin ko ang Tungkong Bato upang sumamang mamundok kay Hermano Huseng. Pagtakwil na dadalhin nila hanggang sa hukay, nang hindi ko nakakamit . ang kanilang kapatawaran.

"Patawad, Tatang. ... Patawad, Inang... Patawad..

---

ANG PAGYURAK SA AKING DANGAL bilang tao ang matinding dahilan ng pag-anib ko sa kilusan, pangalawa lamang ang nadarama ko para kay Hermano Huseng.

Nagsisimula na noon ang pagtutuyot, habang isinasalansan ko ang mga polyetong ipinagkatiwala sa akin ni Hermano Huseng ay tatlong armadong lalaking nakauniporme ng militar ang walang kaabog-abog na pumasok sa aming bahay.

Sa pagitan ng aming pagmamakaawa at pagpupumiglas laban sa kanilang pananakot at pananakit ay walang habag na iginapos nila sina Tatang at Inang.

"NPA ka raw?" anang isa.

"Hindi, sino'ng maysabi sa inyong NPA ako?" ang nahihintakutan kong tugon. "Napangiti sila sa uri ng tinig na kanilang narinig. At sila'y tuluyang naghagikgikan

"Ibang putahe pala 'to, eh," ang puna ng pinakamatanda sa pangkat. "Makinis... Mas maganda pa sa misis ko, Pare." Gumuhit sa lalim ng gabi ang nakababasag na halakhak.

"Pinulong mo raw ang mga kanayon mo at nagpamudmod ka ng mga polyetong maka-kaliwa," ang sabi ng isa. Palinga-linga. Waring may hinahanap.

"Hindi totoo 'yan," ang pagkakaila ko.

"Kung hindi'y ano'ng ibig sabihin ng mga polyetong ito? Bakit nasa pag-iingat mo?" Sinu-sino kayo? Sino ang lider ninyo? Ikaw?" Galit ang tinig.

"Hindi ... Hindi ko alam ang sinasabi mo," ang sabi ko. Pinalibutan ako ng tatlo. Isang malakas na suntok sa sikmura ang nagpapilipit sa akin. Isa-isa nilang hinubad ang aking damit, pati pantalon at pati ang nasa loob ng aking pantalon. Isang suntok sa mukha ang nagpatigil sa aking paghiyaw.

Ibinaba ng kaharap ko ang kanyang pantalon pati ang panloob na tumatakip sa  kanyang kahubdan. Inilabas ang nasa loob niyon.

---

KAYRAMI KONG NATUTUHAN sa aking bagong daigdig, dito sa isang liblib na nayon ng Camarines Sur; mula nang kunin ako ni Hermano Huseng pagkatapos niya akong maitakas sa piitan, kasama ng iba pang mga lalaking hindi ko kilala.

Ang karanasan kong iyon ang nagpabago sa pananaw ko sa buhay. Mula sa nakade-kahong ideolohiya ay nakawala ako sa gintong hawlang nasususian ng maraming pagtutol at pagbawal.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Jan 14, 2023 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

HULING HILING, HINAING AT HALIGHING NI HERMANO HUSENGWhere stories live. Discover now