HULING HILING: ISKUWALA

144 4 0
                                    

HULING HILING, HINAING AT HALINGHING NI HERMANO HUSENG

ni Pat V. Villafuerte

Huling Hiling: Iskuwala

NAGSISIMULANG MAGKULAY-GINTO ang dati'y luntiang punla na ni-linang ng mapagpalang-kamay ng mga anak-bukid nang huli kong masilayan si Hermano Huseng, pagkaraan ng ilang taong pinaghiwalay kami ng panahon at ng pagkakataon.

Noo'y kaniyang kasibulan maglalabimpitong tag-araw ng kanyang buhay. Malapad ang dibdib, maumbok ang siksik na mga braso, masigla at malakas. Pagmulat ng kanyang mga mata kasabay ng pagputok ng araw, isang katangi-tanging ritwal ang pinagkakaabalahan niyang gawin ang talunin at magpaikot-ikot sa mahabang bakal na ang magkabilang dulo'y natatalian ng makapal na lubid at nakabuhol sa walong talampakang kawayan.

Parang binabaluktot na ratan ang kanyang katawan tuwing itinataas- ibinababa ang pantay niyang mga paa, at ito'y nagmimustulang lagas na dahon ng banaba habang inililipad ng hangin. Pagkaraan ng ilang sandali'y pantay ang mga paang lulundagin niya ang lupa habang tuwid at magkapantay ang kanyang mga kamay na nakaturo sa langit.

Nganganga't ibubuga ang nakaipong hangin sa malapad niyang dibdib saka sisimulang punasin ng kupasing lavacara ang namumuong mga pawis sa kanyang noo, pisngi, liig. batok at braso. Isang seremonya ko na ring gumising nang maaga kapag nauulinigan ko na ang kanyang mga yabag. At sa munting bilog na butas ng sawaling dingding ay lihim kong pinagmamasdan ang kanyang kahubdan. Ang malapad niyang dibdib at ang maumbok at siksik niyang mga braso. At ako'y nakadarama ng naiibang sigla. Ng naiibang pangitain. Ng di-maipaliwanag na damdamin.

Ang unang dalawang saknong ng kauna-unahang tula ni Hermano Huseng na pinabasa at ipinasuri niya sa akin ay naganap isang hapon sa ilalim ng isang punong santol. Isang hapong ayon sa kanya'y tamang panahon ng pagpapala- yang-diwa:

At sapagkat ang mabuhay sa daigdig ay walang katapusang pagkukumagkag sa nakagapos na proseso ng kapagalan, bawat lakad-pasulong bawat likong pakaliwa't pakanan bawat yapak-pabalik ay may pagsuko sa loob ng ating sarili. nahahakbangan ang puso natatalisuran ang isip ngunit nahahawan ang landas

para sa kaluluwang pagal sa paghahanap ng katotohanan sa di-madalumat na katotohanan sa pagitan ng maraming pagtango't pag-iling sa pader ng di-mabilang na pagpigil at pagtutol.

"Parang galit ka sa mundo," ang tanging nasabi ko. Ang akala ko'y iyon ang magiging simula ng isang magandang yugto sa buhay ko. Hindi pala.

Pagkaraan ng ilang linggo'y naibalita niya sa akin na kinumbinsi siya ng kapatid ng kanyang hipag na magtrabaho sa konstruksyon ng kauna-unahang mall na maipatatayo para sa mga Nueva Ecijano. Ito'y nangangahulugang sa lungsod ng Cabanatuan na siya maninirahan, at paminsan -minsan na lamang siya luluwas sa Tungkong-Bato. Ito na rin marahil ang magiging simula ng aking kalungkutan. Ng aking kamatayan.

Naging suliranin ni Hermano Huseng ang magkakasunod na taong pag- aasawa ng tatlo niyang kapatid. Papatanda na ang kanyang ama at wala nang makakatuwang sa pag-aanluwage. Ang kanyang kuya ay nakapangasawa ng isang Sebwanang namasukang katulong sa tahanan ni Meyor.

Sa munisipyo na nagtatarabaho ang panganay na kapatid. Nang sumunod na taon ay itinanan ng kanyang diko ang dalawang taon nitong nobya na taga-Aluwa. Sa bayan na ng babae nanirahan ang mag-asawa. May minanang kiskisan ng palay ang babae nang mamatay ang mga magulang nito at ito ang kanilang pinagkikitaan.

Pagkaraan ng isang taon, nagpaalam ang kanyang sangko na magpapakasal na rin sa kasintahan nitong nasa kabilang ibayo. Maestra sa isang publikong paaralan ang napangasawa nito.

Nagtayo ng maliit na tindahan ang mag-asawa at ito ang kanilang pinalalago. Siya naman namamalagi. Dalawang beses sa isang buwan na lamang siya kung umuwi sa ay sa pinagtatrabahuhan na

HULING HILING, HINAING AT HALIGHING NI HERMANO HUSENGWhere stories live. Discover now