HULING HINAING: KALATAS

77 3 0
                                    

Huling Hinaing: Kalatas

PAPALAPIT NA ANG BAGYO sa Gitnang Luzon at nagsimula nang magsilikas ang ilang pamilyang taga-Tarlac at sa kanilang mga kamag- anakan sa ilang kalapit-bayan ng Nueva Ecija. Katulong ni Tatang, sinimulan na naming suhayan ang aming nalulugmok ng bahay habang unti-unti ang inaani ni Inang ang mga gulay sa tumana.

Kinulong ko na rin ang mga alagang itik ni Hermano Huseng na siya kong naging libangan at tagapagpaalala ng aking itinatagong damdamin sa nagmamay-ari niyon.

Magdadalawang taon nang nailibing si Tata Pulo at mag-iisang taon nang namayapa si Nana Docia. Tanging ang pangalawang anak na lamang ng matanda ang nakarating sa libing nito. Balitang nagtatago ang panganay na anak dahil nakadispalko ng salapi sa munisipyo at ang pangatlong anak naman ay balitang nangibang-bayan.

Samantala, walang makapagsabi kung nasaan si Hermano Huseng. May nagsasabing nasa Maynila at namamasukan bilang weyter. May nagbabalita namang nakasama ito sa lumubog na barko patungong Cebu.

Ngunit malaki ang kutob kong siya'y buhay. Iba ang nadarama ng isang umiibig... nang lihim.

"Pag-aari na pala ng mga Intsik ang halos ikatlong bahagi ng Tungkong Bato. Taga-Taiwan Taiwan nga ba 'yon? Mula sa hanggahan ng ilog hanggang sa kawayanan. Sakop ang lupa natin, Ingga, pati na'ng ating tumana," tinig iyon ni Tatang. "Pagtatayuan daw ng pabrika."

Iyon ang dahilan ng pakikipagpulong ni Alkalde sa mga taga-Tungkong- Bato sa tanggapan ni Kapitan no'ng isang gabi. Kabilang kami ni Tatang sa mga dumalo. Sa simula'y kinaringgan ng mga pagtutol, ngunit nang malauna'y may mangilan-ngilang sumang-ayon nang ipahayag ni Alkaldeng "Walang ibang magtatrabaho sa konstruksyon kundi mga taga-San Antonio lamang. Kapag natapos ang proyekto'y kayo pa rin ang magtatrabaho sa pabrika. Malaking tulong 'yon sa inyong kabuhayan. Huwag kayong mag-alala. Tutumbasan ng salapi ang alinmang pag-aaring masasagasaan, maging ito'y bahay o lupang sakahan."

Isang gabing pumapagaspas ang mga dahong anahaw ay ginambala ng pagtulog ko ang sunod-sunod na pagkahol ng aso at pag-aalburuto ng mga itik at bibe ni Hermano Huseng.

Pakiwari ko'y pinasok na naman ng mga taong-labas ang iniwanang bahay ni Hermano Huseng, katulad no'ng buhay pa si Tata Pulo. Bagama't may isang metro ang distansya, katapat lamang ng higaan ko ang pintuan ng abandonadong bahay; kaya't dinig na dinig ko ang kakaibang langitngit ng pintong kawayan habang sumasabay sa malakas na hihip ng hangin.

Bukas ang mga matang hinintay ko ang pangyayaring maaaring maganap. ng ilang sandali'y muling lumangitngit ang pintong kawayan kasunod ang papalapit na mga yabag. Sandaling huminto, na sa pakiwari lo'y sa tapat ng aking kinahihigan.

Maya-maya'y muli kong narinig ang mga yabag, ngunit papalayo hanggang sa mawala't tanging ang sunod-sunod na pagaspas na lamang ng mga dahong anahaw ang aking narinig.

Hindi ako gaanong nakatulog ng gabing iyon kaya't nakasungaw na sa bintana ang nag-iinit na araw nang ako'y bumangon. Nakapag-init na ng kape si Inang at kinukumpuni na ni Tatang ang bubong na sa wari ko'y dinaanan ng malakas na hangin.

Agad kong tinungo ang bahay ni Hermano Huseng. Iginala ko ang paningin sa buong kabahayan. Walang nabago. Walang tanda ng paglapastangan sa naiwang alaala ni Tata Pulo, ni Nana Docia at ni Hermano Huseng. Naroon pa rin at nananatili ang larawan ng sinaunang tradisyon na hinubdan ng maraming paghihirap, pagtitiis, pangungulila at pangangarap.

Pinasok ng kakaibang lamig ang katawan ko, at marahil pati na ang kaluluwa ko, nang makita ko sa ibabaw ng mesa ang isang bagay na ni sa panaginip ay hindi ko inaasahang makikita: ang iskuwala ni Hermano Huseng!

Paglabas ko ng bahay, sinundan ko ang mga yapak sa putikang lupa hanggang sa gilid ng aming bahay, katapat ng aking hinihigaan. Binasa ko ang isang nakarolyong papel na nakaipit sa kapirasong butas ng dingding.

Sama-samang pagsigaw Sa langit nakatunghay, Sama-samang pagkilos Sa lupaing nakalaan.

Bawat awit at tula May tarak ng pagpuksa Bawat ningas ay siga Sa pugon ng pagluksa.

Dugo ang itinitik Sa telang inuusig, silakbo yaong himig Ng pusong humihibik.

Kaya't ngayon na ang panahon para hubdan ang nakamaskarang mukha ng lipunang pag-aari ng mapagbalat-kayong mga dayuhan! Ipagtanggol ang karapatan ng mga aping manggagawal Isulong ang demokrasyang pipigil sa mapagsamantala't mapanlait na naghaharing uri! Mabuhay ang tunay na kasarinlang makapipigil sa karukhaan ng sambayanang Pilipino! Isulong ang pambansang pakikibaka!

Sa likod ng kalatas ay nakasaad ang ganito,

Nasa kalatas na ito ang aking hinaing. Pag-aralan mo ang isinasaad ng kalatas at ipaliwanag ang kahulugan sa ating mga kanayon. Nasa loob ng munting baul ang mga polyeto, kasama ang mga kalatas na katulad nito. Ipamudmod mo sa ating mga kanayon. Ito lang ang huling hiling ko, masaya na ako para sa bayan.

HULING HILING, HINAING AT HALIGHING NI HERMANO HUSENGWhere stories live. Discover now