Kabanata 1

429 4 0
                                    

Kabanata 1

NAGISING si Sabrina sa pakiramdam na mayroong mainit na hininga na tumatama sa kanyang leeg. Nakakaramdam kasi siya ng kiliti dahil doon.

Kaya naman ay dahan-dahan siyang nagmulat ng mga mata. Bumaba ang tingin niya at hindi niya naiwasan ang mapangiti nang makita ang asawa na tila kay himbing pa rin ng tulog. Nakapulupot ang braso nito sa kanyang beywang, habang nakasiksik ang mukha sa kanyang leeg.

Mahigit isang taon na silang kasal ni Tyler at hanggang ngayon ay nag-uumapaw pa rin ang kasiyahan na nararamdaman niya sa piling nito. Kahit abala ito sa negosyo at siya naman ay sa kanyang karera bilang modelo ay sinisiguro nila na mayroon pa rin silang nakalaan na oras sa isa’t isa.

“Guwapong-guwapo na naman sa ‘kin ang asawa ko. Baka matunaw na ako niyan, hah.”

Napaawang ang bibig niya nang bigla itong nagsalita. Kung ganoon ay kanina pa pala ito gising.

“Oo na! Hindi ko naman ikakaila pa ‘yon,” natatawang wika niya, bago napatingin sa wall clock ng kuwarto nila.

Nanlaki ang kanyang mga mata at marahas siyang napabangon nang makita na pasado alas-otso na ng umaga, dahilan para mahulog sa kama mula sa pagkakahiga sa kanya ang asawa.

“Oh, my gosh! Bakit hindi mo ako ginising?”

Mayroon kasi siyang scheduled photo shoot mamayang alas-diyes ng umaga. Kaya naman ay natataranta siyang bumaba sa kama para mag-asikaso.

Napakamot naman sa ulo si Tyler. “Mukhang ang himbing pa kasi ng tulog mo. Isa pa ay alam ko namang pagod ka.” Gumuhit ang pilyong ngiti sa mga labi nito.

Naramdaman niya ang pag-iinit ng kanyang pisngi. Kauuwi lang kasi ni Tyler kagabi, dahil galing ito sa isang linggo na business trip sa Hong Kong. Kaya naman ay hindi siya tinantanan ng asawa, kung hindi pa siya tuluyang nilamon ng antok kaninang alas-kuwatro ng madaling araw.

“Kahit na! Alam mo namang may photo shoot ako ngayong umaga. I don’t want to be late, and I can’t be late.” Ngayon pa lang ay nai-imagine na niya ang mukha ng baklita niyang manager kapag nagkataon.

Akmang papasok na siya sa loob ng banyo upang maligo, nang bigla siyang hatakin ni Tyler at halikan ang kanyang tiyan.

“Kailan ka kaya magkakaroon ng laman?”

Tila naestatwa siya sa kinatatayuan nang dahil sa sinabi nito. Sa loob ng isang taon nilang pagsasama ay walang araw na hindi humangad si Tyler na sana ay mabuntis na siya. Ngunit dahil sa patuloy niyang pag-inom ng pills ay hindi ito mangyari-yari.

Kinagat ni Sabrina ang ibabang labi at masuyong hinawakan ang asawa sa magkabila nitong pisngi.

“Pasasaan ba at magkakaroon din ‘yan ng laman. Sa ngayon ay hindi ka ba masaya na ako muna ang kasama mo? Am I not enough?” Napanguso siya sa asawa.

Tumayo naman ito at naglalambing na ipinulupot ang braso sa kanyang beywang.

“Of course, you are. Sa loob ng isang taon nating pagiging mag-asawa ay sobra-sobra ang kasiyahan na naidudulot sa ‘kin ng katotohanan na gigising ako sa araw-araw na ikaw ang makikita ko.” Hinalikan nito ang tungki ng kanyang ilong.

“Pero siyempre ay iba pa rin kapag mayroon na tayong anak,” dagdag nito.

Napalunok si Sabrina. Siyempre ay hindi mawawala ang pero.

She gave him an assuring smile. “Our baby will surely come at the right time. Don’t worry so much about it.”

Napatango naman si Tyler at tuluyan na siyang pinakawalan. Kaya naman ay dali-dali na siyang nag-asikaso.

Against All Odds ✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon