Kabanata 8

345 5 0
                                    

Kabanata 8

NAPAHIKAB si Tyler habang pinagmamasdan ang natutulog niyang asawa. Mahigit dalawang linggo na rin ang nakararaan magmula ng magkaayos sila at hanggang ngayon ay tila nasa alapaap pa rin siya nang dahil sa gaan ng kanyang pakiramdam.

Hinalikan muna niya ang tuktok ng ulo nito bago siya nagpasya na tumayo. Alas-nuwebe na kasi ng umaga at magluluto pa siya ng almusal nilang dalawa. Mariin naman niyang ibinilin kay Manang Salome na siya na ang magluluto ng agahan nilang mag-asawa lalo na sa tuwing wala naman siyang pasok.

Napailing na lang siya at hindi niya naiwasan ang mapangiti nang maalala kung bakit madaling araw na sila nakatulog kanina. Ang dahilan kung bakit sila napuyat at hanggang ngayon ay nakakaramdam pa rin siya ng antok.

Sa totoo lang ay hindi niya rin maintindihan ang sarili. He’s insatiable on bed these past few days. Marahil ay gusto lamang niyang siguruhin na magkakaroon na ng laman ang tiyan ni Sabrina.

Sa pagbaba niya ay naabutan niya ang ilang katulong na abala sa paglilinis sa sala. Nakangiti naman siyang sinalubong ni Manang Salome.

“Magandang umaga po, Sir Tyler,” bati sa kanya ng mayordoma.

“Magandang umaga, Manang. Magluluto lang po ako ng almusal. Baka po kasi biglang magising si Sab at hanapin ako.”

“Sige po. Naiayos ko na rin po sa kusina ang mga gagamitin n’yo. Tawagin n’yo na lamang po ako kung sakali man na may mga kakailanganin pa po kayo,” imporma naman nito sa kanya.

Napatango siya at malawak ang ngiti na niyakap niya ito mula sa tagiliran. “Marami pong salamat sa lahat ng suporta.”

Natawa naman ang mayordoma sa inasta niya. “Walang anuman. Masaya ako na nagkaayos na kayong mag-asawa. Sana ay magtuloy-tuloy na.” Mahina nitong tinapik ang kanyang likod.

Lumayo siya rito at sumaludo pa sa matanda. “Roger!”

Bakas ang sigla sa mukha ni Manang Salome na bumalik na sa ginagawa. Siya naman ay nagpaalam na bago dumiretso sa kusina. Naisipan niyang magluto ng tapsilog para sa araw na ‘yon. Ayaw kasi ni Sabrina ng masyadong maraming nakahanda na pagkain dahil hindi rin naman nila nauubos. Pagkatapos ay nagtimpla rin siya ng kape nilang dalawa.

Nang matapos ay isinalin na niya ang mga niluto sa plato bago inilagay sa nakahandang tray sa countertop. Naglagay rin siya ng dalawang baso ng tubig. Masaya siya sa tuwing inaasikaso siya ni Sabrina. Pero mas gusto niya na pinagsisilbihan ito.

Malalim siyang napahugot ng hininga nang simulan na niya itong dalhin.

“Sir, tulungan ko na po kayo,” aniya ng isang katulong na nakasalubong niya.

“No need. I can manage. Thank you.” Napahigpit ang hawak niya sa tray dahil muntikan na itong dumulas mula sa kanyang kamay.

Maingat niyang tinahak ang daan patungo sa elevator. Gamit ang kanyang isang daliri ay pinindot niya ang button sa labas at agad namang bumukas ang pinto nito.

Ilang saglit pa ay tumigil na ito at sa paglabas niya ay agad na bumungad sa kanyang paningin ang isang mahabang hallway. Sa paghinto niya sa harap ng kanilang kuwarto ay mariin muna niyang binalanse ang pagkakahawak sa tray bago niya dahan-dahan na pinihit pabukas ang seradura ng pinto.

Ngunit lumalim ang gatla sa kanyang noo nang mapansin na wala na si Sabrina sa ibabaw ng kama. Dali-dali naman niyang ibinaba roon ang hawak na tray nang makarinig ng ingay na nagmumula sa banyo. Sa hindi niya malamang kadahilanan ay bigla siyang nakaramdam ng kaba kaya agad siyang napatakbo papunta roon.

Ngunit nahigit niya ang hininga nang madatnan ang lagay ng kanyang asawa.

“Wifey, what happened? Are you alright?” Natataranta niya itong dinaluhan mula sa pagkakaluhod nito sa sahig habang nakatungo sa bowl at nakahawak sa tiyan nito.

Against All Odds ✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon