"Hah.. hah... Hah."
May usok na nabuo sa hangin kasabay ng aking pagod na na hininga.
Nakatingin sa malayo ang malabo at walang pokus na aking mga mata. Pero kahit ganoon ay nakikita ko sa hindi kalayuan ang isang basurang salamin na mabubog at pira-piraso na.
May nakita akong maraming paa. Nakita ko ang malabong mga pigura na pinulot ang matatalim na piraso ng basura. Kinalikot nila ito at pinagbalik-baliktad. Nakapaskil sa mukha nila ang ngiti na nais kong mahangad.
Pinilit kong hilahin at pagalawin ang aking katawan papunta sa pira-pirasong salamin. Pero bago pa man iyon ay umalis ang mga pigura. Imbis na mapalapit ako ay mas lalo akong napalayo sa mga piraso ng mga bubog na iyon.
Parang nalanta ang aking katawan. Walang magawa at hanggang pagabot na lang sa sirang salamin na iyon sa gitna ng kawalan. Nawawala ang ibang piraso at pino na ang iba na dati'y hindi naman.
Ewan ko ba. Kung bakit ganito ako sa isang "basura."
Lumipas ang ilang mga taon. Ang salamin na iyon ay mas nagkapira-piraso kumpara noon. Maraming dumating na mga mas lalong lumabong pigura na minsa'y inaalagaan ito o kaya naman ay mas nakakasira pa. At ang bawat pigurang iyon, Nakikita kong may dugo ang katawan nila. Kasabay rin noon ang pagtulo ng kanilang dugo sa pira-pirasong salamin sa malayo.
Dugo na marahil galing sa sakit o pagsakit.
Ako ay lanta na. Nanghihina at malapit ng magbitaw sa lubid sa aking likuran. Ilang kilometro na ang layo sa salamin na noo'y isang metro lang.
Masakit ang dibdib ko. Dilim ay malapit nang sumakop sa maliit na natitirang ilaw sa kawalan na ito.
Pinilit ko ang sarili kong tumayo at hinarap ang lubid na ilang sentimetro na lang ang layo. Inangat ang kamay at nanginginig-nginig na nilapit sa manipis na lubid na ito.
Nanlalabo ang mga mata ko.
"Tak tak tak..."
Malapit ko na itong mahawakan nang ako ay napahinto. Narinig ko ang mabilis na tapak ng paa palapit sa "basura."
"Ack," narinig ko ang daing nito.
Marahil ay nabubog ito sa matalas na piraso.
"Ayos lang... Hindi naman masakit."
"Ayos ka lang ba?"
"Nandito lang ako kahit hindi mo man ako papansinin."
"Hindi ka basura..."
"Hoy, huwag kang mag-isip ng ganyan!"
Isang taon ang nagdaan. Hindi ko na pinili pang humarap sa malungkot na salamin na yon at sa bagong dating na pigura.
Hanggang sa may marinig ako na isang boses. Humihikbi ito. Na para bang pasan ang mundo. Na para bang huling araw na ito nang mundo.
Hindi ko mapigilang mapaharap at tignan iyon sa malayo.
May nakita akong mga crack na pigura ng tao. Nakabaluktot ito at tinatago ang mukha na basang-basa galing sa sakit na natamasa. Sa likuran niyon ay isang pigura na sugatan ang kamay at braso na ginagamit niya sa pagyakap sa umiiyak na isa. Hindi ko makita ang mga bubog ng salamin na laging nagi-isa.
"Umalis ka na!" Sigaw nit-- ko? Bakit... Bakit boses ko, bakit ako ang sumigaw ng pangungusap na yon?!
"Hindi.. hindi ko kailangan ng kaibigan na tulad mo!" Sabi ko?
Matapos umalingawngaw ng salitang yon ay nahilo ako. Lumabo ang mata ko at may matinis na biglang gumulo sa pandinig ko. Nagulo ang buong sistema ko at hindi ko na malaman kung anong nangyayari sa sarili ko.
Minuto pagkatapos nito ay may narinig akong iyak.
'Isa akong walang kwentang tao. Basura. Sirang-sira, ang bawat piraso ay matatalas na bubog na nakakasakit.'
Nakita ko ang sarili ko sa gitna ng kawalan humahagulhol ng malakas.
Pati na rin ang magulong bulong na halo-halo ng emosyon. Wala akong marinig ng maayos, wala akong makita, nanlalabo ang mga mata ko, namamaos ang kalamnan ko.
'Sobrang hirap...'
Sobrang hirap.
"Aalis na ako..." Sambit ng isang sugatan na pigura na unti-unti ng lumalayo.
"Pero sana tandaan mo. Hindi ikaw ang nagsimula pero nasa sayo kung magpapatuloy ka. Alam mo ba ang daan? Ito ay pigura na nasa likod mo, ang anino na noon pa may nakatingin sa ilaw sa malayo."
Natigil ako sa kakaiyak. Nakita ko na lamang na nasa harapan na ako ng umiiyak na pigura. Nakatitig ito saakin at bigla akong sinunggaban ng isang mainit na yakap.
YOU ARE READING
Short Stories
RandomA compilation of short stories. ┐('ー`)┌ Language: Filipino-English Started: 15Sep022 Finished: indefinite