#wesaphofficial
Title: The Gangster In Me : Jovik Sebastian Calderon
Genre: Sci-fi/Action/Romance
Pen name: Mikaela ScarlettChapter One
Year 3032.
Nagkakagulo na naman ang mga tao sa siyudad ng Zodivar. Ang mga magulang ay kanya-kanya sa pagtatago ng kanilang mga anak. Puno ng kaba at takot ang kanilang mga puso, partikular na ang mga babaeng bagong kapapanganak pa lamang.Sa kalsada, makikita nila ang mga mababagsik na alagad ng batas, sapilitang pinapasok ang bawat kabahayan. May mga dala itong high-powered guns na labis kinatatakutan ng mga mamamayan. Sa unipormeng suot pa lang ng bawat pulis ay nakasisindak na kabog na ng dibdib ang hatid ng mga ito sa kanila.
Lahat ay halos ayaw magpapasok, lalo na dahil ang sikat na si Police Master Sergeant Jovik Sebastian Calderon ang nakikita nilang nangunguna sa raid na iyon. Hindi maintindihan ng bawat mamamayan kung bakit masahol pa sa iligal na droga ang magtago ng bagong panganak na sanggol sa kanilang lugar.
“O, iyong may tinatagong salot diyan, ilabas n’yo na kung ayaw n’yong masaktan,” anunsiyo ni Police Corporal Demrett Sandoval. Itinaas pa niya ang kanyang kamay na may hawak na isang M1873.
Hintakot na nagsaraduhan ang mga bintana at pinto ng bawat bahay na madaraanan nila. Marahil, kung may tinatago man ang mga residente ay todo pigil na lamang sila sa mga sanggol na huwag nga itong lumikha ng ingay.
Makita lang nila ang high-powered na baril na hawak ng kapulisan ay nanginginig na sila sa takot. “Ilabas na ang mga sanggol . . .” pakanta pang wika ni Demrett at pasipol na sinuyod ang paligid.
Dali-daling isinara ni Brent ang bintana ng kanilang bahay. Kinakabahan siya para sa kanyang bagong silang na sanggol. Hindi siya papayag na kunin ang anak niya dahil lamang sa pagiging makasarili ng kanilang gobyerno.
Maingat niyang kinuha ang isang Gloc19M sa loob ng drawer saka hinablot ang makapal na jacket at pumasok sa kanilang kuwarto ng kanyang asawa. Naabutan niya itong nagpapadede kaya naman minuwestrahan niya itong huwag maingay.
“Nariyan na naman ang mga pulis. Huwag kang gagawa ng ingay,” babala niya at nagmamadaling kinuha ang mga gamit ng kanyang asawa at munting sanggol. Nanlalamig ang mga kamay na ipinasak niya ito sa isang may kalakihan ding bag.
“Natatakot ako, Brent,” namumutlang wika sa kanya ng asawang si Meryl. Bakas sa mukha nito ang sindak at takot sa pag-iisip kung ano nga ba ang posibleng mangyari. Pinagmasdan niya ang anak na si Primrose. Napakainosente ng kanyang anak para maging banta sa kanilang lipunan.
Ni hindi nito kayang manakit ng kahit na anong insekto sa liit nito at higit sa lahat, wala nama. itong kalaban-laban. Pero ang mga gahamang pulis sa labas ay ginagawa ang lahat ng paraan para sindakin sila.
Parte na ng kanilang batas ang kuhanin iyong mga sanggol na nasa tiyan pa lamang ng kanilang ina ay may napakataas nang IQ. Isa daw itong banta na posibleng sumira sa matayog na bansang kinabibilangan nila ngayon.
Nang magdalang-tao si Meryl ay hindi na siya nag-abalang magpa-prenatal check up. Ni walang nakakaalam na nagdadalang-tao siya at nanganak nitong nakaraang buwan lang.
Gayunpaman, kampante siyang magsilang ng sanggol sa tagong basement nila kung saan ang tanging katuwang niya ay ang asawang si Brent na isang doktor. Espesyalista ito sa mata pero isang malaking himala lang na nagawa nitong alalayan siya sa panganganak kaya naman nagawa nilang itago ang sitwasyon nila.
Ang dating Pilipinas ay nasailalim na sa iisang pamamahala kaya kahit gaano man sila kalayo sa namumuno ay abot pa din sila ng kapangyarihang taglay nito. Binago ng presidente ang pangalan ng Pilipinas at sinira ang historikal na kuwento ukol rito.
BINABASA MO ANG
The Gangster In Me: Jovik Sebastian Calderon
ActionHindi biro ang maging isang sandata ng gobyerno. Kakailanganin ng matibay na puso, matalas na pag-iisip at galing sa pakikipaglaban. Dati nang bahagi ng kanilang kautusan na isuko ang lahat ng batang ipinanganak para isali sa ensayo at pasunurin sa...