Kinabukasan, maaga akong gumising para samahan si Mira sa may daungan. Bukod sa hindi ako nakapunta sa lingguhang kasiyahan kahapon, ngayon na lang uli ako magkakaroon ng pagkakataon na humarap sa mga dumarating na turista kasama siya.
Hindi tulad kahapon, mas marami ang mga nadating ngayon kumpara sa mga naalis na tao kaya hindi ako gaanong kailangan ni nanay sa Marina's. Makakapunta din ako sa pangalawang araw ng kasiyahan na gaganapin nang pa-hapon, kaiba kapag Sabado na tuwing pa-tanghali naman.
Naligo muna ako at nag ayos ng sarili dahil haharap kami sa mga bisita dito sa isla. Pinili kong magsuot ng plain dirty white na bestida na presko ang tela sa katawan, iyong lampas sa tuhod at mahaba din ang kamay para presentable pa ring tingnan. Tinernohan ko lamang ito ng puting sarong at brown na sipit.
Pagbaba ko sa salas, nandoon na si Mira at kausap si nanay na naghahanda na rin ng mga baked goods niya na dadalhin sa shop mamaya. Bumati ako kay nanay bago nagtungo kay Mira na masaya akong niyakap at naupo rin muna sa salas.
"Kumain muna kayo nitong umagahan bago umalis. Naghanda rin ako ng mga ilang baked goods na pwede niyong dalhin at ibigay lalo na sa mga batang turista." Sabi ni nanay habang naghahayin sa harap namin. Tumango kami sa kaniya at nagpasalamat.
"Dala ko na pala itong mga pamphlet, Creeda. Marami-rami itong na-print namin ni Mama. Sana ay sapat na ito dahil dumadami na talaga ang mga nadating na tao dito sa isla."
Tumango ako sa sinabi ni Mira. May-ari ang pamilya nila ng ilan sa mga resort dito sa isla. Naisip ng mama at papa niya na gumawa ng mga pamphlet na magiging guide ng mga turista dito, mula tutuluyan, kainan, mga pwedeng gawin, hanggang sa mga sasakyan pauwi.
Dati ay para lamang ito sa mga tumitigil sa kanilang resort pero sa tulong at hiling na rin ng mga pinaka namamahala sa isla, inayos ito para gawing pangkalahatan na siyang libreng binibigay sa mga nadating.
Makalipas ang ilang minuto ay nagpasya na kaming umalis. Ako ang nagbitbit ng mga padala ni nanay at si Mira naman sa mga pamphlet.
"Mag iingat kayong dalawa. Huwag mo nang alalahanin ang shop, anak. Nandito naman ang tatay at mga kapatid mo. Pumunta ka din doon para sa tanghalian, hihintayin ka namin." Nakangiti akong tumango sa bilin ni nanay. Libreng araw kasi ngayon nina kuya Mar at ate Yara.
Naglakad na kami ni Mira papunta sa daungan. Habang papunta roon, nagulat pa ako nang bigla niyang ipinulupot ang kaniyang mga braso sa akin. Dahil may katangkadan, pababa ko siyang tinignan sa aking gilid at nakitang malungkot siyang ngumiti tsaka bumuntong hininga.
"Bilang na lang ang mga pagkakataong magkasama nating gagawin ito." Bahagya akong natawa bago mapanukso siyang tiningnan. "Luha ba iyang nakikita ko?" Tanong ko kahit hindi naman siya naiyak.
Mahina niya akong hinampas bago natawa. Kita kong mukhang malapit na nga siyang maiyak ngayon. "Basta. Gagawin pa rin natin ito. Kahit tuwing bakasyon na parehas pwede tayo. Mangako ka."
Tumango ako bago napatingin sa mga barkong palayo sa dagat. Tulad ko ay magko kolehiyo na rin siya. Iyon nga lang, doon siya sa pinakamalapit na bayan, may kalayuan dito sa isla, kagaya ng gusto ng kaniyang mga magulang.
BINABASA MO ANG
Lunula's Warmth
RomanceNoble #1 "You are the Sun, the one I'm most afraid of reaching." "You are my Moon, the one I'll never get tired of chasing." Photo used in the cover is not mine: ctto