17:30
VII
*
Hinawakan ko ang doorknob ng mahigpit.
Nanginginig ang mga kamay ko at kinakabahan.
Nagdadalawang isip kung bubuksan ko pa ba ang pinto o tatalikod dito.
Narinig ko ang sariling boses ko sa isip ko, inuutusan akong buksan ito.
"Nandito ka na, bakit ka pa aatras?"
Huminga ako ng malalim at binuksan na ito.
Agad na sumalubong ang malamig na hangin sa katawan ko. Napayakap ako sa sarili ko at nagpunta na sa kung saan ba talaga ako tutungo.
Tumayo ako rito ng ilang minuto at lumingon sa likuran ko kung saan ako pumasok. Natatakpan ng dilim ang pintong pinasukan ko at nasisinagan naman ng maliwanag na buwan ang kinatatayuan ko.
Tumingin ako sa ibaba at nakita ang malinis na garden.
Naramdaman ko ang pagbaba ng luha sa mga mata ko papunta sa pisngi ko nang maalala ang isang taong naging parte at naging mahalaga sa buhay ko.
Sa garden na iyon.
Doon ko siya unang nakita.
Doon ko siya unang nakausap.
Doon ko siya nakilala.
At doon kami naging malapit sa isa't isa...
Pero sa garden na iyon din kami nagtapos.
Hinawakan ko ang dibdib ko.
Ang sakit.
Ang sakit pala talaga. Hindi ko akalain na mararamdaman ko ito.
Ang pakiramdam na madalas ko lang marinig sa mga taong kakilala ko o sa mga palabas na napapanood ko.
Akala ko ay kahit kailan ay hindi ko ito mararamdaman, mararanasan, pero nagkamali ako. Noong makilala ko siya ay nagbago bigla ang iba kong pananaw sa buhay.
Binago niya ang takbo ng buhay ko, at lahat ng ito ay dahil sa kanya, dahil sa ginawa niya.
Binago niya ang pagtingin ko sa mga taong katulad niya.
Binago niya ang paniniwala ko na hinding-hindi ako magkakagusto sa mga taong kinaiinisan ko.
Na hinding-hindi ako magkakagusto sa kanya.
Madalas ko ng mabasa sa mga libro at mapanood sa mga palabas ang mga ganitong klase ng eksena na kung saan ay magkaiba ang pananaw nila sa buhay pero sa dulo ay sila rin pala ang magkakatuluyan.
Noon, hindi ako naniniwala na nangyayari talaga ito lalo na sa totoong buhay, na nagkakilala kayo bilang magkaaway, pero sa huli ay mapapalapit pa kayong dalawa sa isa't isa.
Pero ngayon, hindi ko na ito maitatanggi dahil naranasan ko na ito. Nararanasan ko na ang sakit na dati'y tinatawanan ko lang kapag naririnig kong sinasabi sa akin noon ng mga kakilala at kaibigan ko ang mga sinapit nila nang matuto silang magmahal.
Sobrang sakit pala talaga kapag nalaman mong ang taong pinagkatiwalan mo at minahal mo ay tatraydurin ka rin sa huli, na akala mo ay mamahalin ka niya hanggang sa dulo.
Ang sakit pala talaga magmahal.
Tama nga ang sinabi ng mga kaibigan ko.
Kung sana'y nakinig na lang ako sa kanila, hindi ko sana mararamdaman ito, hindi ako masasaktan.
Kung noon pa lang na iba na ang pakiramdam ko sa kanya bago pa lang kami magkakilala ay hindi ko na sana hinayaan ang sarili ko na makilala pa siya.
Kahit na sinasabi na ng utak ko noon na huwag akong mahuhulog, na masasaktan lang ako sa huli, pero nakakainis na puso 'to, siya pa rin ang nasunod!