#1 Add Friend
Ilang taon na halos ang lumipas, tila wala pa rin akong kaibigan. Halos matapos ko na ang high school, parang ganoon pa rin ang takbo ng buhay ko, walang bago. Tulala lang ako sa kwarto, nagmu-munimuni. Kinuha ko ang journal at binasa ang mga nakasulat, napangiti ako nang makita ang "CPA Lawyer cutie".
"Mag ABM na ba ako?" bulong ko sa sarili.
"Sige, ABM na," pagsang-ayon ko. I am aware that I can survive numbers but I would probably not enjoy it. Kakayanin ko ba ang mag Accountancy kung sakali? Mahilig akong kuwestyunin ang sarili ko dahil alam kong maaari akong mabigo.
Ilang minuto o oras akong nanatili sa aking posisyon, nag-iisip pa rin. "Gusto kong mag HUMSS," pagbabago ng isip ko sa sariling pangungumbinsi. "Ano ba 'yan, teh, iba na naman ang ima-manifest ko?" pag-kausap ko sa sarili. HUMSS, I heard a brief background about it, it is all about essays.
Wala akong magiging problema, paniguradong magugustuhan ko, mahal na mahal ko ang pagsusulat. Thinking about my possible strand stress me out, hindi malaman kung ano ba talagang gusto.
Ano ba talagang gusto ko?
I did some research about the strand HUMSS and watched some videos on youtube, it did not just last in a day, it lasted for months, maybe.
"Anong balak mong strand?" tanong ng kaklase ko.
"ABM or HUMSS,"
"Akala ko mag Accountancy ka?"
"Depende, pwede rin 'yon sa HUMSS," sagot ko.
"Anong balak mo kuhanin niyan?"
"Accountancy or LegMa,"
"Pucha, bigatin,"
"Pero mauuna pa yata ako mamatay bago gumraduate kung iyan,"
"Kaya mo naman 'yan, kahit ano naman kaya mo, e." napangiti ako, may mga tao pa rin palang naniniwala sa magagawa ko.
"Pa, mag HUMSS ako, saan kaya magandang school?" pagsalubong ko kay papa nang makita siya sa kusina.
"Sabi ng kasamahan ko sa mang-aawit, sa MMC daw,"
"Sino 'yon? Maganda ba roon?"
"Si Gwen, HUMSS din siya, pero college na siya ngayon."
Gwen, bago sa pandinig.
"Search ko nga mamaya," but I never did. Wala pa akong lakas ng loob mag-reactivate ng facebook, wala pa akong gana sagutin ang mga tanong, lahat lang naman iyon ay acads related. Nakakasawa at nakaka-ubos.
"Sa STI kaya?" tanong ko.
"Perahan daw doon," hindi na ako sumagot at hinayaang matapos doon ang usapan, may oras pa naman ako para mag-isip kung saan papasok.
Sumapit na naman ang Linggo, ang pinaka-ayaw ko. Pagdating kasi ng Linggo, parang hindi na ako nauubusan ng responsibilidad, hindi biro ang maging Kalihim sa Ilaw, mabibigat ang mga gawain lalo na't sa paghanap ng mga akay at pagkumpleto ng mga dokumento.
"Pa, pa-xerox mo ako ng awit," banggit ko kay papa dahil wala pa akong set ng mga awit.
"I mean, photocopy," pagtatama ko sa sarili. Bumaling siya sa akin, "photocopy ba ang tama?" tumango lang ako bilang pag sang-ayon.
Anong oras na ng umalis kami ng bahay, wala nang oras magpa-photocopy. 'Ano ba 'yan! wala na naman akong awit, paano naging ensayo 'to?' reklamo ko sa isip habang papunta sa kapilya, hindi ko na kinikibo si papa at kinuha na lang sa clearbook niya ang mga awit na binigay para sa BNH.
