NAPA-FACEPALM na lang si Liv ng makita ang bills na dumating nang araw na 'yon. Hindi na niya alam kung saan pa kukuha ng ipambabayad sa mga iyon. Wala na siyang trabaho at iyong huling kliyente na dapat magbabayad sa kanya ay bigla na lang naglaho na parang bula matapos niyang magawa ang project na ipinapagawa nito. Isa siyang freelance graphic designer, copywriter, virtual assistant, ghostwriter, name it. Marami siyang alam gawin pero hindi niya maintidihan kung bakit natatapat siya sa kliyenteng barat o scammer. Hindi rin siya makakuha ng permanent job dahil sa dami na ng mga Pinoy na nasa freelancing world. Hindi naman siya makapaghanap ng trabaho sa labas dahil na rin sa hiya. Nasanay kasi siyang nasa loob lang ng apat na sulok ng apartment niya sa loob ng anim na taon kaya't parang nawalan na siya ng social skills. Wala na rin siyang ideya sa nangyayari sa labas o sa malawak na siyudad ng Maynila. Kung lumabas man siya ay para lang mamili ng grocery stocks o magbayad ng bills at paminsan-minsan ay para makipagkita sa best friend niyang si Henrietta o Hen.
"What's wrong? Bakit ganyan ang mukha mo?" tanong ni Hen mula sa kabilang linya. Muntik na niyang makalimutan na kausap niya ito bago kumatok ang mailman.
"As usual narito na ulit ang bills na kailangan kong i-settle A.S.A.P." Iwinasiwas pa niya sa screen ang mga papel. Bumuntong hininga ang kaibigan at bahagyang napailing.
"I told you to find a decent job para hindi mo inaalala ang bayarin mo. Kung may extra lang ako papahiramin kita but you know na mayroon rin akong pinaglalaanan, hindi ba?" Litanya nito. Para na niya itong nanay dahil mas mature pa itong mag-isip kaysa sa kanya gayong pareho lang sila ng edad na bente-nuwebe.
Hindi siya nagsalita at napanguso na lang. Lagi siya nitong itinutulak na lumabas sa comfort zone niya pero siya itong napakahina ng loob kaya hanggang ngayon ay naroon siya sa kalagayang iyon. Narinig niya ulit ang pagbuntong hininga nito.
"I don't mean to offend you, Liv. I'm just being realistic and practical." Tumango lang siya sa sinabi nito at alanganing ngumiti. "If you don't want to find a job then just go back to your hometown and get your inheritance. 'Yon lang ang nakikita kong way para maka-survive ka," dagdag pa nito.
Napangiwi siya sa narinig. Going back to her hometown and to her greedy Tita's is really not in her plan. Ipinangako niya sa sariling hinding-hindi na siya tatapak pang muli roon. Bago pa may makapagsalita ulit sa kanila ay narinig na naman niya ang mga katok sa pintuan ng apartment niya. Muli siyang nagpaalam kay Hen at binuksan ang pintuan.
"M-mrs. Yantoc, kayo po pala---"
"Hoy, Olivia, kailan mo planong magbayad ng upa mo ha? Dalawang buwan ka ng hindi nakakabayad a? Nasaan na ang pangako mong magbabayad on time? Hindi ko itinayo ang paupahan kong ito para tirahan lang ng libre ha?!" Talak nito. Sa lakas ng boses nito alam niyang dinig na dinig iyon ng kaibigan pati na rin ng mga katabing kuwarto niya.
"P-pakihinaan lang po ng boses. S-sandali lang po," saglit niya itong iniwan para kunin ang wallet niya. Sinilip niya ang laman at nanghihina siyang bumuntong hininga. One thousand two hundred na lang ang laman no'n. Nakalaan na sana 'yon sa pambayad niya ng internet connection na due date na rin ngayong araw pero dahil sa pag-eeskandalo ni Mrs. Yantoc ay mapipilitan siyang ipambayad 'yon. Pero kulang na kulang pa 'yon sa three thousand five hundred na rent niya kada buwan. Sana lang ay mapakiusapan niya ang ginang.
Nakangiwi siyang lumabas ng silid niya. "M-mrs. Yantoc, b-baka po pwedeng kunin niyo na muna ito. Hindi pa kasi ako nakakapag-withdraw sa bangko." Iniabot niya rito ang isanlibo at palihim na naipikit ang isang mata.
"At kailan ka magwi-withdraw, aber? Hindi ba ganyan rin ang sinabi mo noong nakaraang buwan?"
"Sigurado na po iyon." Pagtatapos niya sa usapan. Umismid ang matabang ginang at tinalikuran na siya.
Nanlulumo siyang bumalik sa harap ng laptop niya at nangalumbaba. Naroon pa rin pala si Hen at hinihintay siya. "Totoo bang may iwi-withdraw ka?" anito. Marahan lang siyang tumango kahit ang totoo ay hindi pa rin sasapat ang laman ng savings account niya para punan ang lahat ng bayarin.
"Kailangan ko na nga sigurong i-consider ang paghahanap ng trabaho sa labas," wika niya.
"Or---" pabiting sambit nito at nakakaloko siyang nginitian. "--bakit hindi mo na lang sagutin si Matmat para may instant bangko ka?"
"Sira!" Bulalas niya at bahagyang natawa. Si Matthew o Matmat ang childhood friend niya na muli niyang nakita nitong nakaraang buwan lang. Naikuwento niya ito kay Hen at mula noon ay hindi na siya tinigilan ng lalaki. Palagi siya nitong inaayang lumabas. Hindi naman niya iyon itinuturing na date pero iyon ang tingin ni Hen. Mayaman na ang kababata niya at balita niya ay may sarili na itong negosyo na pinapatakbo.
"Why not, 'di ba? Believe it or not gusto ka na niyan ligawan,"
"'Wag natin siyang pangunahan. Wala pa namang sinasabi 'yong tao, no?" aniya.
"If you say so. O, siya, I gotta go. Call me if you need anything okay? But please, don't ask for money." Paalam nito. Napailing na lang siya at nag-flying kiss rito saka pinatay ang call.
Pumasok siya sa silid niya at kumuha ng towel pati na rin ng damit. Pagkatapos ay dumiretso sa banyo para maligo. Kukunin na niya ang natitirang pera sa savings account niya. Babayaran niya ang kahera at ang matitirang pera ay gagamitin muna niya sa pag-aapply ng trabaho bukas. Seryoso siya na susubukan na niyang lumabas sa comfort zone niya dahil kung tutuusin ay hindi na rin siya bumabata at kailangan na niya ng permanenteng trabaho na susuporta sa pangangailangan niya. She needs to save for her future. Pero sa isang banda ay hindi rin naiwasang isipin niya si Matmat. Tama naman si Hen na good catch ito. Mayaman ang lalaki, gwapo, gentleman, at mabait. Kung tutuusin ay wala na siyang hahanapin pa ang kaso ay ni hindi man lang nga ito nagpapahiwatig sa kanya. Siguro ay nais lang talaga nitong makipagkaibigan at mag-catch up dahil sa tagal nilang hindi nagkita.
Hindi niya tuloy maiwasang isipin na baka hindi attractive ang tingin nito sa kanya. Maayos naman siyang manamit at may kurba naman ang katawan niya. Mabilog at mahaba naman ang mga hita niya bagay na pansining-pansinin sa kanya. Hindi rin siya katangkaran sa height na five feet three inches pero ideal height iyon ng mga babae.
Paglabas ng banyo ay nakabihis na siya habang nakabalumbon sa ulo ang towel. Hinanap niya ang suklay sa maliit na tokador na nasa sulok ng kwarto niya at akmang uupo sa manipis na kutson nang marinig niya ang tunog ng telepono na nakapatong sa ibabaw ng unan niya. Agad niya iyong dinampot at rumehistro sa screen ang text message galing kay Matthew.
Agad siyang napangiti nang mabasa ang paanyaya nito sa isang dinner mamaya. Excited siyang nag-ayos ng sarili habang humuhuni ng isang kanta.