CHAPTER 7: LUNCH

4.2K 77 5
                                    

THE NEXT MORNING, hindi na naabutan pa ni Maxine si Lucas dahil maaga raw itong pumasok sa trabaho nito sa city hall. Naabutan niya ang ina nitong si Elizabeth sa kitchen nang magtungo siya roon para kumuha ng tubig.

“Oh, hi! Good morning, hija. Kumusta ang tulog mo? Namamahay ka pa rin ba?” masuyong tanong ng ginang. Unang kita pa lang nila nito’y alam na niyang gusto siya ng ginang para kay Luke. Kaya kahit wala na ang kaniyang ina ay tila nakikita pa rin niya ito sa katauhan ni Elizabeth.

“Okay naman po, ‘ma. Good morning din po. Nag-breakfast na po ba kayo?”

Marahan itong tumango. “Nauna na kami nina Matteo at Lucas. Hindi ka na namin ipinagising dahil nabanggit nga ng asawa mo na napagod ka raw kahapon. Ay, teka, may lakad ka ba ngayon?”

Umiling siya sa ginang. Sa totoo lang ay hindi naman talaga niya alam kung anong gagawin sa araw na ‘yon. Naiisip niyang sumaglit muna sa Almendras pero baka kagalitan pa siya ng kaniyang ama at sabihang kung anu-ano pa ang inuuna, sa halip na asikasuhin si Lucas. Iyon na siguro ang parusa niya sa lahat ng kalokohang nagawa.

“Wala po. I was planning na maglibot muna para ma-assess ko kung ano pang pwede kong maitulong kay Lucas. May alam po ba kayong magandang project para sa community? I heard, may mga barangay pa rin dito na hindi masyadong naaabot ng tulong from the government. Maybe I can get some sponsors. I’m pretty sure, Dad would love to help them, too.”

Natigilan siya nang mapansin ang pananahimik nito habang nakatingin sa kaniya.

“Alam mo, hija, hindi talaga ako nagkamali ng pagpili sa ‘yo. Kahit marami akong naririnig, nakikita ko pa rin na mabuti ka talagang tao. Parang si Nympha. Kaya alam kong mapapabuti ang anak ko sa ‘yo,” nangingiti nitong sabi.

Tila may kung anong bumara sa lalamunan niya nang marinig muli ang pangalang iyon. Ano ba kasing espesyal sa Nympha na ‘yon at parang mahal na mahal ng lahat?

“Ma, if you don’t mind... gusto ko po sanang itanong. Sino po si Nympha? At nasaan na po siya?”

Malungkot itong tumingin sa kaniya. “Siya ang ex-fiancee ni Lucas. She was killed in an ambush. Nakakalungkot dahil likas na mabuti ang batang ‘yon. She was a former high school teacher, and a beauty pageant winner. Actually plano pa nga sana niya noon na sumali sa Miss Universe Philippines dahil maganda ang advocasy niya. Unfortunately, hindi na natuloy.”

Napalunok siya sa nalaman. She’s dead.

“Pasensya na po kayo kung naitanong ko pa. Narinig ko lang po kasi kahapon sa—uhh, huwag na lang po nating pag-usapan. Baka multuhin pa po niya tayo—”

“You went to Brgy. Mutya yesterday, right? Taga-roon siya. ‘Yong narinig mo, were you being compared to Nympha?”

Gulat siyang nag-angat ng tingin sa ginang. “Po? B-Bakit n’yo naman po naisip ‘yan?” aniya at agad na nag-iwas ng tingin.

“Umupo ka muna, hija.”

Tumango siya at sinunod ang sinabi ng ginang. Umupo naman ito sa tabi niya.

“I can feel it. Babae rin ako, anak. Knowing your past, hindi maiiwasan na ikumpara ka ng mga taong minahal na si Nympha noong nabubuhay pa siya. Kahit hanggang ngayon, hindi nila nakakalimutan ang pagiging mabuti ng batang ‘yon.”

Nakagat niya ang pang-ibabang labi. Bigla siyang nakaramdam ng kahihiyan. Napakalayo nila ni Nympha sa isa’t isa. Walang-wala nga talaga siya sa kalingkingan nito. She spent her life partying, doing nonsense adventures, dating guys, getting drunk, and all those sh-ts. Samantalang si Nympha, hanggang sa huling hininga ay kapakanan pa rin ng ibang tao ang nasa isip.

She felt so ashamed na siya pa ang pinakasalan ni Lucas.

“You don’t have to try to be like Nympha just because people compared you to her.”

Napayuko siya. “I’m sorry, ‘ma.”

Bakit nga ba niya naisip na gawin ‘yon? Hindi naman niya kailangang patunayan ang sarili niya kay Lucas. Kasal nga sila pero wala naman silang nararamdaman para sa isa’t isa. Magkaibigan lang sila, and they will stay that way hanggang sa matapos ang termino ni Lucas.

“You don’t have to be sorry. Alam mo, ang mabuti pa, tuturuan na lang kitang magluto ng paboritong ulam ni Lucas. And then, pwede mo siyang hatiran ng lunch sa office.”

Lumiwanag ang mukha niya sa sinabi ng ginang. “Talaga po?”

Nakangiti itong tumango. Dahil mahaba pa naman ang oras, tinuruan siya nitong magluto ng kare-kare at pininyahang manok. Naghanda na rin siya ng kaunting dessert para kay Lucas.

Isang oras bago ang lunch break ni Lucas sa opisina ay nakahanda na siya para ihatid ang mga hinandang pagkain. Hindi na siya tumawag pa rito para hindi na makaabala pa, knowing na palaging tambak ang binabasa at pinipirmahan nito.

She looked so excited when she climbed up the stairs in the city hall. Nasa second floor kasi ang office ni Lucas.

“Hi, Chin!” bati niya sa sekretarya ni Lucas.

Nagulat ito nang makita siya roon. “Miss Maxine.”

“May ginagawa pa ba si Lucas?” tanong niya.

“Uhm, hindi po ba kayo na-inform ni Mayor? May lunch meeting po kasi siya with Atty. Fabregas.”

Napakunot ang noo niya at pilit na inalala kung sino iyon. Hindi niya maunawaan kung bakit bigla na lang siyang nakaramdam ng iritasyon nang maalala ang attorney na sinasabi ni Chin. Ito ‘yong halos ka-edad niya lang na abogadong palaging nagpapansin kay Lucas tuwing nagkikita ang dalawa sa ilang event.

“Ohh... Hindi naman kasi ako nagtanong. Sige, mauna na rin ako,” aniya na pinigilan ang pagkadismaya sa boses. Paalis na sana siya roon nang maalala ang lunch na dala niya.

Muli siyang lumingon kay Chin. “Chin, sa ‘yo na ‘to. Share mo na lang sa mga kasama mo rito,” nakangiti niyang sabi sa babae.

Nahihiya man ay tinanggap na lang nito ang paper bag na iniabot niya. Nang makatalikod kay Chin, mabilis niyang pinalis ang tumakas na luha mula sa mga mata.

“So stupid of you, Maxine.” Sa isip-isip niya.

Kung sana’y tumawag muna siya kahit kay Chin man lang, hindi sana masasayang ang effort niya.

KATATAPOS lang ng meeting ni Lucas kay Atty. Fabregas, kasama ang accountant nilang si Mr. Muico. Nagpahatid na agad siya sa city hall para tapusin ang naiwan niyang trabaho bago tumuloy sa Berin.

Pagdating niya sa opisina, naabutan niya ang mga empleyado na katatapos lang mag-lunch.

“Mayor, ang sarap po pala magluto ng misis n’yo! Maganda na, magaling pang magluto,” bungad sa kaniya ni Joselle, isa sa mga staff doon.

Magaan ang pakikitungo niya sa mga empleyado roon kaya minsan ay nabibiro siya ng mga ito. Mas gusto kasi niya ang magaang pamamalakad sa opisina nang sa gayon, kahit mabigat ang trabaho ay hindi masyadong mararamdaman ng mga empleyado kung ipapakita niya ang maayos na pakikitungo at suporta sa mga ito.

Napakunot ang kaniyang noo. “She came here?”

Alanganin namang ngumiti ang sekretarya niyang si Chin.

“Opo, Mayor. Maghahatid po sana ng lunch para sa inyo pero... nabanggit ko po na may lunch meeting kayo with Atty. Fabregas. Kaya binigay na lang po niya sa amin ‘yong...”

Hindi na nito itinuloy ang sinasabi nang makita ang nalukot niyang mukha.

FRIENDS WITH BENEFITSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon