Summer 2001
Tanghali na kaya napagpasyahan kong magpahinga muna sa pagpapractice ng piano. Pumwesto ako sa may balcony ng malaking bahay kung saan ako tinuturuan. May halong antok at pagkaburo ang nararamdaman ko dahil ako lang ang "estudyante" nila kaya't nagsimulang magliwaliw ang aking isipan sa aking "ideal summer vacation". Tama! Summer vacation ko pero andito ako at nag-aarala mag-piano. Napagpasyahan kasi nina Papa na papag-aralin ako para naman may kakwenta-kwenta raw ang bakasyon ko. Habang naglalaro ang aking isipan ay napansin kong bumukas ang pintuan ng katabing maliit na bahay at bumungad ang isang batang lalaki na sa tingin ko ay kasing edad ko lang.
Naglakad siya papalapit at huminto sa aking harapan sabay titig saglit, "anong pangalan mo?" Napagpasyahan niyang itanong. Nagulat man sa tanong ay sinagot ko naman, "ako si Joyce."
"Hi Joyce! Ako nga pala si Jazz, pinsan ako nina ate Glenda," pagpapakilala niya sa sarili kahit di ko naman tinatanong. Si ate Glenda ang isa sa mga nagtuturo sa akin. Apat silang magkakapatid at salitan sila sa pagtuturo. Family friend namin sila kaya't libre ang lessons. Hehehe. Pagkatapos niyang magpakilala ay umalis na siya upang mangapitbahay at makipaglaro sa ibang mga bata. Bumalik narin ako sa loob upang ipapatuloy ang aking pagpapractice.
Nadatnan ko si ate Glenda na naghahanda narin sa aming piano lessons, "oh sa'n na si Jazz?" Tanong niya sa akin.
"Ah eh, umalis na po eh," maikli kong sagot.
"Hay naku, iyang batang talagang iyan oo! Akala ko pa naman ay papasok siya at sasabay sa lessons," napailing na lang si ate Glenda, "puro laro ang nasa isip!"
Lihim akong napangiti sa kapilyuhan ni Jazz. Pero bigla akong nakaramdam ng panghihinayang dahil mas masaya sana kung may kasabay ako sa pag-aaral. Hayst!
May mga panahon na pumapasok siya sa malaking bahay at nakikisabay sa pagpa-piano ngunit kadalasan ay tinatakasan niya ang mga pinsan niya upang makipaglaro sa mga batang lalaki sa kapitbahay kagaya ng dampa o di naman ay holen. Napapailing na lang ako sa kalokohan niya.
"Naglalaro ka ba ng baraha?" Bigla niyang tanong sa akin isang araw.
"Hindi eh, bawal akong maglaro o humawak man lang nito," sagot ko.
Nanlaki ang kanyang mga mata at di makapaniwala sa sagot ko. Ngunit di nagtagal ay napalitan ito ng mapilyong ngisi na tila ba may namumuong plano sa isipan niya. Hinila niya ako papalapit sa mesa at saka ay inilabas ang nakatagong baraha sa likurang bulsa niya.
"Tuturuan kita, madali lang 'to," saad niya.
"Ah, wag na. Ayoko." may pag-aalinlangang sagot ko sa kanya. Pakiwari ko ay may nagtatalo sa isipan ko at bumubulong ng "Maglaro ka na, okay lang yan! Masaya ang laro na iyan!" habang ang kabila naman ay nagsasabing "Huwag! Papagalitan ka ng papa mo pag nalaman niyang naglaro ka ng baraha."
Hindi ako tinigilan ni Jazz hanggang sa di niya ako nakukumbinseng makipaglaro. Di naman nagtagal ay napa oo ako sa imbitasyon niya.
"Unang ituturo ko sa'yo ang unggoy-unggoyan. Masaya ang larong ito at napakadali!" Palipat-lipat ang tingin ko sa kanya at sa baraha habang binabalasa niya. "Hmm, eksperto ang mga kamay ng batang 'to ah!" Komento ng isipan ko.
"Una ay magtatago ako ng isang "unggoy" card. At saka ay pagpapares-paresen mo ang cards na nasa mga kamay mo. Lahat ng magka-pares ay ilagay mo sa mesa, at saka ay salitan tayo ng pagkuha ng cards sa bawat isa at i-pares ito sa mga cards na nasa mga kamay mo. Upang manalo ay kelangan maubos ang lahat ng cards sa mga kamay mo kundi ay malaki ang chance na nasa sa'yo ang kapares ng unggoy card at matatalo ka." Mahaba niyang pagpapaliwanag.
Tatango-tango lang ako habang ipinapaliwanag niya ang paraan ng paglalaro nito kahit di ko naman nage-gets ang mga pinagsasabi niya.
Nagsimula na kaming maglaro at mabilis naman akong natuto nito, "o diba? Sabi ko naman sa'yo madali lang ang laro at saka masaya!" May halong tunog ng pagmamalaking saad niya. Parang isang proud master!
"Oo na, tama ka nga! Pero atin-atin lang 'to ha kundi lagot ako sa Papa ko," paninigurado ko.
"Oo naman, friends naman na tayo eh!" Sagot niya naman.
Lumipas ang mga araw at mas napapadalas na ang pagdaan niya sa malaking bahay, hindi dahil sa gusto niyang mag-aral ng piano kundi ay yayain akong maglaro. "Oh Jazz, napapadalas ka na ata dito ah?" Pangungusisa ng tita niya na nanay ni ate Glenda. Magkapatid ang nanay ni Jazz at nanay ni ate Glenda.
Napakamot si Jazz sa batok niya, "Ah, hehe, para naman may kalaro si Joyce tita! Oh diba ang bait ko po?" Proud na siya sa ginagawa niyang pagpapalusot.
"Ikaw talagang bata ka, dinadamay mo pa si Joyce sa mga kalokohan mo! Oh siya," kahit ang tita niya ang walang magawa sa mga palusot ni Jazz pero napangiti naman ito bago umalis.
Pinakita ni Jazz ang isang nintendo gameboy, "wow!!!" Nanlaki ang mga mata ko sa nakita ko dala ng pagkamangha. First time akong nakakita ng gameboy. Sikat na sikat ang gameboy sa mga kabataan at pag meron ka niyan ay cool na cool ka na. Nagsimula siyang maglaro ng Super Mario habang ako ay nanunuod lang.
Pagkatapos niyang maglaro ay ipinasa niya sa akin ito, "oh, ikaw naman," yaya niya. Hindi naman ako makapaniwala pero tinanggap ko ang imbitasyon niya at nagsimulang maglaro. "Ang galing mo pala eh!" Sabat niya habang busy ako sa paglalaro. Lihim akong napangiti at proud na proud naman ako sa sarili ko. Parang proud apprentice!
Di ko namalayang nasasabik na ako sa mga bawat araw ng pagpunta ko sa malaking bahay, hindi dahil upang matutong mag piano, kundi ang makita si Jazz at makipaglaro sa kanya. Unti-unti niyang pinakilala sa akin ang mga laro na di ko naman nilalaro noon.
Ang mga araw ay lumipas at papalapit na ng papalapit ang katapusan ng aming summer vacation. Bigla akong nakaramdam ng lungkot dahil dito. "Hey Jazz, sa'n ka nga pala nag-aaral? Tanong ko sa kanya nagbabakasakaling magka-eskwela pala kami.
"Ako? Sa DMM Elemetary School," maikling sagot niya dahil busy siya sa paglalaro sa gameboy niya.
May ilang segundo akong di nakapagsalita. Biglang tumamlay ang boses ko, "Ahh.." May halong pagka dismayang sabi ko.
"Ikaw ba?"
"Sa RMC Elementary School," ako naman ang may maikling sagot ngayon.
Binaling niya ang tingin niya sa akin, "Ohh? Talaga? Magkatabi lang pala tayo ng paaralan eh." Sabi niya na may ngiti sa mga labi at kumikinang na mga mata. Hindi ko naisip 'yun, nangibabaw sa akin ang pagka dismaya sa isinagot niya dahil hindi pala magkapareho ang paaralan namin pero siya nakita niya ito sa isang positibong side. Sa bata kong puso ay di ko namalayang may namumuo na palang paghanga sa kalaro ko.
Natapos na nga ang summer vacation at balik skwela na ako. Nagsimula na ang buhay ko bilang grade 4 student at alam kong si Jazz rin. Lumipas ang mga araw, buwan, at taon at di na nga kami ulit nagkita.
Unti-unti ay di ko na naiisip si Jazz na tila ba isang mahabang panaginip lang ang lahat ng nangyari sa amin noong summer vacation.
YOU ARE READING
Closer You and I
Short StoryTwo best friends have known each other for many years. Everybody knows they have chemistry. Everyone thinks they are meant to be. But will the love timing be by their side?