Chapter 1

2.9K 68 1
                                    


"ALA, e, mukhang malaki na naman ang ani natin ngayon, Senyorito," nakangiting sabi ni Macario, ang katiwala ni Victor sa may tatlong ektaryang taniman ng mangga. Taal na Batangueño ang lalaki na hindi makakaila sa punto ng pagsasalita nito.

"Oo nga, Macario. At natutuwa ako dahil malaki na naman ang magiging kabahagi ninyo ng mga kasama."

"Kaya siguro taun-taon, e, lumalaki ang ani ng mangga, dahil napakabait ninyo, Senyorito. Hindi n'yo kami nakakalimutang ambusan sa inyong kinikita, eh." Maluwang ang ngiting hinubad ng kuwarenta y singko anyos na lalaki ang suot na sumbrerong buli. Pinahid ang pawis na gumiti sa noo.

"Sinusunod ko lang ang nasimulan ng Papa, Macario. At naniniwala rin akong kapag masaya ang mga tauhan sa asyenda ay hindi nila ako iiwan. Isa pa, kailangan ng kanilang mga pamilya ang dagdag na kita."

"Talagang napakasuwerte namin sa inyo, Senyorito."

"Wala 'yon. Masuwerte rin naman kasi ako sa pagkakaroon ng masisipag na tauhang katulad ninyo." Bilang pagbibigay-diin sa sinabi'y tinapik nito sa balikat si Macario.

"Victor!" tawag ni Tata Roding na noo'y papalapit sakay ng kabayo.

"Sige, Senyorito, babalik na ako roon para tingnan kung maayos ang pagtatali nila ng mga kaing," paalam ni Macario na tinanguan ng binata.

Nang makaalis ang katiwala'y binalingan ni Victor si Tata Roding na noo'y kasalukuyang pababa mula sa kabayo. Ang matanda'y asawa ni Nana Esper. Ang mga ito na lamang ang tanging kasama ng binata sa bahay-asyenda mula nang umalis si Rogel at mamatay si Don Alfonso.

"Kumusta ang lakad ninyo, Tata Roding? Kailan daw ho ba maide-deliver ang mga fertilizer na inorder ko?"

"Baka mamayang hapon pa raw, Victor," sagot ng matanda na bahagya pang hinihingal.

Sa mga tauhan sa asyenda, ang mag-asawang Roding at Esper lamang ang hindi niya pinayagang tumawag sa kanya ng 'senyorito' bilang paggalang sa dalawang matanda. Nang dumating siya sa Hacienda Arcega ay matagal nang naninilbihan doon ang mga ito.

"Ala, eh, siyanga pala, dumaan ako sa post office para tumingin ng sulat gaya ng bilin mo. Bukod doon sa nanggaling sa SSS at sa BIR, may isa pang sulat na naka-address sa iyo. Hindi nakalagay kung kanino nanggaling. Baka sa isa sa mga nobya mo," anang matanda na nilangkapan ng biro ang huling sinabi. Inilabas nito ang mga sulat mula sa katad na bag na nakakabit sa saping nasa likod ng kabayo at iniabot sa binata.

Napakunot ang noo ni Victor nang tunghayan ang sobre. Isang mahabang ordinary envelope. At sa klase ng sulat-kamay ay natitiyak niyang hindi nanggaling sa isa sa kanyang mga naging nobya.

"Babalik na ako sa bahay-asyenda, Victor. Gusto mo bang hatdan na lang kita rito ng pananghalian?" tanong ng matanda at muling sumakay sa kabayo.

"Huwag na, Tata Roding. Sa bahay-asyenda na ako manananghalian. Sabihin n'yo kay Nana Esper na susunod na ako."

"Sige. Kung gayon ay mauuna na ako."

Pagkaalis ng matanda'y muling itinuon ni Victor ang pansin sa sobre. Curious kung kanino nanggaling ang sulat, tinungo niya ang kubong pahingahan at naupo upang basahin ang nilalaman niyon.

Sarisari ang reaksyong naghalili sa mukha ng binata habang binabasa ang sulat. At matapos ay nagpawala ng isang malalim na buntong-hininga.

Pagkatapos ng mahigit tatlong taon, nakatanggap siya ng sulat mula kay Rogel na nagbabalitang sa Miyerkules ng susunod na linggo ay darating ito kasama ang nobya.

GEMS: Dahil Mahal KitaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon