Chapter 9

2.3K 58 6
                                    


WALANG ibinigay na depinidong sagot si Marianne kay Victor. Nasa state of shock pa rin ang dalaga at walang kapasidad na magdesisyon.

Nagkulong siya sa guest room buong maghapon nang araw na iyon. Kahit ano ang pakiusap ni Victor ay hindi siya tumikim ng pagkain. Maging ang mga bulaklak at prutas ay binale-wala niya. Hindi siya basta-basta mapapahinuhod ng mga panunuyo nito matapos ang nangyari.

Tiniis niya ang gutom hanggang sa gumabi. Hindi tumigil sa pag-iyak kahit mugtung-mugto na ang mga mata.

Alas-siyete en punto nang ipanhik ni Nana Esper ang hapunan niya. Hindi umiimik ang matanda ngunit mababakas sa mukha na may nalalaman na ito sa pangyayari.

"Kumain ka na. Maghapong walang laman 'yang tiyan mo. Baka magkasakit ka," anito at inilapag ang tray sa ibabaw ng night table.

Narinig ni Marianne nang magpawala ito ng malalim na buntong-hininga. Hindi marahil nakatiis, naupo ito sa gilid ng kama at hinarap siya.

"Hindi ako makapaniwalang magagawa ni Victor na lapastanganin ka," may halong awang pahayag nito. "Ipinagtapat niya sa akin ang ginawa niya sa iyo dahil hindi raw kayang dalhin ng kanyang konsiyensiya."

"Kung inutusan niya kayo para kausapin ako, nagsasayang lang kayo ng panahon, Nana Esper," ani Marianne sa malat na boses.

"Hindi ko kinakampihan si Victor, at lalong hindi ko sinasabing tama ang kanyang ginawa, pero naiintindihan ko, na ang isang tao ay nakagagawa ng mga bagay na mali sa ngalan ng pag-ibig."

"Pag-ibig? Kasakiman, Nana Esper. Alam na alam ni Victor na may plano na kaming pakasal ng kapatid niya pero ipinilit pa rin niya ang kanyang gusto. Ginahasa niya ako para lamang maagaw kay Rogel. Ginahasa, Nana Esper. Ngayon, sabihin n'yo sa akin kung pag-ibig pa ring matatawag iyon."

Hindi nakaimik ang matanda.

"Iwanan n'yo na muna ako. Gusto kong mapag-isa," pakiusap niya, ibinaling sa malayo ang paningin. Muli na namang nag-unahan ang luha sa mga mata.

Iginalang ni Nana Esper ang kahilingan ng dalaga. Bago tuluyang lumabas ay ginagap pa muna nito ang kamay niya.

Nang mapag-isa'y muling nahiga si Marianne. Noong una'y hindi pinansin ang pagkain at sinikap na ituon sa iba ang paningin. Ngunit masarap ang amoy ng inihaw na baboy at atsara at mukhang katakam-takam ang sopas, parang tuksong kumakaway at nagpapaangkin sa kumakalam niyang sikmura.

Bumangon siya nang hindi na makatiis at hinarap ang pagkain. Bakit nga ba niya gugutumin ang sarili sa pagsesentimyento? Higit na kailangan niya ngayon ang lakas para makapag-isip nang mabuti.

Kasalukuyan niyang nilalantakan ang inihaw na baboy nang may magbukas ng pinto. Nangimi siya nang makita si Victor sa bungad ng pintuan. Nasa mata ng lalaki ang relief. Alam niya kung ano ang iniisip nito.

Huminto siya sa pagkain at tuluyang nawalan ng gana nang pumasok ito at tumayo malapit sa paanan ng kama. Ang mga mata'y sa kanya nakatingin.

"I thought, pangangatawanan mo na ang hindi pagkain," anito. "Kumusta na ang pakiramdam mo?"

"Inaasahan mo bang magiging mabuti ang aking pakiramdam pagkatapos ng ginawa mo?" may diing sagot niya. Padabog na iniurong ang tray at isinandal ang sarili sa headboard ng kama. Matalim ang sulyap na ipinukol kay Victor.

How she hated the sight of him! Kahit pa nga ang guwapo nitong mukha ay maamong parang kordero at wala na kaunti mang bakas ng pangungutya na madalas niyang makita noong una. Natural lamang na magpakita ito ng kabutihan upang pagtakpan ang kasalanang ginawa sa kanya. Sa sitwasyon nila ngayon ng lalaki, nakasalalay sa kanyang mga kamay ang kalayaan nitong maaaring mawala sakaling piliin niyang ipakulong ito.

GEMS: Dahil Mahal KitaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon