Wakas

685 6 0
                                    

Wakas

NAGISING si Tyler nang marinig ang malakas na sigaw ng asawa. Napabalikwas siya ng bangon at agad na hinanap ng kanyang mga mata si Sabrina. Nakita naman niya itong nakahandusay sa sahig habang sapo-sapo ang tiyan kaya dali-dali niya itong dinaluhan.

“Wifey, anong nangyari? Anong masakit?” natataranta niyang tanong. Ngunit natigilan siya nang makita ang likido na dumadaloy pababa sa binti nito.

“Pumutok na ang panubigan ko! Manganganak na ata ako, hubby!” Mahigpit itong napahawak sa kanyang braso. Napabaon pa ang kuko nito sa kanyang balat pero hindi na niya ito pinansin pa.

Hindi mawari ni Tyler ang gagawin. Kukunin niya sana ang mga naihanda na nilang gamit pero panay pa rin ang sigaw ng kanyang asawa. Kaya naman ay maingat niya itong pinangko at agad na lumabas sa kuwarto. Kasalukuyan silang natutulog sa isang kuwarto na nasa ground floor. Para mas mabilis lang silang makalabas kung sakali man na bigla ng manganak ang asawa.

Natataranta naman silang sinalubong ni Manang Salome na nagpupunas pa ng kamay. Mukhang kagagaling lang nito sa paghuhugas ng plato.

“Anong nangyari? Narinig kong sumigaw nang malakas si Sabrina?” bumaba ang tingin nito kay Sabrina na tila naiiyak na sa sakit na nararamdaman nito.

“Pakikuha at pakisunod na lang po sa ‘min sa hospital ang mga gamit, Manang. Nakahanda na po ‘yon sa loob ng cabinet,” imporma niya rito. “Papupuntahin ko na lang din po sina David para may kasama po kayo.”

Tinapik nito ang kanyang balikat. “Sige, hijo. Ako na ang bahala.”

Napatango naman siya bago tuluyang lumabas sa mansyon at agad na isinakay ang asawa sa loob ng kotse. Nang masiguro na maayos na ang posisyon nito ay dali-dali siyang umikot patungo sa driver’s seat at ipinasibad ang sasakyan paalis.

“Ang sakit! Hubby, ang sakit ng tiyan ko!” sigaw ni Sabrina na pinapalo-palo pa ang kanyang braso. Habang ang kabila nitong kamay ay nakahawak sa kinauupuan nito.

Napangiwi siya ngunit hinayaan na lang niya ang asawa na palo-paluin siya nito.

Halos mawalan na ng kulay si Tyler nang dahil sa sobrang kaba habang nagmamaneho. Gustuhin man niyang mas bilisan pa ang pagpapatakbo ay hindi naman niya puwedeng isaalang-alang ang kaligtasan ng mag-ina niya. Habang nasa biyahe ay tinawagan na rin niya sina David at Rodel upang ipaalam ang sitwasyon.

Buong akala talaga niya noon ay mawawala sa kanya ang mag-ina dahil halos naubusan na rin si Sabrina ng dugo noong nabaril ito ni Tanya. Mabuti na lang at agad itong naagapan maging si Manang Salome.

Habang si Tanya naman ay naipakulong na nila. Kasama ang mga lalaking naging kasabwat nito. Sisiguraduhin niya na hindi na ito makakakalabas pa ng kulungan. Walang lugar ang kapatawaran sa kanyang puso para rito. Lalo na nang malaman niya na ito pala ang may kagagawan kung bakit nawala ang unang anghel nilang mag-asawa.

Nang dahil din sa nangyari ay mas lalo pa niyang pinahigpitan ang seguridad sa mansyon. Nagbigay rin siya ng listahan ng pangalan sa guard house ng village na tinutuluyan nila ng mga taong pupuwedeng padiretsuhin ng mga ito sa mansyon. Kapag wala sa listahan ay kakailanganin muna itong itawag sa kanya.

Nang makarating sa hospital ay mabilis siyang bumaba sa kotse pagkatabi niya rito at umikot sa passenger’s side para pagbuksan ang asawa na namimilipit na sa sakit ng tiyan nito. Pinangko naman niya ito at malakas siyang sumigaw pagkapasok pa lang ng hospital.

Hinampas naman siya sa braso ng asawa.

“Wag ka ngang mag-eskandalo rito!” sita nito sa kanya.

“Stretcher! Kailangan ko ng stretcher!” aniya sa mga nurse na naabutan niya roon.

Against All Odds ✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon