Si Ikay at si Fel

3 0 0
                                    


"NGIYAAAAAAAAW"

Isang gabi, nagising ang dalagitang si Ikay sa kanyang mahimbing na pag-tulog. Oras na! Magiging nanay na sa wakas ang kanyang alagang pusa na si Fel. Hindi pa rin siya makapaniwala dahil halos ginawa naman niya ang lahat para hindi makatakas ang kanyang alaga at baka maligawan ng mga pagala-galang mga pusa o di kaya'y may masamang mangyari rito tulad ng aksidente o manakaw. Palibhasa kasi ay napaka-linis at malusog si Fel kahit na walang lahi. Isang proud siyang proud na Puspin. Naisip nga dati ni Fel na pangalanan nalang ito na Siopao ngunit di niya tinuloy sa takot na may magnakaw sa kanyang alaga at tuluyang gawin itong pagkain. Pero biro nga ng tadhana, nakatakas at naligawan si Fel ng kung sino mang pusa. At ngayon, siya ay umiire sa kanyang kahon. Kailangan niya si Ikay.

Sinamahan si Ikay ng kanyang nanay para bantayan at tumulong kung kinakailangan ni Fel. "Kailangan natin dumistansya Ikay, ang mga pusa tulad ni Fel ay natatakot sa kahit sino o ano kapag nanganganak. Ito pa naman ang unang beses niya" babala ng Nanay ni Ikay. "Nay, magiging okay lang po ba si Fel? Natatakot po kasi ako baka may mangyari sa kanyang masama" ang pangamba ng dalagita. "Kakayanin niya, malakas si Fel. Ikaw ba naman ang nagpalaki sa kanya mula nung kuting palang siya nang pinulot mo" ang panigurado ni Nanay kay Ikay. Pumatak na ang hatinggabi at tuluyang nakatulog sa kakahintay si Ikay sa kanilang sofa. Kinumutan siya ng kanyang ina at narinig na rin niya ang unang ngiyaw ng unang kuting. Napangiti si Nanay at napasabing "Kaya mo 'yan" kay Fel.

Alas nuebe ng umaga at biglang nagising si Ikay sa init pero di niya inalintana ang tumatagaktak niyang pawis at uhaw. Bumangon agad siya upang tignan ang kalagayan ni Fel. Nakita niya ang tatlong munting mga kuting na dumedede sa kanilang nanay. Hindi pa niya mawari ang mga tiyak na kulay ng kanilang mga balahibo. Pinagmasdan ni Ikay ang mukha ng kanyang alagang pusa. "May masakit ba sa iyo Fel?" tanong niya ng may pag-alalala. Mahimbing na natutulog ang bagong nanay na si Fel ngunit parang naintindihan o naramdaman niya ang pangamba ng kanyang amo kaya't minulat niya ang mga mata ng panandalian at ngumiyaw ng pahapya. Na parang gusto niyang sabihin na "Oo, ayos lang ako Ikay. Salamat". Napaluha sa saya si Ikay dito at nangako siyang mamahalin niya ang mga anak ni Fel habambuhay.

Makalipas ang dalawang buwan, lumaki na ang mga anak ni Fel. Pinangalanan sila ni Ikay ayon sa kulay ng kanilang mga balahibo. Ang kanilang mga pangalan ay Whitey, Grey, at Orange. Nailing nalang ang nanay ni Ikay dahil kinulang sa imahinasyon sa pagbigay ng pangalan ang kanyang anak. Buong bakasyon ay gumigising ng maaga si Ikay para bantayan si Fel. Nangongolekta siya ng mga pwedeng ibentang papel at plastik sa Junkshop malapit sa kanilang bahay. Tumutulong rin si Ikay sa pag-bebenta ng ice candy sa kanilang mga kapit-bahay. Hanga ang Nanay ni Ikay dahil napaka-responsableng anak at amo ni Ikay. Pero nalalapit na ang balik-eskwela at kailangan na niyang kausapin ang kanyang anak kung paano nila maalagaan si Fel at ang kanyang tatlong mga kuting dahil tiyak na magkakaroon ng mga bagong gastusin sa paaralan.

"Titipirin ko po ang allowance ko Nay, pwede rin po siguro akong mag-benta ng ice candy sa mga kaklase ko" sagot ni Ikay nung tinanong siya ng kanyang Nanay kung paano nila masusustentuhan ang mga pagkain at iba pang mga pangangailangan ng kanilang mga dagdag na alaga. "Sabihin nating mapapa-kasya mo ang natipid mo sa allowance at kinita sa ice candy, paano naman ang pagbabantay mo sa kanila? Kailangan nila ng may magpapligo, maglalaro, at iba pa" sagot ng Nanay. "Hindi sa lahat ng oras ay mababantayan ko sila anak dahil may trabaho ako at nag-aaral ka" dagdag niya. "Kakayanin ko po Nay, promise po" ang pangako ni Ikay. Hindi pa rin kumbinsi ang Nanay ni Ikay pero gusto niyang matuto sa mga desisyon at maging responsable rito ang kanyang anak kaya pinagbigyan niya.

At dumating na nga pagbabalik ni Ikay sa kanyang eskwelahan. Hinahayaan ng Nanay ang kanyang anak na tuparin ang kanyang pangako. Inaalagan ni Ikay si Fel at ang mga kuting niya habang pinagsasabay niya ang mga assignments at projects na inuuwi niya sa bahay. Tumutulong si Nanay kapag siya ay naka-day off at kapag walang mga meetings o deadlines sa kanyang remote-work. Kung nahihirapan si Ikay sa pag-alaga ng apat na pusa, nahihirapan si Nanay sa pag-alaga ng apat na pusa, isang bata, trabaho, at mga gawaing bahay.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Mar 29, 2023 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

AlagaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon