Sa iyong paglisan ay hindi nakapaghanda
Kaya puso ay minu-minutong nagwawala
Pangungulila ay nandito pa rin —
Nangangalabit, pilit na naglalambing.
Sa iyong paglayo ay naghihikahos
Mga araw ay parang hindi natatapos
Ang espasyong iyong iniwan ay hawak pa rin —
Hindi mapunan, hindi mabitawan.
Sa iyong pagbitaw ay labis na nadurog
Animo'y naghahapunan ako ng bubog
Mga huling sinabi mo ay naririnig pa rin —
Ayaw akong patulugin, ayaw akong patahanin.