MALAYA
MATAPOS ANG ilang araw na paglalakbay—matapos akyatin ang ilang bundok, lusungin ang mga ilog, at lakarin ang kapatagan—nakarating na rin ang mga sugo ng Polesin sa kabisera ng Kaharian. Sa 'di-kalayuan, tanaw na agad nila ang matatayog na pader at tore na pumapalibot sa siyudad. Tanaw rin mula sa kanilang kinatatayuan ang malawak na burol kung saan nakatayo ang Palasyo at iba pang mahahalagang gusali ng Polarcus.
Ipinikit ni Malaya ang mga mata niya at lumanghap ng hangin. Ibang-iba ang kanyang pakiramdam habang hinahayaang mapuno ang baga niya ng hanging mula sa kabisera. Sa Polesin, sariwa at magaan. Dito sa Polarcus, may kaunting amoy at tila mabigat sa loob. Malamang dala ito ng maiitim na usok mula sa mga pabrika ng siyudad.
Iminulat niya ang mga mata at sandaling natulala sa mga nakalululang gusali. Higit pa man sa pagsali sa torneo, mas sabik siyang malaman kung buhay pa ba at ligtas ang ate niyang si Mayumi. Walang araw na lumilipas na hindi niya naiisip ang kapatid. Laging nasa guniguni niya. Ginawa niya ang lahat upang makarating dito. At ngayon, nandito na siya, sa lugar kung saan pinaghihinalaang dinala ng mga armadong tagatugis ang kanyang ate.
"Tatayo lamang ba tayo rito at pagmamasdan ang Polarcus mula sa malayo? O tutuloy na tayo sa siyudad?" nayayamot na tanong ni Elio. Kanina pa niya gustong tumuloy. "Gusto ko nang mapuntahan kung saan tayo mananatili para makapagpahinga na tayo! Gusto ko na ring maligo! Nangangamoy na ako."
Lumingon si Malaya sa kanya at mariing tumango. Mula nang nalaman nila na sa kabisera posibleng dinala si Mayumi, hindi na nagsayang ng oras ang apat na maglakbay agad para makarating dito. Sa halip na mahaba ang oras ng pahinga sa bawat araw, mas pinili nilang magpatuloy at makausad sa paglalakbay. Ang resulta, kulang sa tulog at pagod ang katawan ng apat.
Ngunit hindi 'yon alintana ni Aya. Kahit ilang bundok o kahit ilang ilog, tatahakin niya para lamang makapunta rito. Alam niyang sa bawat segundo at minuto na lumilipas, posibleng malagay sa panganib ang kanyang ate. Ayaw niyang magpaka-kampante. Ayaw niyang magpahinga hangga't hindi niya nasasagot ang mga tanong na bumabagabag sa kanya.
Nasaan na kaya si Mayumi? Nasa mabuti ba siyang kalagayan ngayon? Pinapakain ba siya? Nakatutulog ba siya nang maayos? Pinagbibigyan ba ang mga hiling niya?
"Aya?" tawag ni Miro. "Tara na? Para makapagpahinga na tayo?"
Umiling ang dalaga, pansamantalang iwinaksi sa isipan ang mga alalahanin. Kapag hinayaan niyang malunod ang kanyang kamalayan sa mga tanong, baka maging pahirap at pabigat siya sa mga kasama. Hindi siya ipinadala sa Polarcus para lamang hanapin ang ate niya. Nandito siya upang lumahok sa torneo at subukang maipanalo ang kampeonato.
Tumuloy na ang apat sa entrada ng siyudad. Tanging ang mataas na pader at ang malaking pinto na yari sa kahoy at bakal ang bumungad sa kanila. Isang dosenang lalaki na nakasuot ng kalasag at may bitbit na sibat ang nakabantay sa bukana. Sa ibabaw ng mahabang pader, may mga naglalakad na lalaki at babaeng may mga hawak na pana.
BINABASA MO ANG
Aria of the Arcane ①
FantasyEnter the arcane world of Alterra, and regale yourself with three tales in one epic story. ☆☆★ AFFAIR OF ROYALS ★☆☆ Tag along with LUCIUS as he investigates the brutal murder of the Arcerean monarch and sheds light on a conspiracy that may alter the...