A/N: Ito po ang ikalawang libro ng Enchorodian or should I say, ang dugtong ng Enchorodian I. Sana magustuhan niyo ang ENCHORODIAN II: Primordium Histoire. Enjoy reading and don't forget to vote, comment and share. Thank you sa lahat ng nagbabasa at lahat ng babasa. Love lots! ❤️
***
‼️ENCHORODIAN SERIES‼️1. Enchorodian I (Completed)
2. Enchorodian II: Primordium Histoire (Ongoing)***
Prologo
Malakas ang kalabog ng aking dibdib habang nakatingin sa nakatalikod na pigura ni Propesor Eros. Nakatayo siya sa harapan ng pulang pinto at marahang binuksan ito.
Lumingon siya sa amin, seryoso ang tingin. "Sumunod kayo sa'kin."
Nauna siyang pumasok, sumunod sa kanya sina Zerena at Zeron, sinundan nina Eroth at Simon. Malalim akong napabuntong-hininga habang nakatingin sa papalayo nilang mga pigura.
Hindi ko maintindihan kung bakit ninakaw nina Busa at Hayanaré ang Primordium Histoire. Nagulat ako nung nalaman ko ang nangyari. Sinamantala nila ang kaguluhan at ninakaw ang artipakto na nakatago sa Akademya de Minika--sa isang lugar na tanging si Propesor Eros ang nakakaalam. Nakakapagtaka lang kung paano nila ito natunton. Kahit nga sina Zerena at Zeron ay hindi alam ang lokasyon na kinalalagyan ng Primordium Histoire.
Busa, ano ang dahilan bakit niyo ito ginawa? Ano ang inyong rason? Kahit sana man lang nagpaalam kayo sa'kin na lilisan kayo. Sana pinag-usapan natin kung ano ang problema na hinaharap ninyo at baka makatulong ako para hindi na umabot ang lahat sa ganito.
Isang malaking krimen ang ginawa nila. Ngayon may malaking halaga na nakapatong sa kanilang ulo. At ngayon ay naatasan kaming hulihin silang dalawa anuman ang mangyari. Kailangan kong hulihin ang aking mga kaibigan at ibalik dito sa Kaharian ng Vinea upang husgahan sa kanilang kasalanan.
"Shira?"
Naputol ang malalim kong pag-iisip nang makita si Zerena sa harapan ko. Dahan-dahan niyang inabot ang aking mga kamay at malamyos itong pinisil. Kita ang kalungkutan sa kislap ng kanyang mga mata.
"Bakit, may problema ba, Zerena?" tanong ko rito at hindi makatingin ng deretso sa mga mata niya.
"Alam ko ang iniisip mo," gumuhit ang mapait na ngiti sa kanyang labi. "Alam ko na iniisip mo si Hayabusa. Pero kailangan silang ibalik dito sa Kaharian."
Tanging pagtango ang naging sagot ko sa kanya. Hindi na ko umimik pa at nanatiling tahimik. Muli niyang pinisil ang aking kamay bago ito binitawan at tumalikod sa'kin. Muli siyang pumasok sa loob ng silid at naiwan akong mag-isang nakatayo.
Muli akong napabuntong-hininga. Kailangan kong gawin ito at dalhin sina Busa at Hayanaré sa Kaharian anuman ang mangyari.
Marahan akong naglakad papasok sa loob ng silid. Awtomatikong napayakap ako sa sarili nang dumapo ang malamig na simoy ng hangin sa aking balat.
Pinasadahan ko ng tingin ang buong silid ngunit wala akong makitang bintana o kahit anong butas na pwedeng pasukan ng hangin. Lumingon ako sa likuran at nakitang nakasira na ang pinto. Binaling ko ang tingin kina Zerena at nakita ang malapad at parisukat na salamin sa harapan nila. Nakatayo naman si Propesor Eros sa gilid ng salamin at tiningnan ang bawat isa sa amin.
"Ngayong narito na kayong lahat, lumapit kayo sa akin," umalingawngaw ang baritonong boses ng Propesor sa buong silid.
Nakita ko ng mas malapitan ang salamin. Bigla akong napaatras nang lumitaw sa salamin ang isang imahe na madalim na kagubatan, kung saan makikita ang nagtatayugang mga puno na halos umabot sa kalangitan. Gumagalaw ang mga sanga ng bawat puno habang lumilipad ang malalaking ibon na may matingkad na kulay.
Biglang tumikhim si Propesor Eros dahilan upang lahat ng aming atensyon ay matuon sa kanya.
"Ang imahe na inyong nakita ay ang lugar kung saan kayo dadaan patungo sa Kaharian ng Ende. Naramdaman ng Va Viasgre ang presensya ng Primordium Histoire sa Kaharian ng Ende. Pakiusap, huwag kayong gagawa ng bagay na makakaagaw ng pansin ng Va Vendre o Reyna ng Kaharian ng Ende. Dahil kapag napansin niya kayo, masisira ang plano natin," marahan siyang huminga ng malalim bago nagpatuloy sa pagsasalita. "Kaya pumasok na kayo sa lagusan at ibalik ang artipakto sa Kaharian ng Vinea. Mag-ingat kayong lahat."
Iyon na yata ang pinakamahabang pagsasalita na narinig ko sa Propesor. Rinig sa boses ng Propesor ang pag-aalala. Halatang hindi magiging madali ang misyon na aming gagawin.
Kinapa ko ang tapang sa aking puso at seryosong tumitig sa salamin, umiipon ng lakas ng loob upang tumawid patungo sa kabilang kaharian. Ang bawat isa sa amin ay handang harapin ang mga hamon na naghihintay sa ibang panig ng salamin.
Naramdaman ko ang paghawak ni Zerena sa kamay ko. Binaling ko ang tingin sa kanya at nakita kong nakatingin din siya sa akin. Ngumiti ako sa kanya at ngumiti rin siya sa akin bago niya muling binalik ang tingin sa harap. Tiningnan ko ang mukha ng aking mga kasamahan. Kahit alam kong may pag-aalinlangan din sila sa kanilang mga puso, pinilit nilang ipakita ang katapangan sa kanilang mga mukha.
Nakakabilib isipin na bigla akong naging electus pagkatapos ng kaguluhan. Ngunit ang pagiging electus ay hindi isang pribilihiyo kundi responsibilidad. Isang mabigat na responsibilidad na kailangan kong pasanin sa aking mga balikat.
Tila hindi kapani-paniwala na naging electus ako na dati pinangarap ko lang. At ngayon mapapasama pa ako sa isang misyon. Isang komplikado at seryosong misyon na kailangan namin mapagtagumpayan.
Sa aking puso, wala akong nararamdaman na kahit konting pag-aalinlangan. Sa halip, pinili kong lumakad at sumabay sa kanila papalapit sa salamin patungo sa ibang lugar.
Sa sandaling dumikit ang aking balat sa salamin, bigla akong nakadama ng malakas na puwersang humihila sa akin papasok sa salamin. Sinubukan kong pigilan ang pwersa ngunit wala akong nagawa. Nakakasilaw na liwanag ang sumilaw sa paningin ko hanggang sa mawalan ako ng kamalayan.
***
‼️DISCLAIMER‼️
Names, characters, business, events and incidents are the products of the author's imagination. Any resemblance to actual persons, living or dead, or actual events is purely coincidental.
This story is pure fiction and created by the author himself.
Copying and passing it off (the ideas or words of another) as one's own or use it without crediting the source or the author's permission is your liability.Plagiarism is an act of infringement!
***
Marvin Wrighttee| M.W.
BINABASA MO ANG
Primordium Histoire
FantasySa hindi inasahang pangyayari, ninakaw ang isang makapangyarihang artipakto na naglalaman ng lahat ng mahika sa mundo. Upang mabawi ang artipakto at dalhin ang mga salarin sa hustisya, bumuo si Propesor Eros, ang punong-guro sa Akademya de Minika, n...