3. ALIPIN

38 8 7
                                        

SHIRA

Bigla akong nagising nang maramdaman ang pagbuhos ng malamig na tubig sa aking mukha. Napakislot ako at agad na dumilat dahil sa paggapang ng lamig sa buong katawan ko. Dahilan upang tuluyang nawala ang aking antok.

Pagkabangon ay agad na kumunot ang noo nang napansin ko ang maraming tao na naglalakad sa harap ko. Saglit akong napatigil at luminga-linga sa paligid. Anong lugar ito?

"Gising ka na pala."

Bigla akong napalingon upang hanapin kung sino ang nagsalita. Nakita ko ang isang matandang babae na nakaupo sa likuran ko. Halos puti na ang lahat ng buhok, marumi ang suot na damit at walang sapin sa paa. Bawat tadyang niya ay makikita sa ilalim ng kanyang damit, at ang mga braso niya ay payat na payat. Nang iniunat niya ang mga kamay, ang kanyang mga daliri ay tila mahahabang mga sanga—maninipis at malambot, tulad ng mga sanga na sumasayaw sa ihip ng hangin.

"Naaan po tayo... Lola?" Nag-aalangan kong tanong.

"Hindi mo pa ba napansin kung nasaan tayo ngayon, iha?" anya at tinuro ang paligid.

Pinasadahan ko ng tingin ang kabuuan ng paligid at doon ko lang napansin ang makakapal na bakal na rehas na may makikitid na espasyo. Tila naestatwa ako sa kinaroroonan nang napagtanto ko ang ibig sabhin ng matanda. Nasa loob kami ng isang kulungan.

Hindi ito maaari. Paano ako napunta rito? Bakit hindi ko makita sina Zerena at ang iba pa naming mga kasamahan? Ako lang ba ang nakapiit dito?

Kailangan kong makaalis dito at hanapin silang lahat. Hindi ko alam kung nasaan sila o pareho ba kami ng sitwasyon ngayon katulad ko. Hindi ko lubos mabatid kung paano ako napunta rito.

Pero isang bagay ang alam ko: kagagawan ito ng lycanthrope na iyon. Kailangan kong sirain ang kulungan na ito upang makaalis at mahanap sila sa lalong madaling panahon.

Itinapat ko ang mga palad sa malamig na bakal saka ipinikit ang mga mata upang magbaybay ng inkantasyon. Ngunit bago ko pa maisagawa ang orasyon, bigla akong pinigilan ng matanda. Kunot-noo na tinitigan ko siya dahil sa kanyang pagpigil sa akin.

"Kung ako sa'yo, hindi ako magsasayang ng laway," anya saka tinuro ang pulso ko.

Ngayon ko lang napansin na may nakapulupot na mga kadena sa akin. Agad kong sinubukan na tanggalin ito ngunit hindi matanggal. Sinubukan kong bumaybay ng inkantasyon upang wasakin ito, pero ang mas ikinagulat ko ay walang may nangyari. Tila hindi gumagana ang kapangyarihan ko.

Anong nangyayari? Bakit hindi ko magamit ang kapangyarihan ko. Muli akong tumingin sa matanda na kanina pa pala nakatingin sa akin. Siya lang ang makakasagot sa tanong ko.

"Anong nangyayari? Bakit hindi ko magamit ang kapangyarihan ko?" tanong ko rito.

"Ang mga kadenang nakagapos sa pulso mo ay isang magic sealing chains," sagot niya at halata sa tono ng kanyang boses ang kalungkutan, habang ang mga mata niya ay nakatingin sa akin ng diretso. "Ito ay may kakayahan na ipawalang bisa ang kahit anong uri ng mahika."

Bigla akong natigilan sa mga sinabi niya. Bumilis ang tibok ng puso ko nang maunawaan ko na wala akong magagawa upang makatakas sa kulungan na ito.

Primordium HistoireTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon