5. RUNE MAGIC

33 6 11
                                    

SHIRA

Marahan kong hinaplos ang pisngi niya, damang-dama ang init ng kanyang balat sa aking mga daliri. Nang magtama ang aming mga mata, mas lalo akong napaiyak. Hinila ko siya palapit at ikinulong sa mga bisig ko. Sa sandaling iyon, naglaho ang lahat ng takot at pangamba; ang tanging naririnig ko ay ang tibok ng kanyang puso.

"Hindi ako makapaniwala na dito kita makikita, Akita," bulong ko, hindi maalis ang pagkabigla sa boses ko.

"Masaya ako na makita kang muli, Shira," tugon niya, ang kanyang mga mata'y malamlam na nakatuon sa akin. Marahan niya akong hinawakan sa magkabilang pisngi, at tinitigan niya ako ng matagal, na para bang sinasaulo ang bawat detalye ng aking mukha.

"S-Shi-Shira..."

Bigla akong natauhan nang marinig ang naghihingalong ungol ni Lola Berta. Agad akong kumalas mula kay Akita at nagmamadaling lumapit sa matanda. Kinuyom ko ang aking mga kamao, pilit pinipigilan ang buhos ng luha nang makitang walang malay ang matanda.

Lumuhod ako sa tabi niya, pilit na nilalabanan ang takot. Ang kanyang mukha, dating masigla, ngayo'y maputla at tila nawalan ng buhay. Nanginginig ang mga kamay na hinaplos ko ang kanyang noo na dumudugo. Halos hindi ako makahinga habang nakaluhod, walang magawa, at halos madurog ang puso sa awa.

"Mas malala ang ginawa ng mga gagong iyon sa matanda," sabi ni Akita, na hindi ko agad napansin na nasa tabi ko na pala. "Mabuti na lang at nakarating ako bago mahuli ang lahat."

Biglang bumalik sa akin ang mga alaala—ang mga lalaking iyon, ang kanilang kalupitan, ang pagmamakaawa ni Lola Berta. Dahan-dahan kong inihiga si Lola sa lupa, bawat galaw ko’y puno ng ingat bago ako tumayo. Itinuon ko ang tingin sa mga demonyong nanakit sa amin.

Napakuyom aking kamao at ramdam ko ang paninikip ng dibdib ko sa galit. Hindi ko inalis ang tingin ko sa kanila. Ang galit ko ay parang apoy na nagbabaga sa loob ko; lalong tumatagal, lalong lumiliyab. Mabilis akong naglakad papalapit at handang gumanti.

Pero bago ko pa maabot sila, hinawakan ni Akita ang braso ko, ang malamig niyang kamay ay tila bakal na humarang sa akin. Binigyan ko siya ng matalim na titig. "Bitiwan mo ako," mariin kong utos, bawat salita ay puno ng galit at panggigigil. Pero hindi siya nagpatinag; matatag siyang nakatitig sa akin, hindi bumibitaw.

"Naiintindihan ko ang galit mo," sabi niya, mabigat at seryoso ang boses. "Pero unahin mo si Lola. Mamaya mo na sila harapin."

Para akong binuhusan ng malamig na tubig. Ang mga salita niya’y tumagos sa akin, pinapatay ang apoy ng galit na nagliliyab sa loob ko. Tama si Akita. Mas kailangan ako ni Lola Berta ngayon. Nilunok ko ang galit, huminga nang malalim, at bumalik sa tabi ni Lola.

"May kilala ka bang marunong manggamot dito, Akita?" mahinahon kong tanong sa kanya habang nakatuon ang buong atensyon kay Lola Berta. Pero hindi siya sumagot. Sa halip, lumuhod siya sa harap ko at naglabas ng isang maliit na bagay mula sa kanyang bulsa. Napaarko ang kilay ko nang makita ang magic stone na hawak niya. "Ano ang plano mong gawin, Akita?"

Hindi siya nagbigay ng sagot. Sa halip ay inilapat niya ang magic stone sa noo ni Lola. Nang dumampi ang bato, kumislap ang simbolo na nakaukit rito.

"Ang kapangyarihan ng runes ang siyang gagamot sa kanya," napakunot ang noo ko sa sinabi niya. Ngunit ang mas tumatak sa isipan ko ay ang salitang "runes" na binanggit niya.

Ilang sandali ang lumipas hanggang nawala ang liwanag ng magic stone. Muli niya itong binalik sa kanyang bulsa, at ngumiti siya sa akin, ang mga mata niya ay nagpapahiwatig na ayos na ang lahat.

Primordium HistoireTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon