Circle 1

20 0 1
                                    

"Naniniwala ka ba sa Diyos?" tanong sa amin ni Maya, isa sa staff ng The Dwelling.

Isa itong mental health facility na kumakalinga sa mga taong nakararanas ng matinding kalungkutan, may depresyon, mga nagtatangkang magpakamatay o minsan nang nag-plano pero nakaligtas, mga problemado, nalilito sa nangyayari sa buhay nila, at wala nang pag-asa.

Nakapabilog ang aming mga upuan. Hindi ko kilala ang mga kasama ko maliban sa isa, si Dominic, kapatid ni Jessa, ang matalik kong kaibigan, na isang linggo nang nawawala. Pareho ba kaming dinala ng pagkakataon sa lugar na ito? Siguro. Ang dami kong tanong na nangangailangan ng sagot.

"Puwede bang itaas natin ang mga kamay natin... lahat ng naniniwala sa Diyos?" pakiusap ni Maya. Para kaming puppet na sumunod.

Una akong nagtaas ng kamay. Sinundan ako ng iba. Nag-alinlangan pa ang isa. Rein ang nakalagay sa name tag nito, pero nagtaas din naman siya ng kamay kinalaunan. Lahat nagtaas maliban sa isa.

"Ezra, labing anim na taong gulang. Tama?" tanong ni Maya kakabit ang isang ngiti. Mayroon siyang hawak na chart, animo'y isang nurse. Nagbabasa at nagtatala siya ng anumang impormasyon.

Tumango si Ezra at nagpahayag ng saloobin. "Hindi ako naniniwala sa Diyos," sabi niya.

"Bakit hindi ka naniniwala sa Diyos?" tanong ni Maya. "Hindi mo ba ramdam ang presensya Niya sa buhay mo?"

"Paano ako maniniwala sa Diyos? Huh! Ang daming pangit na nangyari sa buhay ko! Ni hindi ko nga alam kung sino ang mga magulang ko. May kumupkop sa akin, mag-asawang nakatira sa lansangan. Pero parang may kulang pa rin kasi 'di naman sila yung totoo kong mga magulang. Hindi ko nga alam kung kailan ako ipinanganak. Ang mayroon lang ako, pangalan, pero walang apelyido. Wala akong relihiyon. Hindi nabinyagan. Lalong hindi nangungumpisal. Napapaisip nga ako. Para saan ba at nabubuhay ako? Para magdusa?

"Mahirap ang buhay namin. Lumaki ako sa lansangan para mamalimos. Nagmamakaawa ako sa mga tao. Walang tumatanggap sa akin kahit sa trabaho. Sasabihin nila, menor de edad. Isa pa, hindi rin kasi ako marunong magsulat o magbasa. Pero hindi ako mangmang sa kaalaman! Alam ko rin naman kung ano ang tama at mali.

"Kaya nga noong isang gabing namamalimos ako malapit sa simbahan, may nakita akong isang babae. Nakatutok sa kanya yung kutsilyo! Gusto siyang nakawan ng isang lalaki! Ewan, sabog yata sa droga. Sinubukan kong mamagitan. Akala mo bayani! Pero sa pagnanais kong matulungan yung babae, ako yung nasaksak!

"Kung totoo man Siya, bakit hinayaan ng Diyos na mangyari ito? Gusto ko lang namang tumulong, pero bakit masama pa ang nangyari sa akin? Alam ko patay na ako e! Narating ko na ang isang madilim na lugar! Impyerno siguro? Tapos, may liwanag. Putang ina! Nabuhay ako! Bakit pa ba ako nabuhay? Gusto ko nang mamatay! Wala ba talagang Diyos? May Diyos ba? Gulong-gulo ang isip ko!"

Humagulgol si Ezra pagkatapos dahil sa bigat ng nararamdaman.

Nagtataka si Maya kung bakit gusto naming mamatay. Hindi niya alam kung bakit tanggap naming mapupunta kami sa impyerno. Siguro dahil wala sa amin ang may ideya kung ano nga ba talagang mayroon sa lugar na iyon kaya parang ang dali lang tanggapin ng lahat.

Noong bata pa ako, laging sinasabi ng mga magulang kong dapat gumawa ako ng mabuti, dahil kung hindi, darating ang paghuhukom at hindi ako maliligtas. Na mapapatapon ako sa impyerno kung saan walang hanggan ang pagdurusa.

Ganoon ang nasa isip ko nang mahulog kami ni Dominic sa isang lugar na hindi kami pamilyar. Bumagsak kami sa semento at pagbangon namin, nakakita kami ng mga tao, o mga kaluluwa siguro. Hindi ako sigurado kung ano ba ang itatawag sa kanila.

Circles of HellTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon