Tala

36 1 0
                                    

April 12, 2022

Sabi nila, mahirap abutin ang mga tala sapagkat sila'y makinang, matayog, at nangingibabaw sa ganda ng kalawakan. Kailanman ay hindi ko hinangad na maabot o makahawak ng isa. Sabi ko, aanhin mo ang liwanag at ganda ng tala kung maaari ka naming mangibabaw, kuminang, at maging isa sa kanila?

Hindi ko maintindihan.

O marahil ay dahil pinagmamasdan ko lamang sila, hindi pa lubos na nakakalapit ni isang metro para lubusang makilala at purihin ang ganda ng bawat isa.

Hanggang sa malapitan ko ang isa, hindi sinasadya at pinagtagpo lamang ng tadhana. Sa kumpol ng kaguluhan, alikabok na nagliliparan, at ingay ng buong kapaligiran, doon ko natagpuan. Maliwanag, halatang matayog, at nangingibabaw sa gitna ng kaguluhang tila naging payapa nang oras na dumapo sa kaniya ang aking mga mata.

Ang kaniyang ngiti ay maliwanag. Ang paraan ng kaniyang pagtindig at pagpostura ay halatang matayog, hindi dahil sa sinasadya niyang lumipad bagkus ay natural na lumulutang dahil hindi pangkaraniwan.

Sa mga oras na iyon, doon ko naranasan ang bahagyang pagtigil ng paligid at paghinto ng aking mga hininga.

Naiintindihan ko na.

Nakakaakit nga pagmasdan ang mga tala. Maaaring ang liwanag na nakikita ko ay nakikita rin ng iba. Ngunit hindi nila maramdaman ang epekto ng liwanag ng tala na tanging ang mga itinakda lamang ang nakikita.

Kaya pala hindi ko noon maintindihan ang pag-aasam nilang makaabot ng isa, dahil hindi ko nararamdaman ang pagtigil ng oras at paghinto ng kanilang mga hininga sa tuwing nasisilayan ang tala na itinakda sa kanila.

Ngayon, naiintidahan ko na dahil nasilayan na kita.

Patuloy kitang tatawin kasabay ng aking mga hiling na sana maabot kita, aking tala.

Naiintindihan ko na.

Letra at SalitaWhere stories live. Discover now