Ang Manonood

7 0 0
                                    

Ramdam ko ang mga titig

Pinapanood ang bawat pagpihit ko ng pahina na tila may pinapahiwatig

Maihahalintulad sa halamang makahiya na tumitiklop sa oras na nagtatama ang ating mga mata

Na para bang musika sa kalagitnaan ng pinakamataas na nota ay biglang bumabagsak sa kawalan ng tunog

Nanonood ka

Napapangiti ka

Minsan, iniisip ko isa ba akong palabas?

Nagbibigay aliw sa manonood at palaging nasa kasukdulan ng teleserye sa paraan ng paglaan mo ng atensyon

O marahil ay musika na humehele sa iyong tainga

O isang obra na nagbibigay sayo ng palaisipan kaya tinatanaw--- sinusubukang bigyan ng interpretasyon ang bawat lapat ng kulay sa kanbas.

Aking manononod,

Kung ang nais mo ay panoorin ako tulad ng isang pelikula, pakinggan tulad ng musika, o tanawin ako tulad ng obra,

Maaari bang huminto ka?

Sapagkat hindi ko nais na panoorin mo lamang ako.

Nais kong maging artista ka na dinadamayan ako sa loob ng pelikula, sa kasukdulan at kakalasan

O mang-aawit na sinasabayan ang aking mga himig upang ihele tayong dalawa; Upang ihele ang nagwawalang mga halimaw sa loob natin na pilit kumakawala

O maging isang pintor na nilalapat sa akin ang bawat kulay para bigyan ako ng kahulugan.

Ngunit hindi...

Pinili mong manood at humakbang papalayo

Naiwan ako sa kalagitnaan ng pelikula--- walang wakas at naligaw sa daloy ng istorya

Nawalan ng boses sa kalagitnaan ng pagtaas ng mga nota sa huling kumpas ng maestra

At obrang nanatiling nakapaskil sa dingding, hindi man lang nabigyang kahulugan ang pagkahalo ng mga kulay na mabusising nilapat sa kanbas para sa iyong pagtanaw

Doon ko natanto na hindi ikaw ang manonood

Hindi ako ang pelikula; o ang musika; o ang obra

Hindi ikaw ang manonood

Kundi ako...

Ako ang naghintay na gumawa ka ng hakbang

Na lapitan ako sa gitna ng iyong pagtanaw

Pinanood ko

ang unti-unting pagpundi ng kinang sa minsa'y makislap mong tingin

Pinanood ko

ang kasukdulan at ang pagtatapos ng iyong damdamin

Pinanood ko

ang pagpikit at pagtalikod mo

Pinood ko

ang paglakad mo papalayo sa sementadong daan, malayo sa berdeng mga damo kung saan dati'y tinatanaw mo ako sa aking pag-upo

Ako ang manonood.

Letra at SalitaWhere stories live. Discover now