Alas dyis na ng gabi nang ako'y matapos sa aking pang gabing trabaho. Lumabas ako mula sa aming building at nakita ko ang aking kapatid na naghihintay sa akin mula sa labas.
Naghihintayan lang kami kung sino ang unang lalabas at matatapos. Malapit lang sa aming building ang lugar kung saan siya nag pa-part time job kaya lagi kaming nagsasabay sa paguwi.
Antok na antok na kami ng kapatid ko, gusto ko nang maka sakay para naman maka idlip kami sa upuan habang umaandar ang sasakyan.
Naglalakad kami mula sa daan na napaka dilim. Wala na kaming ibang kasamang naglalakad dahil nga'y gabing gabi na sa mga oras na iyon.
Nasa tapat kami ng street sign na San Miguel St. na may katabing basurahan nang makarinig kami at makakita ng ilaw isang paparating na bus.Sa pagkatagal tagal naming dumadaan doon ay ngayon lamang ako nakakita ng bus na dumaan doon.
Kahit nagtataka ako kung bakit may dumaan na Bus sa lugar na iyon, sumakay nalang kami dahil gusto na naming maka uwi at para maka idlip na rin. Nakalagay rin naman sa harap ng bus ang lugar kung saan kami bababa.
Umupo kami sa dulo, puno kasi ang Bus at doon lamang ang upuan na walang nakapwesto. Nagtataka rin ako dahil gabing gabi na ngunit puno pa rin ang bus. Lahat ng pasahero ay naka-yuko. Siguro ay naantok na rin sila kaya umidlip na rin.
"Kuya, iidlip muna ako, pa sandal nalang sa balikat mo."
Pagkasandal nya sa aking balikat ay isinandal ko na rin ang ulo ko sa ulo nya. Umidlip na rin ako dahil malayo-layo pa naman ang aming bababaan.
Nang nagising ako mula sa pagkakaidlip, Naaalala ko na hindi pa pala kami nagsasabi sa konduktor kung saan kami bababa. Hinahanap ko ito mula sa aking kinauupuan ngunit wala akong makitang konduktor. Tumingin rin ako sa bintana upang silipin kung nasaang lugar na kami. Nanlaki ang aking mga mata nang makitang hindi na pamilyar sa akin ang lugar na dinadaanan ng aming sinasakyang bus.
Ginising ko agad ang aking kapatid.
"Huy, gumising ka na, lumagpas na tayo."
Natatarantang wika ko.
Tumayo ako sa aking kinauupuan at humawak sa upuan na nasa aking harapan."Kuya! Bababa na po kami!"
Pasigaw na wika ko.
Lalong bumilis ang takbo ng bus.
Walang kahit sinong pumansin sa amin, lahat sila ay naka yuko parin.
Sa pangalawang pagkakataon ay nilakasan ko pa ang aking sigaw."Kuya, lumagpas na po kami! Pababain n'yo na po kami!"
Huminto mula sa pagkakaharurot ang bus. Muntik na akong matumba at nalaglag sa sahig mula sa aking mga kamay ang hawak hawak kong barya na ipapambayad ko sana.
Pinulot ko isa isa ang mga ito,
Habang ako'y nagpupulot, napansin kong walang mga paang nakaapak sa sahig ang mga nakaupong pasahero sa Bus.
"Ano yun? Lahat sila naka indian sit?" Laking pagtataka ko
Hindi ko na pinulot pa ang ibang baryang nasa sahig. Tumayo agad ako upang sabihan ang aking kapatid na bumaba na.
Sa aking pagtayo ay nakita ko ang mga pasahero na kanina'y naka-yuko ay ngayo'y nakatitig na sa amin.
Kinilabutan ako. Nanlilisik ang mga mata nila sa amin. Nag madali kaming bumaba. Sa bawat hakbang namin ay ramdam ko ang kanilang pagtitig.
Pagkababa namin, Nawala ang kabog ng aking dibdib. Gumaan ang aking pakiramdam. Sa sobrang takot ay hindi na namin tinignan pa ang Bus. Narinig nalang namin ang muling pag harurot nito palayo sa amin.
Nang mawala ang takot at kaba na aming naramdaman, tumingin ako sa paligid upang tignan kung saang lugar na kami nakababa. Nakita nalang namin ang Street sign na San Miguel St. at ang katabi nitong basurahan.
.............