"Sigurado ka ba rito, Cyrene?" Tanong ng manghihilot na nakaupo sa harapan ko.
"Opo." Sagot ko naman habang nilalaro ang aking mga kamay.
Tumango siya at saka kumuha ng langis na kaniyang gagamitin. Sinimulan niyang pahiran ng langis ang aking tiyan na nagdulot sa aking magdalawang-isip muli. Ngunit itinuloy ko na lang ang nasimulang pasiya.
Nagsimulang gumalaw ang malapad ngunit malambot niyang mga kamay mula sa ibaba ng aking tiyan paitaas, at paikot.
Makalipas ang ilang minuto niyang panghihilot ay sumakit na ang aking sinapupunan. Napapikit na lamang ako.
Ngunit ako'y napamulat sa gulat nang may sumigaw papalapit sa amin.
"Cyrene, huwag! Anak, huwag!" Umalingawngaw sa balkonaheng aming kinalalagyan ang malakas at hinahangos na tinig ng aking ina.
Gulat akong napatayo sa aking kinauupuang silya.
Nang makalapit sa akin ang ina ay humawak ito sa magkabila kong mga braso.
"Cy, anak, alam kong nasaktan ka. Alam kong pinagtaksilan ka ni June, pero huwag mong ibuntong sa bata ang galit at sakit na nadarama mo."
Hindi ko alam kung paano niya nalamang naririto ako ngayon. Ngunit, ang alam ko ay sobra akong nasaktan sa paulit-ulit na lamang na ginagawa ni June.
"Anak naman..." Paluhang sambit sa akin ng ina. "Nambabae si June, pero walang kasalanan ang batang nasa sinapupunan mo."
"Pero, nay..."
"Hindi ito maganda para sa inyo ng bata. Halika na, umuwi na tayo, Cy."
Habang hinihila ako ni nanay patungo sa sakayan ng tricyle ay walang tigil sa pagtulo ang aking mga luha.
Nang makasakay ay saka ko lamang napagtanto ang halaga ng buhay ng anak ko...
Lumuluha kong hinawakan ang aking sinapupunan. "Patawarin mo sana ako..."
"[Patawarin mo sana ako.]" Pagmamakaawa ngayon ng kaibigan kong si Mary sa isang tawag.
"[Nasa trabaho kasi ako noong nakaraan, Cyrene. Hindi kita nasamahang manganak.]
Dalawang araw na ang nakalipas nang aking isilang ang aking bunso.
"Trabaho? Walong buwan ka nang buntis, 'di ba? Delikado 'yan, Mary."
"[Ayos lang, hindi naman mabigat na trabaho. Tinda tinda lang ng kakanin.]"
Nag-usap pa kami ng kaunti bago niya tinapos ang call. Saglit lamang ang lumipas ay may narinig akong himig.
"Sana'y 'di magmaliw,
Ang dati kong araw.
Nang munti pang bata,
Sa piling ni nanay."Ang mababa ngunit malamig na tinig ni June ang siya ngayong nagpapatulog ng mahimbing sa aming anak.
May ngiti sa mga labi ni June ngayon...
Kaya't, lahat ng himutok at galit na nadama ko sa kaniya ay natunaw sa isang iglap. Nagbago naman na siguro siya.
Siguro.
"Siguro, hanggang diyan na lang muna sa kapanganakan mo ang maikukuwento ko, Cyrus, apo." Malambing na sabi ni Lola Carmen nang matapos na siyang magtupi ng mga damit.
Ngunit, ang sumunod niyang turan ay baligtad sa kalambingang taglay ng kaniyang unang sinabi. "CYRUS, 'YUNG SINAING KO!" Sigaw ni Inang na'ng maamoy ang nasusunog na kanin.
Tinakbo ko ang kusinang nangangamoy dahil sa nasusunog na'ng sinaing. Agaran kong pinihit ang gasul at pinatay ang apoy ng stove, hinihingal sa matulin kong pagtakbo.
YOU ARE READING
It's Time
RandomMen First, Not Ladies Series MFNL Series 1 Cyrus Leon is a man of courage and confidence. A man who values his dreams and principles. A man with simplicity and sincerity. A man who values his loved ones, especially his best friend. A man who is awa...