Heto na naman ako.
Nagsusumiksik sa isang sulok.
Nagmumukmok.
Naghihintay.
Kailan ka ba babalik?
Napapagod na ako.
Hanggang kailan ako magiging ganito?
"Ang sarap umasa, lasang tanga."
Bakit ba hanggang ngayon, hinihintay kong bumalik ka? Hindi, mali. Umaasa akong babalik ka. Umaasa akong ako pa rin ang mahal mo. Umaasa ako, naghihintay, sa maling tao. Nakakatawa. Aasa ka na nga lang, sa maling tao pa.
Tanga na kung tanga. Paano'ng gagawin? Mahal kita e. Mahal na mahal.
Masaya ka na. Nakikita ko. Oo, nakikita ko kung gaano ka kasaya sa kanya. Nakikita ko kung bakit hindi tayo nagtagal. Hindi ko naibigay ang gusto mo, hindi kita nabigyan ng panahon, hindi kita naipaglaban... hindi kita naintindihan.
Matibay. Matibay ang ating pagmamahalan. Ngunit mali ang ating panahon. Mali ang oras na ating pinili.
Sawang-sawa na akong masaktan. Alam ko, wala ka nang kinalaman dito. Hindi mo naman sinabing umasa ako. Hindi mo naman sinabing saktan ko ang sarili ko. Hindi mo naman sinabing panoorin kitang sumaya sa piling ng iba. Alam ko, alam ko, pinili ko ito.
Pero binubulag ko ang sarili ko. Hindi kita mabitawan. Hindi kita kayang pakawalan.
Bakit?
Dahil nandito pa rin yung sakit.
Yung sakit na ibinigay mo nang iwan mo ako.
Heto na naman ako.
Nagsusumiksik sa isang sulok.
Nagmumukmok.
Naghihintay.
Kailan ka ba babalik?
Napapagod na ako.
Hanggang kailan ako magiging ganito?
xx
Sa Isip ng Isang Iniwan
All Rights Reserved. 2015.