99TH ANNIVERSARY

39 5 0
                                    

99TH ANNIVERSARY 

Sa isang malamlam na silid, nagtipon ang isang malaking grupo ng mga taong nakasuot ng itim na toga. Nakasuot ng magkaparehong maskara sa mga mukha ang bawat isang naroon. Hitsura iyon ng isang demonyo.

Tanging isang malaking sulo lang sa unahan nila ang nagbibigay tanglaw sa buong silid.

Nakatayo lamang ang lahat habang umuusal ng pabulong na orasiyon. Dikit-dikit sila habang nakaharap sa dambana.

May isang nakadapang tao sa may harapan ng solo. Siya ang tumatayong pinuno sa grupong iyon. Matagal siya sa ganoong posisyon hanggang tumayo na at humarap sa kanyang nasasakupan. Tumigil naman bigla ang mga kaanib sa pag-usal ng orasiyon.

“Malapit na ang kaarawan ng ating Panginoong Saturnino. Kailangan nating maghanda,” may awtoridad na sambit ng pinuno. “Handa na ba kayong mangaso ulit?”

“Opo, pinuno!” korong tugon ng lahat.

“Kung ganoon, simulan na natin ang palabas!” Humarap muli siya sa dambana at humalakhak.

Nagsihubad ang bawat isang naroroon ng kanya-kanyang maskara at ng itim na toga. Kahit may kadiliman ang silid na iyon, lumantad ang totoo nilang katauhan. Halos lahat ay naka-uniporme depende sa kanilang trabaho. May waiters, may janitors, salesmen, cashiers at marami pang iba. Ang iba naman ay nagmukhang mayaman dahil sa mamahalin nitong kasuotan. Hindi mo aakalaing miyembro sila ng isang kultong pinalayas mula sa bundok ng Ambulong.

Lahat sila ay magtatrabaho sa cruise ship. Ang iba naman ay nagpapanggap lang na mga bisita.

Nagsilabasan na sila ng silid na iyon upang pagsilbihan na ang kanilang mga totoong bisita.

Akala siguro ng gobyerno, nabuwag na sila  nang palayasin sila noon sa kanilang munting komunidad sa kabundukan ng Ambulong. Ang hindi alam ng mga awtoridad, nagtatago lamang sila at nagpapatuloy sa kanilang paniniwala.

Si Saturnino ang kanilang founder. Isa siyang mayaman at sikat na businessman ng bansa. May-ari siya ng kilalang cruise ship line company. Pilit na pinalayas ng mga may kapangyarihan ang mga kaanib nito sa itinayo nitong kulto sa bundok ng Ambulong. Marami kasing naghihinala lalo na ang mga karatig lugar na sila ang dahilan ng  pagkawala ng mga bata sa lugar nila. At may nakakita pa mismong nilalagay ng isa sa kasapi nila sa sako ang isang bata. Iyon ang nagtulak sa mga tagaroon na palayasin sila.

Naghanap sila ng malipatan ngunit wala silang makita, kaya napag-isipan na lang ni Saturnino na gumawa na lang ng isang espesyal na silid sa isa sa kanyang barko. Doon sasamba sa kanya ang mga tagapanalig niya.

Ginawang diyos ni Saturnino ang kanyang sarili. Ang bawat luluhod sa kanya at sasamba ay bibigyan niya ng kayamanan. Bago siya pumanaw, pumili muna siya ng mamumuno sa itinatag niyang kulto na kahit wala na siya, may magpapatuloy pa rin nito.

Bago nalagutan ng hininga si Saturnino, may hiniling siya sa kanyang napiling mamumuno. At ang kahilingang iyon ay ginagawa nila taon-taon sa araw mismo ng kaarawan nito.

Lumipas ang maraming taon at patuloy ang kanilang samahang kahit patago pa. Nakailang palit na rin ang namumuno pero ang kahilingan ng kanilang panginoon ay nananatiling buhay taon-taon.

—————

Marami na ang nawawalang pasahero ngunit tila walang aksiyon ang mga crew ng isang pangmayamang cruise ship sa mga nangyayari.

Nasa gitna sila ng malawak na karagatan at imposibleng hindi makita ang mga nawawala kung sakaling naligaw man ang mga iyon dahil sa kalakihan ng cruise ship. Siguradong nasa barko lang ang mga missing person.

TATAKBO!  SISIGAW! (completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon