SUGAT NG ASWANG

12 1 0
                                    

SUGAT NG ASWANG

Maaga pa lang, pumunta na agad si Takio sa bahay ng kanyang kumpare. Isa kasi siya sa limang tutulong upang kumatay ng baboy roon.

Dinala ni Takio ang kanyang matalas na itak upang panghiwa sa karne ng baboy na kakatayin nila mamaya. Isang baboy lang naman iyon pero may kalakihan lang.

Debut kasi ng anak ng kanyang kumpare na si Benben. Gaganapin iyon mamayang gabi, kaya ngayong umaga pa lang ay kakatayin na nila ang baboy upang maluto agad bago dumating ang hapon.

Nakaugalian na sa Romblon, hindi kumpleto ang pagkakatay nang walang kasamang inumin. Iyon kasi ang nagpapagana sa kanila habang nagtatrabaho. Siyempre kasama na roon ang kanilang pahambog na kuwentohan at sinasamahan pa ng halakhakan. Hindi nila alintana ang pagod dahil masaya nilang ginawang ang pagkakatay.

Buhay pa rin sa Romblon ang diwa ng bayanihan. Kaya naman, habang naroroon sila sa likod ng bahay habang hinihiwa at pinipira-piraso ang karne ng baboy, ang ilan naman ay busy rin sa pagkakabit ng mga dekorasyon sa harap ng bahay kung saan iyon ang magiging reception mamayang gabi.

Wala namang maraming imbitadong mga bisita. Tanging mga piling kaibigan lang ng debutant ang mga kasali sa pagtitipon mamaya. Halos mga kamag-anak at kapitbahay lang din naman ang mag-a-attend.

Dahil nga abala ang bawat isa sa kanya-kanyang toka, hindi nila na malayang hapon na pala. Parang ang bilis lang ng mga oras.

Manaka-nakang nagsidatingan ang mga kaibigan ng celebrant at ganoon din ang mga kapitbahay at kamag-anak.

Saktong alasais ng gabi nagsimula ang birthday party. Sinimulan ito sa isang panalangin hanggang tuloy-tuloy na ang daloy ng programa.

Nang matapos na ang programa, nagsimula ng kumain ang lahat.

Pagkatapos ng kainan, ang iba ay nagpasya nang maunang umuwi lalo na ang mga kaibigan ng debutant kasi malalayo pa ang bahay ng mga ito.

May mga nagpaiwan namang ilang mga kapitbahay at kamag-anak. Naghihintay pa sigurong balutan ng mga natirang ulam.

Samantala, sa hindi kalayuan, nag-uumpukan sa bilog na mesa ang isang grupo ng mga kalalakihan, isa na roon si Takio. Nag-iinuman sila habang nagbi-videoke.

Halatang mga lasing na sila dahil simula pa kaninang umaga ang kanilang inuman.

Habang palalim nang palalim ang gabi, unti-unting umuuwi na rin ang mga bisitang nagpaiwan kanina hanggang sila na lang ang natira doon.

Madaling araw na natapos ang kanilang inuman.

Pipigilan pa sana ni Benben ang kumpareng si Takio na doon na matulog at maghintay na lang ng liwanag bago umuwi sa kanila ngunit hindi ito nagpapigil.

Malayo-layo rin ang bahay nila. May madadaanan pa siyang mga puno ng kawayan, na bali-balita sa lugar nila na mayroon daw mga elementong nagpaparamdam doon. Tinatawag iyong ‘bahoy’ sa dialect ng mga taga-Romblon. Ito ’yong mga espiritung may kakayahang manakot ng mga dadaan doon.

Tanging maliit na flashlight lang ang naging tanglaw ni Takio sa kanyang dinaraanan.

Hindi matatakutin si Takio. Sanay naman siyang umuwi ng madaling araw lalo na noong binata pa siya galing sa ‘baylehan’ o sayawan.

Habang binabaybay niya ang tahimik na daan, wala naman siyang ibang nararamdaman maliban sa huni ng mga kulisap. Kahit pasuray-suray siyang lumakad dahil sa kalasingan, kaya pa naman niyang makaabot sa kanilang bahay kahit na paminsan-minsan ay nadadapa pa.

Hanggang dumating na siya sa mga kawayanan. Kahit lasing, naramdaman niyang umiba saglit ang ihip ng hangin. Biglang nagsitayuan ng kanyang balahibo, dahil siguro sa malamig na hangin o mayroon talagang gustong paglaruan siya nang mga oras na iyon.

Hinawakan agad ni Takio ang kanyang itak. Hindi siya magdadalawang-isip na tagain kung may ibang nilalang man ang magtatangkang harangan siya sa kanyang daraanan.

“Lumabas ka! Harapin mo ako!”

Sa hindi kalayuan, kahit medyo nanlalabo ang kanyang paningin dahil sa kalasingan, nakita niyang nahagip ng kanyang hawak na flashlight ang isang maitim at malaking baboy.

Mukhang galit na galit ito dahil sa nagbabaga nitong mata at naglalaway na bibig. Tila parang gustong mangagat ng tao.

Biglang nawala sandali ang kalasingan niya. Hinanda ang kanyang sarili sa nakaambang kapahamakan. Anuman ang mangyari, lalaban siya!

Batid niyang hindi ito ordinaryong baboy lang. Sa kanyang hinuha, ito siguro ang bahoy.

Hindi niya inalis sa mukha ng baboy ang dalang flashlight. Ang kabilang kamay naman niya ay nakahawak sa kanyang itak na kinuha na niya sa lalagyan nito upang kahit anong sandali man at magagamit itong pantaga.

Kapag sinugod siya ng baboy na ito, uunahan na niya ng taga bago pa siya masunggaban nito.

Ganoon nga ang nangyari. Sinugod siya ng baboy at mukhang desidido itong lapain siya ng buong-buo.

Sa isip ni Takio, tatagain niya sa leeg ang baboy upang mapuruhan agad. Ngunit nang akma na itong lulundag sa kanya, siya namang pagtaas niya ng makintab na itak. Nasilawan ang mga mata ng baboy kaya napalingi ito.

Imbes na sa leeg, sa pisngi tinamaan ang baboy. Kitang-kita niya ang pahabang sugat doon na sumirit pa ang dugo. Bumagsak ang baboy at natumba sa lupa. Ilang segundo ay tumayo rin ito at tumakbo palayo sa kanya.

Nawala na ang kalasingan niya dahil sa nangyari at mabilis na siyang lumakad pauwi.

Kinaumagahan, may balitang may isang lola raw na nadulas sa kanilang kaingin kagabi habang binabantayan nito ang kanilang maisan. Kaya naman, nagdausdos daw ang matanda mula sa taas ng dalisdis na kaingin hanggang sa baba. Ang kaingin na iyon ay maraming mga bato at mga puno ng putol na kahoy na siguradong lilikha ng mga maliliit na sugat sa katawan ng matanda.

Dinala raw agad ang matanda sa klinika ngunit ang tanging sugat lang ay isang pahabang sugat sa pisngi nito. Malalim iyon na tila sugat ito mula sa matalim na bagay.

Hindi kumbinsido sa kuwento ng matanda ang nars na tumahi ng sugat na galing daw sa matulis na bato ang sugat na iyon. At isa pa, kung totoo nagdausdos ang matanda sa batuhan, bakit wala itong kahit ni isang galos sa katawan?

Nang dumating ang balita kay Takio tungkol sa matanda, mas pinili niyang tumahimik na lang. Pero sa kanyang isip, alam niyang siya ang tumaga sa matandang iyon. Ang sugat na iyon ay isang patunay na ang baboy na kanyang naengkuwetro kagabi at ang matandang ay iisa.

Ngayon ay alam na niyang aswang pala ang kanilang kapitbahay!

Wakas.

TATAKBO!  SISIGAW! (completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon