TAGBONG

13 1 0
                                    

TAGBONG

Nagkakagulo ang mga tao. Unti-unti nang naniningil ang kalikasan sa pang-aabuso nila. Anumang oras ay maaring dumating na sa lugar nila ang mga higanteng alon.

"Umalis na tayo sa lugar na ito! Huwag na nating hintaying maubos pa tayo!" sigaw ng isang tao mula sa grupo.

"Tama! Umalis na tayo!" sang-ayon ng karamihan.

Ngunit bago pa nila nagawa iyon, biglang dumilim ang buong paligid at tinabunan na sila ng mga alon mula sa dagat.

----

Tahimik, payapa at masarap mamuhay sa Isla David. Kahit maliit lang ang isla, sagana naman ito sa yamang-dagat.

Malayo sa modernong pamumuhay ang mga taga-rito. Ang mga nakatira rito ay nagpasyang huwag lisanin ang lugar. Pamana pa kasi ito ng kanilang mga ninuno mula pa noong unang panahon.

Noon, kaunti lang ang naninirahan sa isla. Ngunit sa paglaon ng mga panahon, mabilis silang dumami.

Pangingisda ang pangunahing hanap-buhay ng mga taga-Isla David. Pana, sibat, lambat at taga ang mga importanteng bagay para sa kanila. Dito sila namulat at marahil dito na rin sila mamamatay.

Sila-sila rin ang nag-aasawahan. Ang magkapatid. Ang magpinsan. Minsan, ang mag-ama o mag-ina. Hindi iyon masama sa kanila, bagkus isa pa nga iyon sa pinakainiingatan nilang tradisyon upang walang ibang lahing mapasama sa kanila.

Hindi na nangarap pa ang mga taga-isla na lumuwas sa ibang lugar at upang maghanap lang ng ibang trabaho o ng mapapangasawa. Sapat na ang isla. Ang Isla David ang kanilang buhay.

Sa islang ito ipinanganak si Benjomar. Biente sinco anyos. Siya ang katuwang ng kanyang ama sa pangingisda.

Gusto ng kanyang ina na pumili na si Benjomar ng mapapangasawa sa kanyang mga pinsang babae.

"Ina, hindi pa po ako handa. Hayaan po ninyo, kapag handa na po ako, kayo po ni itay ang unang makaaalam."

"Ikaw ang bahala, anak. May tiwala naman ako sa 'yo, eh," mabait na turan ng kanyang ina. "Pero bilisan mo lang sana. Matanda na kami ng itay mo. Gusto pa naming makakita ng apo bago kami kunin ni Bathala."

Napangiti naman ang binata. "Si inay talaga, mapagbiro."

Kahit ang kanyang itay na nakikinig lang sa labas ng bahay ay napahagikhik din.

Hindi uso sa Isla David ang panliligaw. Pipili ka lang, may asawa ka na. At isa iyon sa ayaw ni Benjomar. Dahil para sa kanya, ang pag-aasawa ay dapat nakabase sa pagmamahalan ng dalawang tao.

Kahit walang paaralan sa isla, likas na matalino ang binata. Ang kanyang mga desisyon at pananalita ay may lamang kaalaman na hindi alam ng mga magulang at mga kamag-anak kung saan bang parte nito iyon ng isla napulot.

Sa totoo lang, marami ang nagkakagusto kay Benjomar. Dahil hindi lang matalino, matipuno ang pangangatawan at guwapo pa.

Para sa binata, ang Isla David ay lugar na masarap tirahan habambuhay.

Napapansin ng mga tagaroon na lubhang kulang na ang lugar ng isla para sa kanila. Ang bilis kasi nilang dumami. Halos buwan-buwan ay may nanganganak.

Kaya ang namumuno sa kanila na si Titong Ambo, nagbigay ng kautusan sa buong isla na ang mga matatanda ay huwag nang pakainin upang mabilis manghina at mamatay agad. Ang hindi susunod sa kautusan ay kamatayan ang kaparusahan.

Nagsimula na ang hilaknot sa isla!

Ganoon nga ang ginawa ng mga taga-roon sa kanilang matatanda. May ilang hindi sang-ayon sa batas ni Titong Ambo, pero wala silang nagawa dahil para rin iyon sa ikabubuti nila at ng isla. Labag man, ngunit sumunod pa rin ang lahat.

Ilang buwan mula nang ipatupad ang batas na iyon, halos araw-araw ay may matandang namamatay. Masakit lang isipin, namatay ang mga ito sa gutom kahit sagana naman sila sa pagkain.

Sa paglipas ng mga araw, parang ordinaryo na lang sa kanila kung may matandang mamamatay. Ang ilan nga ay tila nagdiriwang pa sa tuwing may pumanaw.

"Mga walang puso!" himutok ng ama ni Benjomar. "Mamamatay-tao sila! Ano'ng karapatan nila na unahan ang kamatayan ng isang tao? Hindi makatao ang kanilang ginagawa! Darating ang panahon, aanihin nila ang kanilang kawalang-kahiyaan!"

"Tumahimik ka nga, Joe! Baka may makarinig sa iyo," halos pabulong na turan ng asawa nito.

Tahimik lang si Benjomar sa isang sulok. Nag-iisip kung papaano niya matutulungan ang kanyang mga kasama sa isla.

Araw-araw silang naglilibing ng patay. Halos mapuno na ang kanilang sementeryo. At kapag mapuno na ito, problema na naman nila kung saan ililibing ang labi ng mga matatanda.

Nagpulong-pulong ulit sila. Pinag-usapan nila kung saan na nila ililibing ang iba pang bangkay.

May isang sumigaw. "Tagbong!"

"Tama. Tagbong nga!" sang-ayon ng iba.

Ang 'tagbong' ay isang pamamaraan kung saan ang isang bagay, tao o hayop ay nilalagyan ng taling may pabigat gaya ng bato at itatapon sa kalaliman ng dagat.

Ang mayaman nilang dagat na nagbibigay sa kanila ng buhay ay gagawin nilang sementeryo. Tatalian nila ng malaking bato ang leeg ng mga bangkay at itatapon sa malalim na parte ng kadagatan.

Magiging pagkain ng mga isda na kanila ring hinuhuli upang ulamin ang mga bangkay.

Lalong narindi ang galit ni Joe nang marinig ang balita, ngunit wala siya sa posisyon upang hadlangan ang gusto ng namumuno. Isa lamang siyang mamamayan ng walang katunggkulan sa isla.

Tuwing may namamatay, ang payapang dagat ang nagluluksa sa kanilang kawalang-hiyang paglilibing.

Sa paglipas ng mga buwan, unti-unting nararamdaman ng mga taga-isla ang kahirapan. Hindi na nagbibigay ng masaganang yamang-dagat ang karagatan. Marami na ang nagugutom at nagkakasakit. Ang iba nga ay namamatay na sa gutom.

"Naghihigante na ang kalikasan!" asik ng ama ni Benjomar.

Ang dating payapa, masaya at masaganang Isla David ay tila mundo na ng katatakutan. Wala na ang masasayang mangingisda, pati ang mga batang naglalaro at nagsisigawan sa dalampasigan. Ubos na ang kanilang lakas at pag-asa.

Ito na yata ang katapusan ng isla!

----

Sa kalagitnaan ng gabi, binulabog ng malalakas na daluyong ang buong isla. Naalarma ang bawat isa. Nagsilabasan sila sa kanilang munting kubo habang ang ilan ay may dalang lampara.

Mga malalaking alon ang tumambad sa kanila. Napuno ng sigawan ang buong isla dahil doon. Nagsitakbuhan sila sa palagay nilang ligtas na lugar. Ngunit, maliit lamang ang Isla David. Saan man sila tatakbo upang kumubli ay madadamay pa rin sila sa mala-halimaw na alon mula sa dagat.

"Magsitago tayo!" sigaw ni Titong Ambo.

Oras na ng paniningil ng kadagatan!

Galit na ang dagat! Tila bumalik ang kuwento ni Noe at ang baha sa Isla David. Hindi na mapipigilan ang pangil ng mga dambuhalang alon. Masamang kalaban ang kalikasan.

Paulit-ulit na tinabunan ng mga malalaking alon ang buong isla.

Ang sigawan ng mga tao ay pahina nang pahina hanggang tanging hampas na lang ng alon ang maririnig.

Dahil sa pang-aabuso ng mga tagaroon, nawala sa mapa ang Isla David. Binura ng dagat ang kanilang kasamaan at kasaysayan.

Ang nakalulungkot lang, nadamay pati ang mga inosente gaya ng pamilya ni Benjomar.

Tapos na ang kuwento ng tagbong! Nilamon na silang lahat ng naghihiganting dagat!

Wakas.

TATAKBO!  SISIGAW! (completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon