Kabanata 1

23 4 22
                                    

1940

Humahangos sa pagtakbo ang dalagitang si Nina habang humihikbi at pinupunasan ang pisngi niyang basang-basa na ng sariling luha.

Patuloy lamang siya sa pagtakbo, hindi alintana ang putik na rumaragasa sa saya niya mula sa damuhan na kaniyang tinatakbuhan. Matirik ang sikat ng araw na siyang nakadaragdag sa init ng kaniyang kasuotan. Naghahalo ang pawis at luha sa kaniyang mukha.

Tumigil siya sa pagtakbo nang tuluyan na siyang makarating sa puno ng narra na lagi niyang pinupuntahan tuwing nakakaramdam siya ng kalungkutan o sama ng loob. Hinubad niya ang suot na bakya at itinaas ang suot na saya upang malayang makaakyat sa puno. Hindi alintana ang suot nitong mahabang saya sa pag-akyat dito, tila ba eksperto na ito sa ginagawa kahit ito pa lang ang unang beses na umakyat siya sa puno. Kadalasan ay nasa ilalim lamang siya ng puno at kinakausap ang sarili, hindi niya rin alam kung ano ang pumasok sa isipan niya at nagawa niyang umakyat sa punong ito.

Mataas ang punong ito kaya malalaki ang mga hakbang ng dalagita upang maabot bawat sanga nito. Hanggang siya'y makarating na sa pinakangtuktok nito at doon ay sumigaw nang walang humpay habang patuloy pa rin ang pagluha.

"Ikalawang rangko, Nianara Española."

Magkabilang palakpakan ang natanggap ni Nina nang sumunod na banggitin ang kaniyang pangalan upang parangalan sa entablado.

Malawak ang pagkakangiti niyang lumingon sa likod kung saan nakaupo ang mga magulang ng magtatapos upang hanapin ang kaniyang ina, si Donya Marife. Nagliwanag naman ang kaniyang paningin nang masulyapan na ang ina.

Ngunit agad din iyong naglaho nang makitang blangkong nakatitig lang sa kaniya ang ina habang nakaupo't magkakrus ang braso. Ilang segundo pa siyang naghintay sa ina sa pagbabakasaling sasamahan siya nito sa entablado, ngunit hindi man lang kumibo si Donya Marife. Bagsak-balikat siyang bumaling muli sa harapan at mag-isang tumungo sa entablado.

"Congratulations," pagbati ng mga gurong Amerikano kay Nina habang nakikipagkamay. "Where's your parents?"

Tanging pilit na ngiti lang ang naging tugon ni Nina sa mga ito at tinanggap ang sertipiko.

"Bobo! Ganitong grado lang ba ang maihaharap mo sa'kin?!"

Kakapasok pa lamang ng mag-ina sa mansyon ay pagbulyaw na ang agad na agad na sumalubong sa mga kasambahay.

Tila may nakabarang bato sa lalamunan ni Nina at nanginginit ang mga matang nakatungo habang pinipigilan ang sarili na umiyak sa harap ng kaniyang ina, si Donya Marife.

"Pero ina, ilang puntos lang naman po ang lamang sa'kin ni Maria-" nabasag na ang tinig ni Nina ngunit hindi niya pa rin nagawang tapusin ang sasabihin nang sumigaw muli si Donya Marife.

"Eh ano?! Ilang puntos na nga lang, hindi mo pa nagawang lagpasan? Ganoon ka ba katanga, ha?!"

Tuluyan nang nag-unahan sa pagtulo ang mga luhang kanina pa pinipilan ni Nina.

Bakit May Anino ang mga Tao?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon