"Anong kailangan nating pag-usapan?"
Kabadong palinga-linga si Juliana sa paligid, kinakabahan na baka may makakita na kausap niya ang binata at kung ano-anong kuro-kuro pa ang kumalat. Mabuti na lamang ay halos lahat ng tao ay nasa perya na at ang mga tao naman sa kanilang bahay ay abala sa pagliligpit.
"Ayusin natin 'to, Mahal. Magagawan pa naman natin ito ng paraan diba?" Emosyonal na pakikiusap ni Cirilo. Ngunit blangkong nakatingin lamang sa kaniya si Juliana.
"Umuwi ka na, baka may makakita sa'yo at kung ano pang isipin ng mapapangasawa mo," pagpapauwi ni Juliana. Akmang babalik na siyang muli sa loob ng bahay ngunit agad na hinawakan ni Cirilo ang kaniyang kamay.
"Iyon ba ang dahilan kung bakit bigla ka na lamang nawala?" Kunot-noong tanong ni Cirilo.
"Diba sinabi ko sa'yo na handa akong ipatigil ang kasal at iwanan ang lahat na mayroon ako para makasama ka," mahina ngunit mariin na pagsasalita ni Cirilo, pilit pinipigilan ang mga luha sa pagtulo nito ngunit hindi rin niya matagumpay na nagawang itago ang nararamdaman dahil nagsimula nang mabasag ang boses niya. "Handa akong ipaglaban ka. Pero hindi pa man ako nagsisimula, bumitaw ka na."
Nag-iwas ng tingin si Juliana nang mapansing namumula na ang mga mata ng binata. "Sino bang nagsabi sa'yo na gawin mo ang mga 'yon?" Malamig na tanong ni Juliana.
Natigilan si Cirilo at nakaawang ang bibig na nakatingin kay Juliana matapos marinig ang sinabi nito. Habang si Juliana naman ay nananatili pa rin nakatingin sa kaniya, walang pagbabago sa reaksyon ng mukha.
Mapait na natawa na lamang si Cirilo sa kaniyang sarili. Bakit parang ako lang ang may pakialam at apektado sa relasyon natin?
Sandaling binalot ng katahimikan ang dalawa. Habang tumatagal ang oras ay mas lalong bumibigat ang tensyon at ilang sa kanilang pagitan. Parehas lamang silang nakatingin sa kawalan ngunit walang naglalakas ng loob na umalis o magsalita man lang.
Nang unti-unti nang kumalma ang pakiramdam ni Cirilo ay bumuga siya ng hininga bago muling hinarap si Juliana.
"Wala lang.. ba talaga sa'yo ang lahat?" Bagaman pilit niyang tinatago sa dalaga ang sakit na nararamdaman niya ay tila tumataliwas sa kaniya ang kaniyang katawan at mahahalata ang pagpigil nito sa panginginig ng kaniyang boses.
"Paano naman ako, Juli?" Bahagyang tumaas na ang kaniyang boses ngunit pilit niyang hinihinaan ang kaniyang boses dahil kilala niya si Juliana, ayaw nito sa atensyon at maging paksa ng mga kuro-kuro. "Sa loob ng tatlong taon na 'yon, nasanay na akong nariyan ka, nasanay na akong kasama kita! Hindi ba pwedeng manatili ka na lang?"
Pilit inaalis ni Juliana ang kaniyang paningin kay Cirilo at lumilinga sa paligid dahil na rin sa takot niya na may makakita sa kanila, higit sa lahat ay hindi niya kayang tagalan ang tingin kay Cirilo lalo na nang magsimula nang magsibagsakan ang mga luha sa pisngi ng binata.
Mabigat ang bawat paghinga niya at may tila kung anong malaking bagay ang bumabara sa kaniyang lalamunan. Gusto niyang magpaliwanag sa binata ngunit alam niyang oras na ibuka niya ang kaniyang bibig ay matatalo lamang siya ng kaniyang emosyon. Masakit para sa kaniya na makitang nasasaktan ang binata lalo na't alam niyang siya ang dahilan nito.
"Juli, magsalita ka man lang, oh! Ginagawa mo naman akong tanga rito." Mariin na inihilamos ni Cirilo ang kaniyang mukha upang takpan ang kaniyang mga luhang hindi matigil. "Bigyan mo ako ng dahilan para maintindihan ko kung bakit ayaw mo na. Hindi ko kasi maintindihan kung bakit parang ang dali lang sa'yo na bumitaw. Bakit parang wala lang sa'yo ang lahat?"
Agad na nangunot ang noo ni Juliana sa huling sinabi ni Cirilo at hinarap ang binata. "B-bato ba ang tingin mo sa'kin para isipin na wala lang sa'kin ang lahat?! Tingin mo ba ay ganoon lang kadali para sa'kin na gawin ang desisyong 'yon?"
BINABASA MO ANG
Bakit May Anino ang mga Tao?
Ficción históricaAng Alamat ng Anino Started: May 20, 2024 Ended: Cover credits to Pinterest.