Dedication

20 1 0
                                    

Dedication

 © Nipster Anne

            Paano kung ang kaibigan na kasama mong bumuo ng mga pangarap mo at nagtiwalang kaya mong maabot ito ay bigla na lamang naglaho? Habang-buhay mo na lamang bang hahayaan sa panaginip ang mga pangarap mo o magpapatuloy ka at mag-isa mong tutuparin ito?

            Itim na itim na tubig-dagat, mga nawawasak na kabahayan, samu't saring nakalutang na kagamitan, iba't ibang klase ng basura, naaanod na kung ano-ano, at mga pagtangis ng tao— nalulunod, sugatan, humihingi ng saklolo. Ilan lamang iyon sa mga nakaririmarim na senaryo na kasalukuyang nararanasan ni Janna.

            Impit ang kanyang mga dasal na sana ay matapos na ang delubyong hatid ng bagyong Yolanda. Na sana ay hindi tuluyang bumagsak at bumigay ang pader na kanilang kinakapitan. Kung hindi pa nasira at naanod ang bubong ng kanilang boarding house at hindi sila natangay ng tubig sa katabi nilang bahay ay baka mas malala pa sa kasalukuyan nilang sitwasyon ang kanilang nararanasan.

            "Diyos ko! Tulungan niyo po kami," bulong niya. Hindi na niya alam kung gaano sila katagal na nakakapit sa firewall ng kanilang kapitbahay. Halos hindi na niya maramdaman ang kanyang mga paa maging ang katawan niyang nakalublob sa itim na itim na tubig-dagat. Sinasakop nito ang kanilang lugar— sinisira, nilulunod, at pinarurusahan.

            Sa kanyang kaliwa ay nilingon niya ang kaibigang si Cara. Namumutla na ang mukha at naninigas na rin ang katawan nito dahil sa sobrang lamig na mas pinalala pa ng nagkukulay-ube nitong mga labi. At nasisiguro niya na kung ano ang hitsura ng kaibigan ay gan'on din siya. Ang kaibahan lang, doble ang paghihirap nito. May malaking hiwa si Cara sa kanang braso na nakuha nito sa isang naaanod na yero. Sobrang laki ng sugat na maging siya ay halos maramdaman na rin ang sakit na nararamdaman ng kaibigan. May sugat din ito sa ulo nang matamaan ng isang napakalaking puno ng mangga na dahilan para kamuntikan na itong tangayin ng tubig.

            "Cara, huwag kang bibitaw! Kahit ano'ng mangyari huwag na huwag kang bibitaw. Higpitan mo ang kapit. Lilipas din itong bagyo," sabi ni Janna. Kinailangan pa niyang sumigaw para lang marinig nito. Masyadong malakas ang pagbuhos ng ulan dahilan para mahirapan silang makakita. Sinasabayan din ito ng hangin, malakas at may nakabibinging taghoy. Siya man ay naghihina at nangangalay na rin. Ni hindi na siya sigurado kung hanggang kailan pa siya tatagal sa pagkakakapit sa pader. Subalit kapag pipikit siya at nakakaramdam ng pagsuko, nakikita niya ang imahe ng kanyang mama at naaalala niya ang pangarap niya. Iyon lang ay sapat na para gustuhin niyang mabuhay pa. Siya at ang kaibigan niyang si Cara.

            "Pagod na ako, Janna," nahihirapan nitong sambit. "Ang sakit-sakit na nitong sugat ko. Hindi ko na yata kaya,"dagdag nitong umiiyak.

            Kinabahan siya sa narinig. Bumitaw ang kaliwa niyang kamay sa pagkakakapit sa pader at marahang tinapik-tapik ang mukha ni Cara. Nakapikit ang mukha nitong mukhang tinakasan na ng dugo. "Cara, huwag kang magsalita ng ganyan! Lakasan mo ang iyong loob. Hindi tayo puwedeng mamatay ngayon. Maliligtas tayo. Mabubuhay tayo!" muli niyang sigaw rito. Nagpapanik na ang konsentrasiyon niya. Hindi malaman ang gagawin.

            Medyo nabuhayan ang kanyang loob nang marinig ang naging sagot ng kaibigan.

            "Pero siyempre hindi pa tayo puwedeng mamatay ngayon. Tutuparin pa natin ang mga pangarap natin 'di ba? Makikita ko pa ang pangalan ko sa pinakauna mong libro," anito saka inayos ang balanse at mas hinigpitan ang pagkakakapit sa pader. Doon ay mas nakita niya ang sugat nitong magang-maga na. Kung gaano ito kasakit at kung gaano karaming dugo na ang nawawala ay wala na siyang ideya. Saglit siyang natigilan sa sinabi nito at natawa sa isip. Nasa kalagitnaan sila ng nagngangalit na bagyo pero hindi pa rin nito mawaksi sa isipan ang pagkakaroon niya ng sariling libro. Ang kagustuhan nitong makita ang sarili nitong pangalan sa isa sa mga pahina niyon.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: May 02, 2021 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Dedication.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon