Lianna's POV
"Lianna! Tama na 'yan, kumain ka muna!"
Napaangat ang tingin ko mula sa ginagawa ko nang marinig ko ang boses ni mama sa labas ng kwarto. Panandalian kong ibinaba ang suot kong mask, pananggalang sa alikabok, 'tsaka sumagot.
"Tapusin ko lang 'to, ma," sagot ko sa kanya 'tsaka ibinalik ang suot kong mask
'Di ko na narinig na sumagot si mama kaya ipinagpatuloy ko na ang ginagawa kong paglilinis dito sa kwarto. Ibinalik ko ang suot kong mask at saka kinuha ang iilang kahon na nasa taas pa ng aparador ko. Agad kong naibagsak sa sahig ang mga kahong iyon dahil sa bigat. Napabuntong-hininga na lang ako nang makitang nagkalat ang mga laman ng isa sa mga kahong iyon sa sahig. Bumaba na lang ako mula sa pagkakatungtong ko sa kama't tumalungko sa sahig para sana ayusin ang mga nagkalat kong gamit nang bigla kong makita ang mga lumang litrato naming magkakaibigan. Awtomatiko akong napangiti sa nakita ko. Ang babata pa namin sa mga litratong iyon. Parang wala pang mga problemang iniisip. Tuluyan na akong umupo sa sahig nang mapagpasyahan kong isa-isahin ang mga litratong nakakalat sa lapag. Pito pa kami rito, pero ngayon, anim na lang kaming magkakaibigan pa rin hanggang ngayon.
Kada lipat ko ng tingin sa mga naimprentang litrato namin dati, 'di ko maiwasang mapangiti at inaamin ko, may halong lungkot na rin. Panahon naman na ito ng internet at smart phones kaya medyo nakapagtataka kung bakit mas gusto ko pa ring ipa-imprenta 'yung mga litrato namin dati. Pwede ko naman kasing i-upload na lang ang mga ito sa Facebook dati o kahit anong social media account na meron ako. Kung magpapalit man ng cellphone ay pwede kong ilipat ang mga litratong iyon sa bagong cellphone. Siguro iisipin ng iba na parang weird o ang old-school ng gusto ko, pero ito yung dahilan ko kung bakit ko ginagawa ito. Iba pa rin sa pakiramdam pag naka-imprenta sila. Hindi ko ito mabubura sa memory ng cellphone o kahit anong gadget ko. Ganito lang sila. Nandito lang sila. Kahit maraming panahon pa ang lumipas.
Sa kalagitnaan ng pagda-drama ko'y bahagya akong natawa nang makita ko yung mga litrato naming naka-"wacky." Literal na wacky. Naalala kong kuha pa 'to ni Migo. Siya naman kasi talaga itong magaling kumuha ng litrato kaya siya 'yung madalas naming hilahin para magpalitrato. Balita ko, photographer na nga siya ngayon. Happy for him. Alam kong 'yun naman talaga ang propesyong gusto niya noon pa man, at makikita naman 'yun sa kanya dati pa. Bigla kong napansin ang isang litratong naiiba sa lahat ng mga dati'y ipinaimprenta ko. Litrato iyon nila Aeris at Joshuel, isa sa mga kaibigan ko kasama ang class president namin dati. Nakangiti silang dalawa sa litrato't kita pa ang bahagyang pamumula ng mga pisngi ni Aeris sa pagkakaakbay sa kanya ni Joshuel---her long-time crush. Pansin rin ang ganda ng ngiti ni Joshuel na animo'y nagpangiti rin sa mga mata nitong mapupungay. Naalala ko bigla ang dahilan kung bakit ito napunta sa akin. Ito 'yung panahong ingat na ingat ni Aeris lahat ng bagay na may kinalaman kay Joshuel. Kaya noong muntikan na siyang ibuko ng kapatid niya sa mga magulang nila na may gusto siya kay Joshuel ay ipinatago niya ang litratong iyon sa'kin. Sabi niya, ako na raw ang magtago tutal maingat ako sa mga gamit ko. Pumayag na lang rin ako. Litrato lang naman iyon. Madali lang itago. 'Di ko lang inaasahan na hanggang ngayon nasa akin pa rin 'to.
Napansin kong ang dami rin palang love letters ni Aeris kay Joshuel ang nasa akin. Lahat ng sulat na hindi niya nagawang ibigay kay Joshuel ay ipinapatago niya sa'kin dahil ayaw niyang makita ng kapatid niya, lalo na ng mga magulang niya. Mahirap na, baka magkabukuhan pa't biglang malaman ni Joshuel ang lahat. Napabuntong-hininga na lang ako nang magbalik lahat ng alaalang meron ako sa tuwing nagtatangkang umamin si Aeris kay Joshuel o maski'y magpapansin man lang. Kung hindi kasi nauudlot, may hindi magandang nangyayari. Para bang tutol yung tadhana lagi pero may paraan pa rin talaga para mapalapit 'yung dalawang tao eh, lalo kung gustung-gusto talaga.
BINABASA MO ANG
That Day • svt [REVISED]
FanfictionBumalik muna tayo sa araw na yun. Kung kailan masaya pa ang lahat. Mga murang isipan... mga damdaming kaya pang pigilan. At mga labing ngiti pa ang nakapinta.