KABANATA II

5.3K 130 3
                                        

KEIFER

"Ikaw na ang bahala diyan, anak. Baka gabihin na ako ng uwi. Sige na. Aalis na ako," sabi ni nanay at saka yumakap sa akin bagay na ipinagtaka ko nang lubusan. Malambing si nanay at hindi siya magdadalawang isip na iparamdam ang nararamdaman niya ngunit sa pagkakataong ito ay hindi ko soiya lubos na maunawaan. Nakakapanibago ito pero mas pinili ko na lang isantabi ang bumabagabag sa akin at huwag nang pagtuunan pa ng pansin.

Bahagya akong tinitigan ni nanay sa mukha na para bang inaaral niya ang bawat parte ng mukha ko. Dahil doon ay mas nagkaroon ako ng oras para matitigan din ang mukha niya. Nakangiti siya at hindi man lang maabot ang mga tenga niya ng simpleng ngiti na 'yon. Kapansin-pansin din ang panibagong pasa na lumitaw sa magkabilang sulok ng labi niya bagay na nakapagdulot sa akin ng sobrang kalungkutan.

"Sinaktan ka na naman ba ni tatay kagabi, 'nay?" tanong ko sa kaniya kahit na alam ko naman na ang sagot.

"Alam mo naman ang dahilan kung bakit ganoon ang tatay mo. Stress lang sa trabaho 'yon kaya nagagawa niya ang mga bagay na ito sa atin---"

"Mali 'yon, 'nay! Hindi niya dapat tayo sinasaktan! Imbis na siya ang unang magprotekta sa atin, bakit siya pa ang numero unong dahilan kung bakit tayo umiiyak at nasasaktan?" pagpuputol ko sa mga sinasabi niya. Naramdaman ko ang pangingilid ng aking luha habang unti-unting bumabalik ang mga masasamang ala-ala ng pabg-aabuso ni tatay sa amin.

Hinawakan ni nanay ang mga balikat ko at pinakatitigan ako sa aking mga mata.

"Darating ang araw na maiintindihan mo rin kung bakit may mga bagay na kailangan nating tanggapin sa ganoong kalagayan. Darating din ang panahon na matututunan mo ring mahalin ang tatay mo kagaya ng pagmamahal ko sa kaniya, anak," sabi ni nanay at niyakap akong muli. "Mahal na mahal kita, Keifer ko."

May kakaiba sa inaakto ni nanay na kahit hindi ko pagtuunan ng pansin ay patuloy pa ring nagsusumiksik sa aking isipan. May kung anong bigat sa puso ko ang nanunudiyo, nangungulit, pero mas pinili ko pa rin itong itinaboy.

Nag-umpisa nang maglakad palayo si nanay sa akin. Pinanood ko siyang lumabas ng bahay dala ang kaniyang lumang shoulder bag. Bagay na bagay talaga ang pulang bestida kay nanay. Hapit ito sa kaniyang katawan na hanggang ilalim ng tuhod ang haba. Napangiti ako. Ang ganda kasi ni nanay. Napabayaan lang ni tatay dahil madalas niyang pagbuhatan ng kamay.

Napabuntong-hininga ako. Hindi niya naman nabanggit sa akin ang pupuntahan niya na hindi ko na rin naman inusisa pa. Mas mabuti nga 'yon para naman makatakas si nanay sa pananakit ni tatay. Gabi-gabi na lang kasi silang nagtatalo. Naging normal na sa akin ang sigawan nila sa loob ng bahay, mga kasangkapanbsa kusina na nagsisiliparan at ang dagundong ng bawat pagbalibag ni tatay ng mga malalaking kagamitan sa salas. Iyong rattan na bangko na lang yata namin ang natitirang matatag at matino. Palibhasa matibay, kagaya namin ni nanay.

Nakakalungkot lang na walang araw na hindi sila nag-away. Sa tuwing nag-iisa ay laging lumalandas sa isipan ko ang ideya na kung hindi siguro nawala si Gio ay hindi magkakaganito si tatay. Sana ay masaya kami ngayon kung nandito pa ang mas nakababata kong kapatid. Kasalanan ko kasi, sorry.

Napabuntong-hininga ako. Ang bigat talaga sa dibdib sa tuwing naaalala ko siya. Miss na miss ko na ang kulit niya, 'yong ingay niya sa loob ng bahay, 'yong nakakahawa niyang tawa na lahat kami ay napapasaya niya rin. Parang kahit saang sulok ako ng bahay tumingin ay nakikita ko siya. Tatlong taon na ang lumipas pero sariwa pa rin ang sugat sa puso ko sa mga nangyari sa nakababatang kapatid. Paano kaya kung ako ang nasagasaan noong gabi na 'yon at hindi siya? Paano kung ako ang namatay at hindi ang bunso kong kapatid? Magiging ganito pa rin ba karebelde si tatay? Mag-aaway pa kaya lagi sila ni nanay? Paborito kasi ni tatay si Gio dahil straight itong lalaki at hindi kagaya kong babakla-bakla. Siguro kung ako ang nawala ay hindi ganito si tatay ngayon. Baka nga magbunyi pa siya at namatay na ang anak niyang bading, na sobra niyang kinamumuhian.

SEKYU 1 (BL) TO BE PUBLISHED UNDER BIBLIOTHEQUE PUBLICATIONTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon