Ikalawang kabanata: Sa kubyerta

3 0 0
                                    


"Dapat maabutan natin ang huling byahe pa Maynila. Kailangan natin ng sapat na salapi sa paglalakbay na ito. Hayaan mo at pagbaba natin sa unang daungan ay hahanap tayo ng mangangalakal na handang makipagpalitan ng ginto" wika ni Ligaya.

Kapansin pansin na sa lahat ng pasahero sa barko ay sila lamang ang walang kagamitang bitbit. Tanging pagkain lamang at ginto ang naipabaon ng matanda sa kanila ngunit sapat na iyon. Bukod doon sila lang ang may kakaibang kasuotan kaya naisipan nilang mamili pagbaba ng barko sa unang daungan nito.

Nanatiling nakataklob ng tela ang dalaga.Hindi ito sanay na nadadapuan ng mga tingin. Hindi naman maiaalis na kakaiba siya sa lahat. Sa buhok nitong hindi nagpapaunlak ng liwanag na tila madilim at maalong karagatan sa ilalim ng buwan. Sa mata nitong pusa na nagmamayari ng dalawang pares ng makinang na bolang tanso. Ang balat nitong maihahalintulad sa mailap na puting tagak. Idagdag pa ang pares nitong biloy na nagpapaangat sa lahat. Hindi maitatanggi na tunay siyang binukot.

Ang kanilang isla ay paliit na nang paliit hudyat na malayo na sila at naglalayag na ang barko.

Ang mga masasakit na alaala ay kasabay niyang pinakawalan sa malakas na hampas ng alon.

"Kung nasaan ka man ina, asahan mo na ako'y magpapatuloy sa buhay tulad ng nais mo. Hahanapin ko ang gumawa sa inyo nito at sisiguraduhin ko na magbabayad ang may sala. Pangako ina."

"Binibini! Nalaman ko na may mangangalakal na pasahero ang barko akin nang ipagpapalit ang mga ginto. Manatili na lamang po kayo rito" paalam ni ligaya at agaran na umalis.

Pinagmasdan na lamang ni Amera ang karagatan sa pag-asang makakapag-isip ito ng plano. Di kalayuan ay nag-iikot ang ilang kawal na sakay ng barko. Iniisa isa nito ang mga pasahero at hinahanapan ng cedula. Napatigil si Amera sa pag-iisip at agad dinapuan ng kaba. Ilang saglit na lamang ay siya na ang susunod.

"Ikaw binibini, maaari bang makita ang cedula mo?" Tanong ng isang sundalo sa kanya ngunit nanatili itong nakatalikod at mahigpit na hawak ang kanyang belo.

"Binibini? Ang iyong cedula?" Pag-uulit ng isa.

Magsasalita na sanang muli ang sundalo at akmang hahawakan siya ngunit nagsalita ang isang pasahero mula sa likuran.

"Mahal ko, patawarin mo na ako oh. Ikaw lang naman ang nilalaman ng puso ko at wala ng iba pa kaya ano pa ang ikinababahala mo?" Pagpapanggap nito at inakbayan ang dalaga. Agad hinawi ni Amera ang kamay ng binata na nagpamukha sa mga sundalo na ito'y away mag-asawa at hindi sila dapat na makialam.

Nang makaramdam sila na nakalayo na ang mga sundalo ay galit na hinarap ni Amera ang lalaki. "Ginoo, hindi ako ang hinahanap mo. Hindi kita kilala at hindi tama ito." Pagalit na sabi ng dalaga. Ngayon lamang siya naging ganito kalapit sa isang ginoo. Yumuko ang lalaki at tumapat sa kanya. "Huwag kang mag-ingay pakiusap. Pasensya na ngunit naiwala ko ang aking cedula sa aking mga bagahe. Tingin ko naman ay ganon ka din. Hayaan na lamang natin silang makaalis.", paliwanag nito.

Mukhang nagtagumpay nga ang lalaki at nakumbinsi ang mga sundalo na ngayon ay tumungo na sa kanilang silid upang magpahinga. Nagpaalam na rin ang lalaki ilang saglit pa. Nais man ng binata na manatili pa ay ayaw na niyang makaabala sa binibini. Hindi rin nito maaninag ang kanyang mukha dahil sa nababalot ito ng belo.

Binalik ni Amera ang kanyang atensyon  sa nagwawalang karagatan. Nagtataka ito dahil ilang oras na marahil ay hindi pa bumabalik si Ligaya. Nais niyang iwaksi sa isipan na iniwan na siya nito tangay ang ginto. Ayaw naman niyang mag-ikot dahil baka masumpungan siya ng mga sundalo.

"May isang dalaga na nakahahabag. Ang sabi ay nagnakaw ito ng ginto sa isang mangangalakal kaya binugbog at ipatatapon pa sa dagat" narinig ni Amera ang pag-uusap ng dalawang ginang.

"Siyang tunay?" Pagkumpirma ng isa sabay paypay ng abaniko.

"Maari po bang malaman kung saan naroroon ang dalagang tinutukoy ninyo?" Pakiusap ni Amera. Labis siyang nag-aalala na baka si Ligaya ang tinutukoy ng mga ginang. Tinuro nila ang kinaroroonan ng babaeng magnanakaw at mabilis niya iyong tinakbo. Naiwan namang nagtataka ang ginang sa hindi mabining kilos ng dalaga.

Nang makarating si Amera sa kubyerta ng barko ay tumambad sa kanya ang duguang apid. Putok ang pisngi nito at puro pasa buhat ng tadyak at sipa na inabot nito sa  mangangalakal. Napaluhod siya sa apid at nahabag.

Walang malay at kinakapos ito ng hininga.

"Anong kalapastanganan ang ginawa mo sa aking apid!" Sigaw nito sa mangangalakal.

"Aba! sino ka ba? Ninakaw niyan ang ginto ko. Marahil ay magnanakaw ka rin. Pareho ko kayong ipatatapon sa dagat!" Akmang pagbubuhatan nito ng kamay ang binibini ng matigilan ito.

"Anong kaguluhan ito?" Tanong ng isang binata mula sa tumpok ng pasahero.

"At sino ka naman? Pinuno ng mga magnanakaw?" Pangungutya ng mangangalakal.

"Ako si Lucas Olivárez, Isa akong abogado" pagpapakilala nito.

Sunod-sunod naman ang bulungan mula sa mga pasahero.

"Olivarez? Siya ba ang anak ni Don Francisco Olivárez? Ang punong hukom at gobernadorcillo? Balita ko ay nasa Europa siya" bulong ng isang ginang.

Agad namang nakaramdam ng kaba ang mangangalakal sa mga narinig nito at binitawang mga salita.

"Pasensya na ginoo. Ngunit maari mo ba akong tulungan na pagbayarin ang mga babaeng ito?" wika ng mangangalakal.

"Isa akong abogado at bihasa sa ganitong sitwasyon. Hayaan mong ikaw ang maging unang kliyente ko." Inikot ng binata ang kanyang paningin sa paligid upang humingi ng pagsang-ayon sa madla at tsaka binusisi ang ginanapan ng krimen.

"Maari ko bang makita ang ginto na ninakaw ng dalawang ito?" Agad na inabot ng mangangalakal ang mga ginto sa supot.

"Nagkakamali ka ginoo amin ang mga iyan" pagsusumamo ni Amera. Napansin ng binata na tila siya rin ang babae kanina na naging asawa niya sa maikling panahon. Napangiti ito sa sarili.

"Kung ganon ay maari ko bang malaman kung kelan napa sa iyo ang ginto na ito?" Tanong ng binata sa mangangalakal.

"Kung hindi mo naitatanong ay galing pa yan sa Europa ako mismo ang nagpahulma niyan" pagyayabang ng lalaki.

"Pasensya na ngunit ayoko sa lahat ay ang sinungaling at mapanglamang sa kapwang tulad mo." Wika ng binata at nginitian ang mangangalakal.

"Kung titignan natin ang kasuotan ng mga binibini na ito ay sila marahil ay galing pa sa kanilang bayan at tribo. Pagmasdan niyo ang burda sa landap (hinabing tela) ng binibini na ito. Hindi ba't kawangis ito ng ukit sa mga ginto? Nakapagtataka kung paano mo ipinasadya ang ganitong hulma mula sa Europa." Pag-uusisa nito. Nanlamig na tila bangkay ang mangangalakal.

"Kaibigang matalik ko ang may-ari ng barko na ito at tulad ko ay ayaw niya sa mga sinungaling na tao. Ang balita ko nga ay pinakain niya sa pating ang huli" kantiyaw pa nito.

"May permiso ka ba na makipagpalitan? Nasaan ang iyong pemsisong papel sa buwis?" Pag-uusisa ng binata.

"K-kalimutan na lamang natin ang lahat. M-maaari ko namang ibigay ito ng libre sa mga binibining ito." Pakikiusap ng lalaki.

"Labis mong binugbog ang dalagang ito ng walang kalaban laban. Palagay ko ay nararapat lamang na hatulan ka pagbaba ng daungan." Galit na sabi ng binata habang sinisiyasat ang mga sugat na natamo ng dalaga.

"P-pakiusap! Handa kong gawin ang lahat" lumuhod ang lalaki at nakiusap.

"Salamat ginoo. Hindi ko alam kung papaano ko masusuklian ang kabaitan mo. Sana ay marami ka pang matulungan sa iyong tungkulin bilang abogado" pagpapasalamat ni Amera. Nakakuha ng salapi ang dalaga mula sa mangangalakal bilang bayad danyos sa mga sugat ng kanyang apid. Nabawi rin nila ang mga ginto at nakakuha ng isang silid para sa kanilang dalawa. Binigyan ng binata ng kaunting halamang gamot si Amera na ipapahid sa sugat ng kanyang kaibigan. Hindi na ito nanghimasok pa at nagtanong ukol sa paglalakbay ng mga binibini.

Ibinaba na ng binata ang kanyang sumbrero bilang pagpapaalam sa dalawa. Nag-iwan ito ng payak ng ngiti at saka umalis.

Ang totoo ay walang kabuluhan ang mga sinabi ng binata. Hindi siya isang abogado at ninakaw lamang niya ang kanyang katauhan sa isang matalik na kaibigan na higit niyang nalalamang hindi masisiyahan kung nagkataong malaman nito ang kanyang kapilyuhan.

DahuyoWhere stories live. Discover now