Ikaapat na kabanata: Sa pamilihan

2 0 0
                                    

Pagkadaong ng barko ay kanya-kanyang nagsibaba ang ilang pasahero upang maagang makapamili. Ang ilan naman ay abalang makipagpalitan ng produkto.

"Magandang umaga sa inyo mga binibini! Malaya kayong pumili ng inyong naisin", pagbati ng matandang tindero ng bakya.

Sa pamilihan ay kanya-kanya nilang ibinibida ang kanilang mga paninda.

Ito ang unang pagkakataon na makapunta sa pamilihan si Amera kaya't lubos itong naaliw sa iba't-ibang produkto. Lahat ay makulay at kakaiba.

Ilang sandali pa ay narating na nila ang bilihan at patahian ng damit.

Inilibot ni Amera ang kanyang paningin sa mga dumaraan na kababaihan at ang estilo nila sa pananamit. Ito ang ginawa niyang basehan sa pamimili. Ilang pares ng simpleng baro at saya ang kanilang pinamili. Isinukat na rin nila ang isang pares at agad nagpalit sa isang munting silid.

Pinili ni Amera ang puting baro na may tsokolateng kulay ng saya, bumagay sa belo nitong kulay-kape na yari sa sutla. Nais niyang magmukhang payak upang hindi makakuha ng atensyon subalit napapalingon pa rin ang ilang mamimili sa kutis nitong itinago sa araw.

"Binibini!" sabik na ipinakita ni Ligaya ang napili nitong kasuotan. Ang luntian nitong baro at saya na binurdahan ng dahon ay pumupuri sa kayumanggi nitong balat. Lumilitaw ang maganda at maamong hulma ng mukha nito nang ipulupon ang kanyang itim at maalong buhok sa laso. Nababalot man ito ng ilang sugat at pasa ay hindi maitatago ang tunay nitong ganda,kahit ang mananahi ay pinupuri siya sa labis na kagalakan. Tiyak na sa mga binibini na ito ay mas marami pa ang darayo upang magpasadya.

Matapos mamili ay nagpasya na silang bumalik sa barko upang hindi maiwan.

Bakas ang kagalakan sa mukha ni Ligaya dahil ito rin ang una niyang karanasan sa pamilihang bayan ngunit agad na napawi ang ngiti nito nang maalala ang mga damit na kanilang pinagpalitan. Natitiyak niyang naiwan ito sa patahian. Nagpaalam ito sa binibini at kumaripas ng takbo pabalik sa pamilihan. Naiwan naman sa daungan si Amera na labis na nag-aalala dahil ilang sandali na lamang ay tutunog na muli ang hudyat ng paglalayag ng barko.Hindi na ito nakatiis at sumunod na siya sa kanyang apid.

Narating niya ang pamilihan ngunit hindi niya masumpungan si Ligaya. Tinungo na niya ang patahian ngunit sila raw marahil ay nagkasalisi ayon sa mananahi.

Nagpaikot-ikot si Amera sa pamilihan sa pag-asang makikita niyang muli ang kanyang apid. Hindi na niya dapat hinayaan si Ligaya na bumalik upang hanapin ang mga damit na iyon, pagsisisi nito.

Sa huli ay naiwan nanaman siyang mag-isa.

Napatigil si Amera nang mabundol ang isang bulto. Napatampal na lamang ito sa kanyang noo sa sakit at tinapunan ng masamang tingin ang nakabunggo sa kanya.

"Tila nagmamadali ka binibini. Pasensya na marahil ay hinahabol mo rin ang paalis na barko" wika nito habang ipinapagpag ang nahulog na bagong biling fedora at ito'y sinuot. Inilahad nito ang kamay sa dalaga upang tulungang makatayo ngunit nakatayo na si Amera sa sarili at agad nagpagpag. Napangiti naman ang ginoo sa kakaibang kilos ng dalaga.

Pinulot ni Amera ang nahulog nitong belo. Di alintana ang lantad nitong mukha sa mga tao. Nagpalinga-linga ito sa paligid saka mabilis na itinaklob ang belo.

Hindi na ito nag-aksaya ng oras at nagmadaling bumalik sa daungan sa pag-asang nakabalik na si Ligaya at hinihintay siya.

Naiwan namang tulala ang binata sa nasaksihan. Nagbalik ito sa diwa nang tapikin ng kaibigan. Isinenyas na tapos na itong mamili ng pasalubong.

"Kumpadre! Nakita ko na ang aking pag-ibig" hiyaw nito habang mahigpit na hawak ang kamay ng kaibigan na nasisiraan na sa kahibangan ng binata.

"Isang diwata!" Hibang nitong sabi habang tinatanaw ang daang tinahak kanina ng binibini.

"Lucas! kung nais mong maiwan ng barko ay dito ka na lamang at malaya mong hanapin ang iyong pag-ibig. Babalik na ang mahal mong kaibigan" panunukso nito.

"lorenzo! mi amigo! nakalimutan mo na atang ipinahamak mo ang aking pangalan sa mga guwardia sibil sa eksenang ginawa mo sa barko"habol nito sa kaibigan. Ngumiti lamang si Lorenzo at mabilis na kumaripas ng takbo pabalik sa daungan.

Sanay na si Lorenzo sa kahibangan ng kaibigan sa tuwing mahuhumaling ito sa magagandang babae. Madalas niya itong pagsabihan dahil sa pagiging palikero.

Walang alinlangang kaibig-ibig ang señor sa tikas at tindig nito. Sa katunayan ay marami itong natatanggap na sulat mula sa mga kababaihan saan man siya magtungo. Isa ang kapatid na babae ni Lorenzo na si Elena sa nabihag ng ginoo. Siya ring labis ang pighati nang mag-aral ng abogasya si Lucas sa ibang-bansa. Hindi rin naman magagawang magalit ni Lorenzo sa kaibigan dahil nagawa nitong mapasaya at mabigyan ng dahilan ang kangyang kapatid upang magpatuloy sa buhay.

Nakabalik na si Amera sa daungan at natanaw si Ligaya na naghihintay sa kanya. Napaluhod na lamang ito sa dalaga at paulit-ulit na humingi ng kapatawaran. Alam niya kung gaano kahalaga ang nawalang landap. Ito ang tangi nilang pagkakakilanlan na makatutulong sa paghahanap ng kanyang kaanak sa maynila.

"Tila nalilimutan mo na ako ang iyong liyamin. Ang landap na iyon ay likha at orihinal kong dinisenyo. Maari akong gumawa kung kailan ko nanaisin" Inalalayan ni Amera ang kanyang apid upang makatayo.

"Patawarin mo ako kung hinayaan kitang umalis mag-isa. Salamat at nagbalik ka, tumungo na tayo...kaibigan"

DahuyoWhere stories live. Discover now