Isang Munting Museo

5 1 0
                                    

Noong isang tahimik na tanghali, payapa ang araw, malamig ang simoy, at ang bughaw ng himpapawid ay tulad ng isang dagat, ako'y naglakad patungong isang munting museo. Ilang araw na kaya akong nakapunta sa museo na ito? Kada sabado, kada linggo, kada buwan; dalawang taon na atang nakalipas noong sinimulan ko itong kinagawian kong ito. Ang museo na ito ay punong-puno ng mga iba't ibang uri ng sining, karamihan ay mga larawan at pagguhit sa kanbas. Aaminin ko na wala talaga akong interes sa pag-sisining at paguguhit ng mga larawan dati. Ito'y magandang libangan, subalit isang libangan na hindi ko man naisip na pasukan. Ngunit nag-iba ang lahat nang iyon noong itayo ang museo na ito. Lumang bahay ang museo na ito dati; panahon pa siguro ng mga Kastila noong itayo ito. Nang namatay ang huling may-ari ng bahay, isang matandang lalaki na siguro nasa edad ng 100 na, ay ipinagkatiwala niya sa kaniyang apo ang bahay na ito. Pintador yung lolo na ito, at mayroon siyang malaking koleksiyon ng iba't ibang uri ng sining. Imbis na ibenta ang bahay kasama ang koleksiyon, ay ginawang museo nalang ito ng apo upang maging isang alaala ng kaniyang lolo, at mapakita niya sa lahat ang malaki niyang koleksiyon. Wala akong pakialam dati noong unang magbukas ang museo. Sa totoo lang, nag-iisang taon na noong buksan ito nang maisipan kong bumisita, nung mga 2017. Hanggang ngayon ay hindi ko maintindihan bakit kong piniling dumalo noong araw na iyon; sa totoo nga, akala ko walang kuwenta at nakakainip lamang ang mga nakita kong larawan at sining. Subalit umiba ang pananaw ko nang makita ko ang isang larawan na iyon...ang nakakahumaling na larawan na inakit ang puso ko, at binasag ang paniniwala ko.

Isang kasanayan na ito. Pupunta ako sa harap ng museo at papasok (nakabukas lagi ang pintuan para sa mga dadalo); babatiin ko ang bantay na guwardiya; pupunta ako sa harap kung saan may isang malaking eskritoryo, at sa likod nito ay may isang kawani; sa kaniya ay magbabayad ako ng 20 Pesos bago ako bigyan ng tiket upang makapasok. Kada sabado, kada linggo, kada buwan. Maglalakuwatsa muna ako sa iba't-ibang mga pasilyo o kuwarto na naririto. Kada pulgada siguro ng gusali na ito ay may isang uri ng sining. Hindi siguro sapat sa kanila na gamitin lamang ang (napakalaking) koleksiyon ng na banggit na lolo, sapagkat bumibili at umuupa rin sila iba pang mga uri ng sining, mula sa ibang mga museo o koleksiyon, karaniwan mga larawan sa kanbas. Masasabi ko rin na ang simpleng paggala sa loob ng museo na ito ay isang uri na ng sining dahil sa lumang estetika na laganap sa bawat silid ng gusali. Tila ramdam mo na nasa panahon ka nina Jose Rizal at iba pang mga bayani ng bansa. Ngunit mayroon isang silid sa loob ng gusali na ito na lagi kong binabalik-balikan. Kahit anong oras, kahit anong araw, kahit anong silid ang una kong pasukan, babalik at babalik ako dito, at ngayon, iyon ang gagawin ko ulit. Pumasok ako sa silid na iyon, bawat dingding ay may naka sabit na larawan sa kanbas. Bawat kanbas ay may larawan ng iba't-ibang mga lugar; gubat, sina-unang bahay, isang bayan katabi ng dagat sa Europa, at isang magandang hardin. Sa bawat larawan na ito may isang babae na nakasuot ng isang magandang baro't saya, o kaya mga pananamit mula sa Europa. Hindi ginuhit ng pintador ang mukha niya, ngunit kita mo pa rin ang kaniyang munting kagandahan. Subalit hindi ako pumunta sa silid na ito, sa museo na ito, para sa mga larawan na ito. Pumunta ako upang pagmasdan ang pinamalaking larawan sa loob ng silid, ang larawang ng mukha ng babae na ito, kung saan kita ang bawat tampok ng kaniyang mukha, halatang-halata ang pag-ibig ng may likha sa pag-pinta ng paraluman.

Sino ba ito? Ano pangalan niya? Bakit siya ginuhit sa kanbas? Hindi ko alam. Ito lang ang alam ko, nakakahumaling ang kaniyang mukha. Nagugunita ko pa noong una kong pagmasdan ang larawan ng binibini. Ang kaniyang maikling buhok na itim; ang kayumangging mata na katulad ng isang mahalagang alahas; Ang kaniyang morenang balat; Iyong ngiti na iyon na higit pa sa isang bahaghari; ang mukha na katumbas ng salitang "perpekto". Ang larawan ng babaeng iyon na nakapangalang "Paraluman" lamang. Sino ka ba? Sino ka at nahumaling ang kaluluwa ko sa iyo? Bakit parang kilala kita? Bakit parang inibig kita? Noong sinabi ko na nakakahumaling siya, hindi ko ibig na maganda siya. Hindi sapat ang salita na iyon upang gamitin sa kaniya.. Kada araw ay ilang segundo, minuto, oras akong nakatitig lamang sa mata niya. Hindi ko siya ninanais; hindi ko siya nais angkinin; sapat na sa akin na tingnan lamang siya. Ilang oras na siguro lumipas na nakatayo lang ako at nakatitig sa larawan na ito nang tila gisingin ako ng boses ng may-ari ng museo.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Oct 30, 2023 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Isang Munting MuseoWhere stories live. Discover now