Yo Boss!
Hahahaha! Nang unang beses kitang tinawag nyan, tinanong mo sa'kin kung bakit boss? Sinagot kita ng 'Gusto ko eh, pake mo?'. Syempre napikon ka at muntik ng magwalk-out kung hindi lang kita nilambing agad at sinabihang nagbibiro lang ako.
Bakit nga ba boss?
Sabihin na lang natin na napakatigas ng ulo ko. Kasing tigas ng puso mo. Hahaha. Joke lang. Nasa lima katao lang yata ang pinapakinggan ko. Ang nanay, tatay at lola ko lang. Tsaka ang best friend kong si Jong. Si Raden din naman kahit papaano eh pinapakinggan ko. And last but not the least ay *drum roll* IKAW!
Parang nasa anim na yata kayo! Tss. Isa lang naman dumagdag eh. Okay na 'yan.
Basta ang alam ko lang kapag ikaw na ang nagsalita, sunod-sunuran ako na parang aso. Walang palag-palag. Sunod agad. Ganyan kita ka-ano, k-kamahal. Tangina, baduy!
Tulad na lang nang nagkaayaan ang mga kasamahan natin ng inuman, sumama 'yung tatlo kaya wala akong nagawa kundi sumama na rin. Madaming babaeng kasama kaya ang mga kaibigan ko, ayun dumidiskarte na. Tigiisa na sila ng chiks. Ako naman ang solohista. 'Di ka kasi sumama kaya wala tuloy akong partner. Pero ka-text naman kita kaya pwede na.
Ang nakakagago lang, tinutukso ako ng mga kasamahan natin kay Dolly. Pinaupo pa siya sa tabi ko. Namumula na nga siya pero panay pa rin ang panunukso nila. Nang umawat ako, mas lalo lang kaming inasar kaya tinikom ko na lang ang bibig ko.
Bakit ka nga ba hindi nakasama nyan? Hindi ka pinayagan? Sayang. Kung sumama ka, sisiguraduhin kong ikaw ang itutukso nila sa akin at hindi ang ibang babae. Hehe
Alas-onse ng magkayayaan ng umuwi. Magka-text pa rin tayo non. Pinaalalahanan mo akong mag-ingat at mag-text sa'yo kapag nakauwi na ako. Iyon naman talaga ang plano ko, naunahan mo lang ako.
Dahil out of the way ang bahay ni Dolly at wala siyang kasabay, nagmagandang-loob na akong ihatid siya. Tutal iniwan na ako ng mga ungas kong kaibigan. Kasama pa rin nila ang partner nila at mukhang didiretso pa sila ng bar. Ayoko namang sumama sa kanila dahil ma-OP lang ako dun. Tinitigilan ko na din ang pagpupunta sa bar at club ng panahong 'yan. Dumating ka na kasi sa buhay ko. Change for the better, ika-nga.
Hinatid ko si Dolly sa bandang gate lang nila. Inaaya niya nga akong pumasok sa kanila pero ayoko. Baka kung ano pang mangyari. Lalo na wala pala ang parents niya. Nagbakasyon daw sa probinsya nila kaya siya lang mag-isa doon.
'Di pa ako nakakalayo ng tawagin niya ako ulit. Mabuti na lang palapit na siya sa akin. Nakakatamad na kasi mag-lakad pabalik. Alam mo namang sobra akong tamad.
"Rake m-may sasabihin sana ako sa'yo," simula ni Dolly. Hindi ako umimik at tiningnan ko lang siya. Alam ko na kasi kung saan papunta ang usapang 'yon.
"Alam kong n-nakakahiya itong sasabihin ko sa'yo, pero unang kita ko pa lang kasi sa iyo Rake, n-nagustuhan na k-kita." Nakayuko siya habang sinasabi iyan. Nanatili naman akong walang kibo. "Hindi dapat nagbibigay ng motibo ang babae, a-alam ko 'yun. Pero hindi naman ako umamin sa'yo para maging boyfriend kita. Gusto ko lang talagang malaman mo ang nararamdama ko sa'yo Rake."
Doon siya nag-angat ng tingin. Naghihintay siya ng isasagot ko. Ngumit lang ako at nagpasalamat. "Sige na, pumasok ka na sa inyo."
Lulugo-lugo siyang naglakad. Umaasa sigurong iba ang isasagot ko. Pero anong magagawa ko kung sa'yo ako tinamaan? Kahit nga ngayong sinaktan mo ako, alam kong kapag bumalik ka, tatanggapin pa rin kita. Tanga 'di ba?
Naalala mo ba si Jong? 'Yung best friend ko. Napakilala ko na siya sa'yo. Hindi nga lang kayo naging close. Ewan kung bakit. Nang gabing 'yan ko unang kwinento kay Jong kung gaano ako ka-seryoso sa'yo. Malayo pa lang ako tanaw ko ng nakatambay sa tapat ng bahay namin ang best friend ko.
"Oh Jong, kanina ka pa dito? Bakit 'di ka nagsabi na pupunta ka?" Bungad ko agad.
"Sus, 'di ka pa sanay? Ganito naman ako palagi. Sumusulpot na lang basta-basta." Humalakhak siya. Kung 'di ko lang siya kilala, mapagkakamalan kong okay na okay siya at masaya. Ngunit dahil matagal na kaming magkaibigan, alam kong may problema siya base sa peke niyang tawa. Isa pa, hindi naman siya susugod sa bahay namin kung wala.
"Mommy at Daddy mo na naman ba?" Tanong ko at tinabahan siya. Nakaupo kami sa sementong hagdanan sa veranda namin.
'Wag ka babae, may veranda kami pero di ibig sabihin non mayaman na kami. Maliit lang naman 'yung veranda namin. Parang ang defensive ko? Haha
Biglang lumungkot ang mukha ni Jong tsaka tumango. Nakatingin siya malayo.
Pinasadahan ko ng dalawa kong kamay ang malungkot niyang mukha. Kunwari hinihilamusan ko siya. "Alisin mo nga 'yang malungkot mong mukha sa paningin ko! Ang panget mo. Kaya ka hindi nagkaka-boyfriend, eh. Kung hindi ka nakasimangot, malungkot ka naman!"
"Tigilan mo nga ako,Rike! Kaya hindi ako nagkaka-boyfriend dahil ayoko!" Padarag niyang tinulak ang dalawa kong kamay. Ri-ke ang tawag niya sa akin, babae. Hindi Rike na parang Ryke ang basa, kundi Ri-ke na parang bisaya ng Rakey. Tss
"Ang sabihin mo walang nangliligaw sa'yo. Tingnan mo kasi sarili mo, hindi ka nag-aayos. Para kang tomboy!" Puna ko sa kaniya. Nakasuot siya ng maluwang na tshirt at maong short na hanggang tuhod ang tabas. Ang buhok niya din na alam kong mahaba ay nakapusod. Mukha talagang siyang tomboy. Sinong manliligaw sa ganyan ang hitsura?
At oo. Babae si Jong. Babae ang kaibigan ko. Lalake nga lang ang puso niya. Hahaha, joke lang.
"Alam mo, ang kapal mo! May nanliligaw sa akin 'no! Binabasted ko lang!" Angil niya. Ako nama'y humalakhak na ng humalakhak. Mukhang napipikon na siya kaya naman mas lalo ko siyang pinikon. Nang ambahan niya ako ng suntok, saka pa lang ako tumigil. Nag-peace sign ako pero inirapan niya lang ako at tinalikuran.
"Sorry na." Hinila ko siya at inakbayan para wala ng palag. "Tama lang na binabasted mo 'yung mga manliligaw mo kung totoo man sila o gawa-gawa mo lang-aray! Biro lang, eh. Dapat pumili ka ng seseryosohin ka at 'di ka lolokohin. Ayokong iiyak-iyak ka sa'kin kasi ang panget mo talaga umiyak. Kung panget ka na ngayon, mas panget ka 'pag umiiyak. Tulo uhog mo, eh." Ngumisi ako ng akmang sisikuhin niya na naman ang tagiliran ko. Pero agad ko na itong nasalag. Sinamaan na lang niya ako ng tingin.
"Tingin mo iiyak ako sa'yo? Asa ka naman! Tsaka 'di talaga ako papatol sa mga loloko-lokong tulad mo! Doon ako sa matino, gentleman, hindi babaero at ayaw sa basag-ulo." Masama pa rin niya akong tiningnan.
"Hoy Jong! Nasa akin lahat ng sinabi mo, ah!" Syempre joke lang. Puro kabaliktaran nga ang mga sinabi niya, eh. Nangiinis lang ako. "Pero gusto ko na mag-seryoso ngayon. Gusto ko ng magbago. M-may nakilala kasi ako. Tingin ko, ano, b-baka s-siya na." Halos pabulong ko na nasabi ang huli. Nag-iwas rin ako ng tingin. Bigla akong tinablan ng hiya n'yan. Lintek! Iba talaga nagagawa mo sa'kin, babae.
Naghintay ako ng ilang sandali sa reaksyon ng kaibigan ko pero wala akong narinig. Binalik ko ang tingin sa kanya at laking pagtataka ko ng makita ko siyang tulala. Tulala siyang nakatingin sa akin. Napangisi ako non, hindi talaga siya makapaniwala. Iyon kasi ang unang pagkakataon na nagsabi ako sa kaniyang seryoso ako.
Babae, wala talaga akong nagagawa o nasasabing matino. Pero nang makilala kita, nagbago ang pananaw ko. Malakas ang tama ko sa'yo eh. Ginayuma mo nga talaga ako gamit ang chocolate na bigay mo sa'ken.
"Hoy," I snapped out of her. Naks! Umi-English na talaga ako. "Ganyan ka na lang? Hindi mo man lang ba ako aasarin na baka ito na ang karma ko o babatiin man lang dahil for the first time in forever eh magtitino na ako?"
Masyado kong kilala si Jong. Simula pagkabata ay magkaibigan na kami. Alam ko kung kelan siya malungkot, kung kelan siya masaya, kung kelan siya galit. At ang nakita ko, kasabay ng pagbigkas niya ng "maswerte siya sa'yo," ay isang pekeng ngiti.
Isang pekeng ngiti na sana pinagtuunan ko ng pansin noon. Masaya sana ako ngayon babae.
--------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------
AN/
Late upload. Haha Peace!
RM