"Bes, samahan mo ako mamaya please?" pagpapa-cute ni Summer. Beauty and brains at friendly. Hindi ko alam kung bakit ako ang niyayaya nya sa dami ng kaibigan nya. Kung may award siguro kada semester, mahahakot nya ang Ms. Congeniality at People's Choice Award.
"Iba na lang ayain mo, tutulog ako." agad kong sagot.
"Sige na please? Mahaba-haba din kasi yung vacant natin. Ako na bahala sa'yo basta sumama ka lang." pangungumbinsi nya. Nagtitinginan na halos lahat ng tao sa classroom kaya tumango na lang ako.
"Yeeyy! Tara na! Mag-lunch muna tayo bago lumabas ng school?" agad nyang inilagay sa bag ang mga gamit ko. Naka-abrisyeta pa sya sa akin habang naglalakad sa hallway kaya aakalain talaga ng makakakita na sobrang close namin.
"Anong gusto mong kainin?" hindi mapawi ang ngiti sa mga labi nya. Mukha syang manika dahil sa malalantik nyang pilik mata at malalaking kulot ng buhok nya.
"Ikaw na bahala." maikli kong sagot. Dumiretso kami sa canteen. Si Summer na ang umorder habang naghanap naman ako ng mauupuan namin. Mahaba ang pila. Wala din akong makitang bakante kaya naisipan kong puntahan na lang si Summer.
"Huy Jim, okay lang mauna ako? Thank you talaga." nakangiting sabi ni Summer sa hindi ko kilalang lalaki. Hindi naman maalis ang ngiti nung Jim kasama ang mga barkada nya.
Lumapit ako at bumulong kay Summer na wala nang available na table.
"Okay lang yun. Pwede naman tayong maki-share." sabi nya. After nya umorder eh tumabi nga kami sa mga kakilala nya. Small talks lang ang nangyari sa table kasi nagmamadali na din si Summer. After nya magpasalamat ay tumayo na kami at lumabas ng campus. Hindi man lang sya sinita ng guard. Pretty privilege.
Sumakay kami sa tricycle at pumasok sa isang subdivision. Binati pa sya ng guard kaya alam kong madalas sya dito.
"Ember, do you know why I like you?" tanong nya. Sya lang ang tumatawag sa akin nyan kasi September naman talaga ang pangalan ko.
"September." I corrected her.
"Anyway, it's because you're fun to be with. You never asked questions, you always keep my secrets and boys never like you because you always study." sabi nya bago pumara sa harap ng two-story house. Hindi naman ako na-insulto sa mga sinabi nya kasi totoo naman nga.
"And this is one of my secrets." nakangiti nyang sabi bago ako hilahin papasok ng gate. Ni hindi man lang sya kumatok.
Pagbukas pa lang ng pinto ay sumalubong na sa amin ang amoy ng sigarilyo at tunog ng mga natumbang bote ng alak. Madaming tao sa loob at karamihan ay topless pa nga, mapa-babae or lalaki. Hinawakan ko ng mariin ang braso ni Summer para di kami pumasok.
"Hey, it's okay. I know all of them and you're safe here. Just read something in the corner." matamis nyang ngiti at tuluyan na kaming pumasok sa loob.
"Guys, this is my friend Ember. Where's Ace?" tanong nya agad habang naglalakad papunta sa isang kwarto.
Humanap naman ako ng mauupuan tulad ng sinabi nya. Who would have thought that a star student like Summer will go to a place like this?
"Ahh Ember right? Okay ka lang dyan sa sulok?" tanong sa akin ng isang lalaki na naka-boxers lang. I nodded and continued to read my book. With all the noise, wala talaga akong maintindihan. May nag-aalok ng pagkain pero tinanggihan ko dahil hindi ko sure kung safe ba ang mga iyon.
Lumipat ako ng upuan malapit sa may pinto para hindi ko masyadong marinig ang ingay nila. They are playing, drinking and smoking. Halo-halong amoy at wala akong maintindihan sa pinag-uusapan nila. Same place, two worlds.