Malakas ang ulan nang datnan ako ni ama sa abangan sa labas ng eskwelahan. Alas siyete na ng gabi noon, kasalukuyan naming tinatahak ang daan pauwi. Walang dalang kapote si ama kaya ang sakong dala niya ang ipinatong niya sa ulo ko upang kahit papaano ay maprotektahan ako sa ulan. Habang nakaangkas ako sa motor, pinagmamasdan ko ang kalangitan. Kitang kita ko kung paano gumuhit ang kidlat sa kalangitan kasunod ang malakas na kulog. Sa bawat kidlat na nakikita ko at kulog na naririnig ay napapahawak ako ng mahigpit kay ama. Napapapikit ako sa takot dahil baka tamaan kami nito.
"Huwag kang matakot anak," wika ni ama sa akin. Nakita kong muli ang kidlat, pinilit kong huwag kumurap at tignan ito. Pinilit kong huwag matakot.
Maya maya pa ay nawala na ang kidlat at tila ba kumalma na ang langit. Malapit na rin kami sa bahay. Isang kanto na lamang makakauwi na rin kami. Isang kanto na lang.
Kumulog ng malakas. Kasabay ng pagtama ng poste ng kuryente sa amin ay ang pagtilansik ko mula sa motor. Naramdaman kong umagos ang dugo mula sa noo ko. Nahihilo ako.
Nasaan kaya si ama?
Umiikot ang paningin ko ngunit nakasisiguro akong siya ang nasa ilalim ng poste. Tumakbo ako papalapit sa kanya. Sinubukan kong alisin siya sa poste ngunit masyado akong mahina. Kasabay ng pagtulo ng dugo mula sa noo ko ang pagdaloy ng luha sa aking pisngi. Umiikot ang mundo ko. Dumidilim lalo. Narinig ko ang tinig ni ama, "Huwag kang matakot, anak."
Unang araw sa eskwela. Unang araw ko sa hayskul. Unang beses na sunduin ako ni ama. Una at huli na pala.
BINABASA MO ANG
Iskolar
NouvellesNakakapraning ang unang araw ng eskwela. Bagong mukha, bagong mga guro at ang walang katapusang pagpapakilala. Ilang tao na ba ang nakakakilala sa akin? May saysay ba ito? Anong magagawa ng pangalan ko? Isa akong iskolar, ang hirap naman nito.