Kabanata 1

4 0 0
                                    


[Chapter 1]

Ako'y nagising dahil sa sinag ng araw na tumatama sa aking balat. Agad akong nagligpit ng aking pinaghigaan at humarap sa salamin para mag-ayos. Ipinagpag ko nang kaunti ang baro't saya na aking suot at pagkatapos ay lumabas na ako.

"Magandang umaga ho, inay," bati ko nang may ngiti sa aking labi.

"Magandang umaga din anak. Ihatid mo na itong bibingka kina aling Juanita at mareng Dolor."

Aking nginitian si inay bilang sagot at kinuha na ang lutong bibingka sa mesa. Sa mga ganitong oras ay wala si tatay dahil siya'y pumupunta sa aming gulayan.

Naglakad ako patungo sa tahanan ni aling Dolor. Inuna kong ihatid ang bibingkang binili niya sapagkat mas malapit ito kaysa sa bahay ni aling Juanita. Nakangiti akong naglalakad sa gitna ng kalsada. Hindi rin mahapdi sa balat ang sinag ng araw. Tila ba magiging maganda ang panahon ngayon buong araw.

Pagkatapos kong maihatid ang binili ni aling Dolor ay wala na akong sinayang na oras at agad na nagtungo ako sa tahanan ni aling Juanita. Kailangan kong maihatid na ito upang sa gayon ay makabalik ako nang mas maaga sa aming tahanan sapagkat sabay-sabay kaming kakain nina tatay at nanay.

"Maganda umaga ho, aling Juanita. Ito na ho ang bibingka na iyong binili."

"Magandang umaga din ineng. Salamat sa paghatid, ilapag mo nalang iyan diyan sa mesa."

Masaya kong kinuha ang bayad ni aling Juanita. "Salamat ho!" ang huli kong binanggit bago tuluyang lumisan sa kanilang tahanan.

Habang aking tinatahak ang daan pauwi sa amin ay may nakita akong mga naka-unipormeng kastila na hawak-hawak ang isang lalaki at sapilitan itong dinadala. Ako'y napabuntong-hininga at napaisip na lamang kung kailan ba namin makakamit ang kapayapaan, katarungan at kalayaan na matagal na naming hinahangad. Ako'y napaisip din kung anong nagawa ng lalaki sapagkat pilit itong dinadala ng mga kastila.

"Ako'y iyong samahang mamili mamaya sa merkado upang bumili ng mga kagamitan dito sa bahay at kakailangan para sa paggawa ng bibingka." saad ni nanay sa kalagitnaan ng aming pagkain.

Ako'y tumango lamang bilang sagot sapagkat puno ang aking bibig. Nakauwi na rin si tatay at siya'y may dalang mga gulay na nanggaling aming sariling gulayan.

Ako'y kasalukuyang nagmumuni-muni mula sa bintana ng aking silid sa pangalawang palapag ng bahay. Masaya kong pinagmamasdan ang mga makukulay na bulaklak, bulubundukin at mga nagsasayawang puno dahil mahangin. Parang napawi ang lahat ng aking pagod na nadarama sa pamamagitan lamang ng pagmamasid sa tanawing aking natatanaw, ngunit agad na natanggal ang ngiti sa aking mga labi nang makitang mayroong lalaking tumalon sa aming bakuran papasok sa aming tahanan.

"Huy!" agad na pasigaw kong sita sa lalaki. "Magnanakaw ka, ano?!"

Tinanggal nito ang kaniyang suot-suot na salakot at saka ako tinitigan. "Ako ba'y iyong inaakusahang magnanakaw, binibini?" saad niya bago ngumisi at saka lumisan sa harap ng aking bintana.

Ay! Si Diego pala!

Agad akong bumaba mula sa aking silid patungo sa aming panederia sapagkat alam kong doon siya patungo. Hindi naman ako nagkamali dahil nakita ko siyang nakatayo sa tapat ng aming panederia.

"Bakit ka naparito?" diretsong tanong ko sa kaniya.

"Ako'y bibili, aking binibini. Panederia 'to diba?" saad niya bago ngumiti nang malapad.

Ako'y napairap dahil sa kaniyang binanggit. "Ano ang iyong sinabi? Aking binibini? Ang kapal naman ng iyong pagmumukha, ginoong Diego Pilaez."

Ako'y kaniyang hindi sinagot at ngumisi lamang. "Aling Teresa, dalawang piraso nga ho ng pandesal," sabi nito kay inay na nasa loob ng pagawaan namin ng mga tinapay.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jan 07 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Our Forbidden Love StoryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon